Teenager  (Photo Credit:  Ehow)

Teenager (Photo Credit: Ehow)

Heto na naman, pinatawag na naman ako ng iyong mga guro sa paaralan. May ginawa ka na naman daw kalokohan Rafael, may pinaiyak ka raw na babae. Masyadong nagdamdam sa mga masasakit na sinabi mo. SumOsobra ka na Rafael ah, napakatigas ng ulo mo. Pasaway at hindi na marunong makinig sa mga ipinag-uutos ng mga nakatatanda sa iyo.

Noong minsan nga, hindi ka pala pumasok, umalis ka lamang ng bahay na naka-uniporme, pero sa ibang bahay na lamang nagtungo. Doon sa bahay ng kaklase mong bulakbol rin. Akala mo siguro hindi ko malalaman ‘no? sa edad mong labing-anim, napakahirap mo na talagang pasunurin, lalo na’t nababarkada ka na rin.

Unti-unti ka nang nakakabuo ng sarili mong baluktot na paniniwala. Minsan nga, sinasagot mo na rin ako nang pabalagbag. Nawawalan ka na ng respeto sa akin, anak. Pilosopo ka na kung sumagot kay nanay. Nagdadabog ka na rin kapag inuutusan. Mareklamo sa ulam, hindi ka kumakain kapag hindi mo gusto ang nakahain. Hindi ka na makontento sa kung ano lang ang meron sa atin. May panahong gabing-gabi ka na rin umuuwi ng bahay, minsan nga madaling araw pa, o ang mas masaklap pa nga, kinabukasan na talaga.

Nakikitulog ka na lang sa iyong mga kaklase, hindi ka ba nahihiya sa kanila anak? Ayos lang naman sana sa akin kung paminsan minsan lang, pero halos gabi-gabi na anak, hindi ka pa nagpapaalam. Nag-aalala din naman ako dito sa bahay, hindi ako nakakatulog sa paghihintay ko sa ’yo. Inaabangan ko ang iyong mga yabag at pagkatok sa pinto tuwing darating na ang dilim. Nasaan ka na kaya Rafael? Ligtas ka kaya sa mga oras na naaalala kita? Sana naman.

Kamakailan lang, humingi ka sa akin ng 200 pesos. May ambagan kayong magkakaklase para isa inyong proyekto diba? Anak? Pero bakit nabalitaan ko na lang na nagpainom ka pala sa iyong mga kabarkada? Napakalakas mo na raw uminom ngayon ah? Dati rati, hindi mo gusto ang amoy at lasa ng alak, pero bakit ngayon paborito mo na ito? Nahuhuli narin kita paminsan minsan na nangungupit ng bariya sa wallet ko, binantayan kita at sinundan. Hindi mo ba alam anak? Pumunta ka sa tindahan, bumili ka ng isang stick ng sigarilyo at sinindihan mo ito. Nagulat ako noon, naitakip ko ang aking kamay sa aking bibig. Agad akong nagtago sa pangambang baka mahuli mo akong binabantayan kita.

Binalak ko na minsang komprontahin ka, kausapin, pagsabihan at payuhan. Pero ang sabi mo, hindi ka naman nag-iinom at naninigarilyo. Marunong ka na ring magsinungaling ngayon anak. Saan mo ba natutunan ‘yan? Hindi naman kita tinuruang magsinungaling ah. Pinagalitan kita, napansin ko ang panginginig mo. Parang gusto mong sumigaw sa galit at sabihing mali ako at ikaw ang tama. Tumaas ang tono ng pananalita mo nang sabihin mong “HINDI NGA.” “ano?” “HINDI NGA AKO NANINIGARILYO.” Hindi ka na rin magalang ngayon anak, wala ka nang PO at OPO sa bawat salita mong binibitawan sa iyong nanay. Pinapasok kita sa kuwarto mo, pinaghigpitan. Sinabi kong hindi ka lalabas ng bahay hangga’t walang pahintulot ni nanay. School at bahay lang ang dapat mong atupagin, diretsu ang uwi pagkatapos nang maghapong eskwela. Dahil kung hindi, isusumbong na kita sa tatay mong nasa ibang bansa, nasa ibang bansa upang mapag-aral ka lamang sa maganda, sikat at mamahaling paaralan. Para sana anak, magkaroon ka ng magandang background tungo sa magandang kinabukasan. Pero hindi mo ako pinakinggan, padabog kang lumabas ng bahay. Itinulak mo nang malakas ang ating pinto, lumagabog ito at nagkalansingan ang mga dekorasyong nakabitin dito.

Agad kitang sinundan, binuksan ko ang pinto. Laking gulat ko nang marinig kitang nagmumura, may malakas at may pabulong lamang. Minumura mo ba ako anak? Naisip kong baka nga tama ka at mali ako? Napaiyak na lang ako noong makalayo ka sa bahay, hindi na kita hinabol dahil masyado akong nasaktan sa sinabi mo. Pakiramdam ko, wala na akong kakampi. Sarili kong anak, galit na sa akin. Sarili kong dugo’t laman, walang paggalang sa akin. Sarili kong supling, may hinanakit sa akin. Ano bang mararamdaman mo kapag ganoon rin sumagot sa’yo ang iyong anak? Kakayanin mo bang magtiis? Ako? Kaya ko. Anak kita eh. Kahit anong mangyari, mahal kita at gagawin ko ang lahat para mahalin mo rin ako, para igalang bilang iyong kakampi, kaibigan, ate at NANAY.

Tatlong araw at dalawang gabi ka nang hindi umuuwi , tatlong araw at dalawang gabi narin akong problemado, nag-iisip, nag-aalala at hindi nakakatulog. Wala ka parin Rafael, hindi ka parin umuuwi. Namimiss na kita anak, nasaan ka na kaya? Sana lagi kang ligtas, sana hindi ka nagugutom, sana hindi ka magkasakit. Sana naaalala mo rin ako, sana namimiss mo rin ako, sana nag-aalala ka rin para sa akin tulad ng pag-aalala ko sa’yo anak. Nag-iisa si nanay sa bahay. Ikaw lang sana ang kasama’t karamay ko araw araw, pero bakit wala ka? Bakit hindi tayo magkasama at magkaramay ngayon, sa halip ay magkaaway?

Nagulat na lang ako noong may nagbalita sa akin kung nasaan ka, may nakakita sa’yo anak. Napaaway ka raw kagabi, duguan, maraming pasa at sugat sa iyong mukha at katawan. Pinuntahan kita anak. Nagmadali akong nagbihis at tinungo ang iyong kinaroroonan. Napaiyak ako nang malakas, oo, totoo nga ang balita. Napaaway ka nga, nakita ko ang iyong mga sugat at pasa, hindi ko matanggap ang aking nakita. Alam kong lubha kang nahirapan, gusto kitang gamutin pero hindi ko alam kung alin ang uunahin dahil sa dami ng iyong pinsala. Anong nangyari sa’yo anak? Sabihin mo kay nanay, makikinig ako. Sabihin mo, ano? Bakit hindi mo ako sinasagot anak? Galit ka parin ba kay nanay? Patawarin mo ako Rafael, sige na, sagutin mo ako. Bumangon ka na, hinihintay ka parati ni nanay. Gising anak, nandito na si nanay, uuwi na tayo anak. Ako na ang mag-aalaga sa’yo hindi na ang mga doctor sa Ospital. Anak, anak, anak? ANAK ko.

Humagulgol ako anak nang mga sandaling iyon, malakas na malakas. Sumigaw ako, hawak hawak ang malamig mong mga kamay. Bakit ang lamig mo anak? Bakit hindi ka gumagalaw? Bakit hindi ka nagsasalita? Bakit hindi ka humihinga? Humikbi ako at lalong napahagulgol sa sama ng loob, PATAY ka na pala anak. Bakit mo iniwan si nanay? Mahal na mahal kita anak, hindi mo na ba mahal si nanay? Patawarin mo ako. Pangako ko sa’yo, hindi na muli pa kita papagalitan, hindi na kita paghihigpitan at makikinig na ako sa’yo anak h’wag mo lang akong iwan. Gumising ka, anak ko. Magpapakabuting ina na ako sa’yo. Sana’y magpakabuting anak ka na rin sa akin paggising mo.

Nagulat na lang ako nang biglang may lumapit sa aking isang babae, sinabi nitong NAPAKABUTI mong tao. Nagtaka ako sa sinabi n’ya. Hindi pala ikaw ang sangkot sa gulo, dahil nadamay ka lang. tinangka mo lang harangin at bawiin sa mga magnanakaw ang wallet ng babae. Pero sa kasamaang palad, ikaw ang binawian ng mga magnanakaw, ikaw ang kanilang ginulpi at pinagtulungan. Sinabi rin ng kaibigan mo na wala kang kinalaman sa nangyari, subalit gusto mo lamang ng kapayapaan kaya mo iyon ginawa. Gusto mong magkaroon ng katahimikan ang sanlibutan. Gusto mong maging payapa ang lahat, tahimik at walang gulo. Gusto mo lamang magkaisa ang mga tao at h’wag nang magkasakitan, magbanggaan, magbangayan, mag-away, magpagalingan at magnakawan.

Ang gusto mo’y iisang layunin anak, iisa ang patutunguhan. Doon mo gusto sa tuwid at hindi baluktot na propaganda. Gusto mong sugpuin ang lahat nang pumipigil sa pag-unlad ng ating bayan. Gusto mong maputol na ang katiwalian. Gusto mong ipagtanggol ang mga naaapi. May ipinaglalaban ka pala anak. Sa napakamurang edad mo pa lamang ay may ganoong pananaw ka na sa buhay.

Kaya pala ganoon karin kung sumagot kay nanay, nakakatakot. Ngayon, alam ko nang mali ako at tama ka. Dahil mayroon kang layuning hindi ko alam. Mayroon kang pangarap na hindi ko alam. Pangarap mong magkaroon ng kapayapaan ang ating bayan sinilangan. Gusto mong maging manananggol o tagapagtanggol. Gusto mong maging isang abugado. Pero hindi anak, nagkakamali ka. Hindi ka lang basta isang batang nangangarap na maging isang abugado, dahil para sa akin, isa kang magiting na BAYANI. Bayani ka anak, ipinagmamalaki kita. :(

author:  sherald salamat

p.e./kf