My books in Singapore

SIPAG at TIYAGA:  yan ang dialogue ni Senator Manny Villar kaya siya nagtagumpay sa buhay. Yan din ang ginaya ko kaya kahit papaano ay nagbago ang buhay ko at ng aking pamilya. Dinagdagan ko lamang ito ng salitang TIIS dahil marami akong tiniis bago ko narating ang kinalalagyan ko ngayon.

Ilang beses ko nang naipost dito sa DF ang istorya ng buhay ko. Maaaring yun ay pahapyaw lamang sa tunay na kalagayan namin noon ngunit marami kaming tiniis na magkakapamilya bago nakatikim ng masarap na buhay. Nasa kuwento kong “SAPATOS” ang buhay ko noong nag-aaral ako mula elementary hanggang college na isang beses lamang ako nagkaroon ng sapatos.

Naikuwento ko rito sa akda kong “Wag kang Tamarin Mag-aral, Anak” ang panghihinayang sa mga batang nasa kanila na ang lahat ng materyal na bagay upang makapag-aral nang mabuti ngunit hindi pinahahalagahan ang mga magulang na kumakayod mapatapos lamang sila.

Sa pagsisikap ko, nakarating ako ng ibang bansa sa edad na 22 kahit na sa internet ko lamang nakilala ang employer ko at pagkatapos ng mahigit na tatlong taon ay pinalad na makarating ng Canada sa tulong ng isa ring mabuting loob na nakilala ko lang din sa internet na naikuwento ko sa aking akdang “Buhay Caregiver sa Canada“.

Matatapos ko na ang dalawang taon ko bilang caregiver dito at mag-aapply na ako ng permanent residency. Bagay na hinahangaan ng iba dahil sa edad na 27 ay naabot ko ito. Ang hindi nila alam, marami akong pinagdaanan.

Nagtiis ako noong nasa Middle East ako; noong pinili kong magfreelance tutor pagkatapos ng kontrata ko sa una kong amo. Nagkamali ako dahil kapag nagtrabaho ka pala sa labas, marami kang pagdadaanan. Hindi ko natagalan ang pagtatrabaho bilang freelancer kaya namasukan ako bilang katulong at doon ko naranasan ang hindi suwelduhan ng amo ko at hindi kumain nang tama. Pati na rin ang pagtulog ko ay apektado. Pero hindi ako sumuko. Walang alam ang pamilya ko sa tunay na kalagayan ko noon dahil ayokong mag-alala sila.

Sa paglipas ng panahon, nakita ko ang tunay na kalagayan ng mga Pilipino na nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Na hindi biro ang paglayo sa pamilya. Na marami ang inaabuso. Na marami ang nawawalan ng karapatan sa bansang kanilang pinagtatrabahuan. Ang ilan pa, hindi pinapahalagahan ng kanilang pamilyang naiwan sa Pilipinas. Maging ang gobyerno na inaasahan sa oras ng kagipitan katulad ng isang Pilipina na kinulong ng amo ay hindi agad naaksyunan.

Minsan na rin ako tumulong sa isang kababayang takas kahit na alam kong puwede akong mapahamak at minsan na din akong naloko ng kapwa ko OFW.

Sa aking obserbasyon at karanasan, nabuo ko ang iba’t ibang akda na nabasa na ninyo rito. Una akong nagsulat ng “Confessions of a Filipina Maid” na naglalarawan ng tunay na kalagayan ng mga kasambahay at ito’y hindi dapat ikahiya. Ang “Ito ang Pasalubong ko sa Inyo: RESIBO” na nagpaiyak ng ilan dahil sa tunay na kalagayan ng OFW na hindi napahahalagahan ng pamilya at naaalala lamang sila tuwing araw ng sahod.

Naisulat ko rin ang “Ako si OFW, Mayaman” at ang isa sa pinagmamalaki ko ang “OFW Ka ba? Please lang Mag-ipon ka!” na kung saan ay ibinahagi ko ang aking sikreto kung bakit nakabili ako ng lupa at bahay sa isang subdivision kahit na kabilaan ang pagtulong ko sa mga kamag-anak at maging sa charity.

Sa aking pagkainis minsan, naisulat ko ang iba pang daing ng OFW na sana ay dapat tugunan ng gobyerno. Maging ang obserbasyon ko sa OFWs na reklamo nang reklamo na wala silang naiipon dahil hindi nila sinasabi ang kanilang tunay na kalagayan sa kanilang pamilyang naiwan sa Pilipinas.

Bago ko pa man naipasa ang mga akda ko dito, una akong nakilala sa Tagpuan ng mga OFW (New Version) bilang Racz Kelly at sa nabasa kong mga comments, minsang nabanggit ang DF na puwede kong pasahan ng aking articles. Matagal na rin akong miyembro ng page na ito dahil sa katunayan, isa ako sa nafeature noong October 2009 sa album na OFW Saan Mang Sulok ng Mundo. Hindi ko naisip na ang una kong gawa ay magkaroon ng positive feedback na naging dahilan upang kumalat sa iba’t ibang OFW fb pages.

Apat na articles ko ang inangkin ng ilan at ako pa ang sinabihang nangopya dahil iba ang pangalang gamit ko dito sa pangalan ko sa Facebook. At dahil sa article kong “Resibo” na inari ng iba maging ang pagpublish sa isang magazine nang hindi ko alam, nagreklamo ako sa pamunuan ng Definitely Filipino.

Doon ko unang nakilala si Ms Mike Portes na admin ng DF at sumulat ng pinakasikat na maikling kuwentong “Minsan May Isang Puta” na naging inspirasyon ko naman sa pagbuo ko ng akda kong “Isa akong Ampon“. Si Ms. Portes ang nagturo sa akin ng dapat kong gawin upang ‘di angkinin ng iba ang aking mga gawa. Siya rin ang nagpakilala sa akin kay Tatay Jobo Elizes na nagpapublish ng libro sa amazon.com

Dito nagsimula ang pagbuo ng aklat ko na pinamagatang TIIS, SIPAG AT TIYAGA (OFW STORIES) na ngayon ay nabibili sa HK, UAE, Qatar at Canada. Available din ito sa amazon.com sa mga nais bumili kahit saang panig pa ng mundo.

Masasabi kong, ang aklat kong ito ang nagpapakita ng tunay na kalagayan ng isang taong nagsimula sa wala, nagsikap, nagpunta sa ibang bansa at naranasan ang iba’t ibang dagok sa buhay ngunit hindi sumuko sa lahat ng pinagdadaanan. Nagsasalamin ito ng kuwento ng bawat OFW na tinitiis ang lahat mapabuti lamang ang kalagayan ng kapamilya.

Nagbibigay ito ng inspirasyon sa mga nawawalan na ng pag-asa dahil ikinuwento ko dito ang isang himalang nangyari sa buhay ko noong ako’y muntikan ng sumuko.

Ang libro kong ito ay naging daan din upang makilala ko pa ang ilan pang writers na dito rin nagsimula sa DF na ngayon ay mga kaibigan ko na. Si Mrs. Jovelyn Revilla, si Iceburn, Monette, Mommy Joyce, Angela at iba pang manunulat.

____________
PASASALAMAT:

Sa aking mga kaibigan na sumuporta sa aking kauna-unahang libro lalo na sa aking mga distributor sa Qatar (Mrs. Revilla), UAE (Ms. Napat and Ms. Monterde), SG (Ms. Castor) at HK (Ms Jhohannezz) . Hindi ko rin kalilimutan ang Tagpuan kung saan nakilala ang mga naisulat ko at sa aking  fb friends na nagpapalakas ng loob ko sa pagsusulat ng makabuluhang akda. Higit sa lahat, sa aking pamilya na siyang  dahilan ng aking pagsisikap at sa Panginoong Diyos na nagbigay sa akin ng mga pagsubok noon na naging dahilan kaya ako’y naging mas matatag ngayon.

Salamat din sa mga kumopya ng akda ko na naging tulay sa pagkakakilala ko sa hinahangaan kong manunulat.

author:  ardipee

p.e./kf


Enhanced by Zemanta