New path, new beginning (Photo credit: pavvan.wordpress)

New path, new beginning (Photo credit: pavvan.wordpress)

Naranasan niyo na bang ulitin ang isang bagay? ‘Yun bang tipong babalik  ka ulit sa umpisa. Nakaiinis ‘di ba? Halimbawa noong nag-aaral pa tayo. May mga binibigay na projects, o kaya term paper na ginawa mo, ipi-print mo na lang nang biglang namatay ang computer o ‘di kaya ay nasira ang diskette (hindi pa uso ang USB noong panahon ko). At sa kasamaang palad, hindi mo nai-save o ‘di kaya ay wala kang back up. Bad trip talaga ‘di ba? Start from scratch, nasayang ang pagod, pera, panahon o oras sa wala. Hindi mo gusto pero wala kang magawa kung hindi ulitin ang mga ginawa mo.

Wala itong pinag-iba sa paglipat sa bagong trabaho. Magsisimula ka ulit sa umpisa: pag-aaralan ang bagong proseso, aalamin ang pasikot-sikot, maglalakad ng mga requirements. Lahat uulitin mo. Makikipagkilala ka ulit, mga bagong kaibigan, mga bagong problema.  Minsan mahirap mag-adjust, lalo na kung nasanay ka na sa dati mong ginagawa.

Pero may ilang bagay na maganda sa pag-ulit ng mga bagay. Una, mas nagagawa mo ito ng mabilis. Kasi nga nasubukan mo nang gawin minsan kaya yung pangalawa pangatlo, pang-apat ay mas madali na. Pangalawa, nagkakaroon ka ng pagkakataon na ayusin o itama ‘yung mga bagay na nagawa mo ng mali noong una. Maaaring noong unang beses mong ginawa ay may napansin kang nagiging problema kaya pag inulit mo ay sosolusyunan mo na ito agad. Sabi nga nila, experience is the best teacher at learn from your mistakes. Sa paulit-ulit na proseso ng buhay natin, hindi lang isa o dalawang beses tayong madadapa, babagsak, magkakamali o uulit sa simula. Ang mahalaga rito ay ang kapasidad nating bumangon o magsimula ulit. Ito ang magiging batayan ng ating kakayahan. Sa isang karera, hindi natatapos ang laban ‘pag nadapa ang isang kalahok. Natatapos ito kung nakatawid ka na sa linya. Kapag narating mo na ang tugatog ng tagumpay.

author: oilridge

p.e./kf