Sadness   (Photo credits:     Tradebit)

Sadness (Photo credits: Tradebit)

Saya, kasiyahan o happiness; iisa lang ang ibig sabihin n’yan.  Pero ‘yan ang mga salitang hindi ko lubos maipaliwanag sa panahon ngayon. Dahil ako mismo hindi ko maramdaman ni isa sa mga katagang ‘yan.

Bakit ako nagkaganito? Bakit biglang nabago ang ikot ng mundo? Dahil sa pagkakaalam ko, masayahin at mababaw lamang ang kaligayahan ko.

Buong araw akong nataranta at nayanig; halo-halong emosyon ang bumalot sa aking dibdib.

Ang daming bagay ang sumagi sa aking isip, kaya hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa kaya ito sa kanya ay aking nasambit:

“Pangalawang mail ko na ‘to sa ‘yo. Yet di mo naman sinagot yung una. Inilabas ko lang yung nararamdaman ko. Kasi hindi ko na alam kung ano pa ang meron tayo. ‘Di mo man pansin nagbago ka nang sobra. Dati, saludo ko sa ‘yo, bilib pa nga eh biruin mo sobrang pagod mo, pero may oras ka para sa ‘kin, para sa  ‘ting dalawa; nagagawan naman ng paraan, pero bakit ngayon wala?

May problema ba? May iba na ba? Ayaw kong magduda at ayaw kong tanggalin ang tiwala ko sa yo, dahil mahirap pag ‘yan ang nawala. Nawala na yung simpleng effort ba, yung iparamdam mo man lang na nag-eexist ka pa. Ayaw ko sana dumagdag sa mga isipin mo pero  sana naman isipin mo din sana yung nararamdaman ko. Walang mahirap, walang pagod, walang ibang dahilan kung gugustuhin mo para sa taong mahal mo. Alam ko ang nasa isip mo; na pressured ka na sa trabaho at sa paghahanap ng bagong trabaho.

Naiintindihan ko naman, oras lang naman ang gusto ko, pero unti-unti nang nawala. Inagaw ka na sa akin ng oras at ng trabaho mo. Ayaw kong maging sweet sa ‘yo dahil baka masakal ka, naging casual ako pero wala namang pinagkaiba. Ano pa ba? Ayaw kong sumuko, ayaw kong i-give up lalo na ang relasyon na binuo natin pero ikaw ang tumutulak sakin palayo sa ‘yo. Iba ka na or siguro hindi pa nga kita ganoon kakilala. Gaano man ako katibay o katatag, darating din talaga sa point na nakapanghihina na.

Pinipilit kong huwag matulad ‘to sa mga naging relasyon natin. Pilitin ko man na panindigan na ito na ang huling relasyon para sa ‘tin. Pero paano? Kung sa simpleng ganito wala ka na.  Hindi na kita maramdaman.  Umaasa ako na babalik sa dati yung taong minahal ko, pero ewan ko hindi ko na alam.   Araw-araw akong nagdarasal na matupad mo ang mga pangarap mo. Na mag-ingat ka lage. Hangad ko ang kaligayahan mo. Miss na miss na kita.  Mahal na mahal kita, pero ang sakit na. Kaya ko naman, sana bigyan mo lang ako ng pagkakataon para ipakita at patunayan ‘yan. Kung hindi mo na kailangan ng gf sabihin mo lang; ako na ang lalayo, wala ka nang maririnig na kahit ano pa.

Paniwalaan mo ko pag sinabi kong mahal kita. Dahil totoo mahal kita.”

‘Yan ang laman ng aking mail na pinadala sa kanya, isang oras na ang nakalilipas.

Ang hirap, ang bigat ng ganitong pakiramdam. Paano ko kakayanin kung ako na lang mag-isa? Paano ko malalampasan kung sa kanya ako humuhugot ng lakas? Paano kami magtatagumpay sa laban naming dalawa?

Bakit ba ang hirap maging MASAYA?

author:  mariaregina

p.e./kf

Enhanced by Zemanta