Technician  (Photo Credit:  Chumpysclipart)

Technician (Photo Credit: Chumpysclipart)

Nagloloko ba ang iyong internet connection, computer, ang router o sadyang ‘di ka talaga marunong magcomputer? Hindi ba naka smile ang yahoo messenger mo? Wala kang nakikita sa monitor kundi no input signal o ‘di kaya ay nabawasan ka ng friends sa facebook o friendster? Sa lahat ng walang kabuluhang tanong na yan iisang tao ang tinatawagan mo. Ang dakilang Technical Support Representative.

Ang mga TSR ay mga dedicated at magagaling na nilalang na binubuo ng mga sumusunod: Nursing grad na di nakapasa sa board, mga graduate ng two year or vocational course, mga undergrad ng iba’t ibang kurso, mga engineer na nag-iipon ng pangreview, mga mechanical engineer na di marunong magsave ng notepad at mga taong grumadweyt ng management course na walang ma-applyan na iba dahil puro call center ang hiring sa Pilipinas, meron ding ilan na highschool grad pero may accent daw sa pagsasalita ng english. Sila ang dream team na tutulong sayo sa mga problema mo, kahit na lumilindol, pasko, ondoy o kahit na ano pang delubyo ang dumating may pasok sila at wala silang magagawa dito maliban sa magsakit-sakitan at kumuha ng medical certificate para ma excuse.

Masarap magtrabaho bilang technical support. Marami kang matututunan na gamit ng computer. Ang mga keys sa keyboard mo na katulad ng spacebar at F12 na dati ay di mo napapansin ay nagiging napakahalaga na sa iyo. Kung dati-rati ay   hindi ka sanay sa “ctrl+c” at “ctrl+v” ay siguradong matututo ka dito. isusuot mo rin dito ang time affecting headset na sa di maintindihang dahilan ay bumabagal ang galaw ng mundo sa tuwing sinusuot mo. Dito ay makikilala mo rin ang mga butihing technician na itatanong pa sa may-ari kung ano ang operating system ng computer nila. Marami din dito na super paranoid na kaya daw ata mabagal ang connection nila ay dahil may naghahack ng computer nila.

Sa mga kasamahan naman sa trabaho dito ka makakakita ng puppet na nagsasalita, tomboy na napakagwapo, lalaking sa edad na 27 ay nakakalbo, binatang pag di nakakain ng saging ay parang maghihingalo at mga kagaya ko na nakikipag-inuman at nalalasing sa coke litro. Masaya talaga maging TSR pero minsan ang stress ay pumapasok din sa ulo. May mga oras na inaabot ka na ng madaling araw paglalaro ng pusoy, DOTA o di kaya ay pagbabarilin mo ng airsoft ang lahat ng plastic na boteng makita mo. Minsan din ay pinagplaplanuhan mo na ang escort lady sa kabilang kwarto nyo. Nagpapahabol ka sa lobo na hugis aso at nagdidikit ka ng mga ginupit na magazine sa dingding ng kwarto nyo. At sa dinami-dami ng mga ginawa mong ito hindi mo pa rin nahugasan ang plato sa lababo.

Sa pagiging TSR ay magiging bihasa ka na din sa pagsisinungaling. May pupunta po para ayusin ang connection nyo, kailangan ireformat ang pc nyo at my supervisor is engage in a call right now, ilan lang ito sa mga kasinungalingan na kayang-kaya mo na sabihin pag naging TSR ka na. Sabi nga ng isang kaibigan ko sa sobrang galing na daw nya magsinungaling pati sarili nya napapaniwala nya na sa kasinungalingang sinasabi nya.

Sa mga bagay na ito, sa lahat ng nakakairita at nakakatawang caller at subscriber na nakausap ko, sa mga nakasama ko sa pakikidigma, sa isang tambak na problema ng mga computer at may-ari, sa mga YM na hindi makapagchat ,sa mga Outlook na di makapag-email at sa sang tambak na mabagal o putol-putol ang internet connection. SALAMAT. Naging masaya ako sa ilang panahon na inilagi ko sa buhay Technical Support.  Salamat na miss ko din naman ito pero sa ngayon iba na ang problema ng mga tao pag sinusuot ko ang headset ko.

author:  oilridge

p.e./kf