Ako nga pala si frozenfire.  Pen name ko lang yan.  Isa akong blogger.  Mayroon akong nakilala.  Siya si iceburn.  Pen name niya lang din yan.  Isa din siyang blogger. Siya ay nasa Doha, Qatar noong mga panahon na yan. At ako naman ay nasa Singapore.  Si iceburn ay isa sa mga bloggers na nagugustuhan ko ang mga akda.  Nakakakilig kasi at nakakainspire pa.  May mga matututunan ka tungkol sa buhay at pag-ibig.

Dati na akong nagcocoment sa mga blog niya.  At isang araw nga nabiro ko siya sa comment ko.  Sabi ko, “bagay kami” kasi ako si frozenfire siya naman si iceburn.  Nagpapatawa lang naman ako.   Iisang araw,   nagcomment din siya sa blog ko.  Nagkapalitan kami ng opinyon, nagkakulitan, at hindi nagtagal ay naging magkaibigan.

In-add niya ako sa Facebook at doon namin ipinagpatuloy ang aming kulitan.  Habang nag-uusap kami, nalaman ko na halos magkalapit lang pala kami ng lugar.  Masayang kausap si iceburn.  Magaling magpatawa, magaling bumanat at magaling din mang-asar.  Mga bagay na ikinatutuwa ko sa kanya.

Palalim nang palalim ang pag-uusap namin hanggang sa tinanong niya ako kung “p’wede daw ba magtanong?”  Nagtanong ka na nga eh”, pabirong sagot ko naman.  Marami siyang tanong at heto ang mga tinanong niya kasama ang mga sagot ko.

Iceburn: May boyfriend ka na?

Frozenfire: Wala, kahihiwalay lang actually.

Iceburn: Dahil sa kahihiwalay nyo lang ng Ex-boyfriend mo, kung may manliligaw ba sa ’yo ngayon, tatanggapin mo?

Frozenfire: Pahinga muna ako. Pero kung may manliligaw, alangan namang ipagtabuyan ko?  Kung dumating na yung lalaking pinapangarap ko, alangan namang pagtaguan ko pa?

Iceburn: Naniniwala ka ba sa sinasabi ng isang tao na hindi mo kilala at kailan man hindi mo pa nakikita?

Frozenfire: Depende, malakas ang pakiramdam naming mga babae.  Alam namin kung totoo o hindi, kung dapat bang paniwalaan o hindi.  Saka depende yun sa kung ano ang sinasabi.

Iceburn: Puwede bang manligaw ako sa ’yo kahit na hindi mo pa ako nakikita?  Kahit na hindi mo pa ako kilala?  Kahit na wala ka pang alam tungkol sa  ’kin maliban lamang sa pen name kong iceburn?

Frozenfire: Natural HINDI.  Ayaw ko sa stranger.  Puwede, kaibigan.

Iceburn: Kung magpapakilala naman ako, kung magpapakita naman ako, ayaw mo pa rin?

Frozenfire: Siyempre, ‘pag nakilala na kita, puwede na.

Iceburn: Ilang taon ka na?

Frozenfire: Sa palagay ko, mas matanda ako sa ’yo ng isang taon.

Iceburn: Tumatanggap ka ba ng manliligaw na mas bata sa  ’yo?

Frozenfire: Kahit na bata ang edad kung mas mature mag-isip kaysa sa ’kin, okay lang.

Iceburn: Manliligaw na mahilig bumanat, yung pakiramdam mo binobola ka niya, pero para sa kanya totoo ang mga sinasabi niya?

Frozenfire: Okay lang yan, babanatan ko din siya!

Iceburn: Manliligaw na hindi biniyayaan ng itsura, okay lang sa ’yo?

Frozenfire: Okay lang basta kasing bait din ng lalaking pinapangarap ko.

Iceburn: Manliligaw na walang maipagmamayabang sa ’yo?

Frozenfire: Ayaw ko ng mayabang kaya hindi kailangan na may maipagyayabang.

Iceburn: Kung manliligaw si iceburn sa ’yo, papayag ka ba?

Frozenfire: Bakit daw siya manliligaw?

Iceburn: Dahil gusto niya daw maging yung lalaking pinapangarap mo.

Frozenfire: Ganun? Kapag magkakilala na kami, yung kilalang-kilala na talaga, baka p’wede na.

Diyan natapos ang unang konbersasyon namin.  Kung gaano kabilis ang pag-uusap namin, ganun din kabilis si iceburn.  Biruin mo ba namang tinatanong na ako agad kung pwede ba siya manligaw?  Napatawa na lang ako.  Sino ba naman ang babaeng magpapaligaw sa isang lalaki na hindi mo pa kilala at hindi mo pa nakikita.

Umabot ng limang buwan ang panliligaw sa ’kin ni iceburn.  Sa loob ng limang buwan na yun, marami akong nalaman at napatunayan sa kanya.  Oo, hindi ko pa siya nakikita, pero malakas ang pakiramdam ko kung ano ang pagkatao niya.  Ang pagkilala sa isang tao ay hindi lang sa nakikita.  Pati din sa ’yong nadarama, sa lahat ng sinasabi at kinikilos niya.

Taglay ni iceburn ang mga pag-uugali ng isang lalaki na hinahanap ko naman talaga.  Siyang nakapagpahulog ng loob ko sa kanya.  Sabi niya sa’kin, pangit daw siya.  Para sa ’kin hindi sa mukha nakikita ang itsura ng isang tao.  Nakikita ko yan sa pag-uugali niya.  Hindi nagtagal, napaibig niya ako at nakamit niya ang matamis kong oo.

Naging maayos ang takbo ng aming relasyon.  Habang tumatagal kami ay lalong tumatatag ang aming pagmamahalan.  Internet ang naging tulay namin para maipadama sa bawat isa ang pagmamahalan namin.  Habang tumatagal kami, patuloy naman kaming nangangarap para sa aming kinabukasan.

Noong mga panahon na yun, nagbabalak akong magcross country sa Korea.  Malaki kasi ang kikitain ko pag nasa korea ako.  May kaibigan din ako na naroroon.  Kaya kung sakaling makapunta man ako, may tutuluyan na ako.

Sinabi ko kay iceburn yun.  Sabi niy,a sasama daw siya.  Pupunta daw kaming dalawa doon.  Wow, ang saya naman.  Sa Korea pa kami magkikita nang personal kung saka-sakali, sabi ko sa sarili ko.  Napagkasunduan namin yun at matutuloy nga ang plano namin.

Nauna akong pumunta ng Korea.  Tourist visa ang papel na hawak ko. Sa madaling salita illegal ako kasi trabaho ang pakay ko doon.  Malakas ang loob ko kasi TNT din ang mga kaibigan ko doon.  Mag-iipon lang kami ni iceburn at pag may ipon na, uuwi na kami ng Pinas pareho.

Isang linggo pa lang ako sa Korea, nakapasok na ako sa trabaho.  Nangangailangan kasi yung kompanyang pinapasukan ng kaibigan ko.  Sa bahay na tinutuluyan namin ng kaibigan ko ay may sarili akong kuwarto.  Kuwarto namin ni iceburn pag narito na siya. Sa sunod na linggo na din ang dating niya.

Bisperas ng dating ni iceburn hindi na ako makatulog.  Iniisip ko siya, iniisip ko yung sitwasyon namin.  Ngayon palang kami magkikita tapos magsasama na kami agad sa isang kuwarto?  Kinikilig ako na kinakabahan.  Basta mahal ko siya, mahal niya din ako; wala nang makakapigil pa.

Kinaumagahan ng mga alas kwatro ng hapon pumunta na ako ng Airport para sa suduin siya.  Alas singko pa naman ang dating niya pero mas mabuti na yung ako ang naghihintay dun sa kanya.  Noong nasa Airport na ako, kinakabahan ako at nilalamig.  Haaay ano ba yan, nangangatog ang mga tuhod ko.

Sumapit na ang alas sinko.  At lumapag na ang eroplanong sinakyan niya.  Inaabangan ko na ang paglabas niya.  Sabi niya ay itim daw ang suot niya.  Napakaraming nakaitim, kaya nahihirapan akong hanapin siya.  Nakalabas na lahat ng pasahero, pero wala pa siya.

Nagulat na lang ako noong may kumalabit sa likod ko.  Pasaway na iceburn to, ginulat pa ako!  Napayakap ako sa kanya.  Wow ha, ang bango ng loko. Pambabae yata pabango niya.  Parang hindi iyon ang una naming pagkikita.  Kasi hindi na kami nagkakahiyaan.  Kung ano ang ginagawa namin sa chat dati, ganoon din ang ginagawa naming nung nagkita at magkasama na kami.

Pumara ako ng taxi, at inuwi ko na siya sa aming apartment.  Sa loob ng taxi, naguusap kami.

Frozenfire: Kumusta ang biyahe? Ang gwapo pala natin ah.

Iceburn: Okay lang naman, medyo nakakapagod kasi malayo. Oh talaga?  Ikaw pa lang ang unang nagsabi sa’kin nyan.

Frozenfire: Guwapo ka naman talaga, bakit sabi mo sa ’kin noon, pangit ka.  Gusto ko yung pangit, ayaw ko sa gwapo baka maagawan ako, hehe biro lang. (sabay sandal sa dibdib niya.)

Iceburn: Oras na nagpahuli ako sa isang babae, hindi na ako magpapa-agaw pa. (nakagiti sabay yakap kay frozenfire)

Nakarating na kami sa aming apartment.  Pinagpahinga ko muna siya habang inaayos ko ang mga dala niyang gamit.  Natawa ako noong makita ko ang laman ng isang bag niya.  Puno iyon ng STICKY NOTES.

Aanhin mo to, Ibebenta mo dito? Tanong ko sabay tawa.

Basta… sagot lang niya.

Nang matapos kong ayusin ang mga gamit niya, kumain na kami.  Saka maagang natulog kasi magsisimula na daw siyang maghanap ng trabaho niya kinabukasan.  Ayaw niya nang magpahinga muna.  Pagkalipas ng isang linggo, may trabaho na din siya.

Magkaiba ang lugar ng trabaho namin.  Magkaiba din ang aming eskedyul.  Pang gabi siya, pang araw naman ako.  Halos hindi kami nagkikita araw-araw.  Tawagan  lang lagi kami.  Nagkakasama lang kami kapag araw ng pahinga namin.

Pero sweet si iceburn.  Lagi siyang nag-iiwan ng notes para sa’kin  kapag umaalis siyang hindi pa ako dumadating.  Minsan nakadikit sa may refrigerator.  Minsan naman sa likod ng pintuan.  Minsan nasa may TV.  Minsan nasa may salamin.  Minsan nasa loob ng kwarto, sa bed namin.  Basta nakadikit yun sa mga alam niyang gagamitin at gagalawin ko.  Iyon pala ang silbi ng napakadaming sticky notes na dala niya.

Karamihan sa mga nakasulat sa sticky notes niya ay “I Love You”.  Pero eto ang malupet. Pagkagising ko isang umaga, pagkamulat ko ng aking mga mata. Isang malaking “I Love You” ang nakita kong nakadikit sa kisame.  Grabe, hindi na lang niya sinabi sa’kin.  Talagang nag-effort pa siyang idikit doon, ang taas-taas.

Magdadalawang taon na kami sa Korea noong nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan.  Nakita ko kasi siyang kumakain sa isang restaurant at may kasamang babae. Inaway ko siya.  Sabi niya, katrabaho lang daw niya iyon.  Birthday daw kasi ng babae kaya yinaya siya kumain sa labas, nakakahiya naman daw kung tatanggihan niya.

Hindi ko siya pinaniwalaan.  Dahil ang pakiramdam ko talaga noon, may namamagitan sa kanilang dalawa.  Lagi siyang tumatawag sa’kin, pero hindi ko sinasagot. Lagi siyang nagsossory pero di’ko pinapansin.  Kapag araw ng pahinga namin, nasa loob ng bahay lang kami, pero walang imikan.   Kakain siyang mag-isa, kakain din akong mag-isa ako.  Hindi na din ako nakikitabi sa kanya sa pagtulog. Umabot yun ng isang buwan.  Talagang tiniis ko siya.  Ipinaramdam ko na galit ako sa kanya.  Na linuluko niya ako.

Isang gabi, araw yun ng pahinga namin, habang natutulog ako, bigla akong nagising ng mga alas dos ng madaling araw.  Nagtaka ako bakit wala siya sa kwarto.  Dahan-dahan akong lumabas, at nakita ko siya nakaupo sa terrace na malalim ang iniisip.  Hinayaan ko lang siya.  Hindi ko pinansin, bumalik ako sa kama at natulog ulit ako.

Pagkagising ko ng umaga, nagulat ako sa nakita ko.  Ang buong kwarto namin ay puno ng sticky notes!  Pati sa bed namin kung saan siya nakapwesto pag natutulog puno din ng sticky notes.  Na ang nakasulat ay puro “I’M SORRY”.  Paglabas ko ng kwarto mayroon din nakadikit na sticky notes sa sahig.  Mula pintuan yun ng kwarto namin hanggang sa pintuan na ng bahay mismo.

Kinabahan ako at biglang nataranta.  Kasi wala siya sa bahay.  Wala din siya sa labas.  Tinawagan ko siya pero nakapatay ang cellphone niya.  Tumawag din ako sa kompanyang pinapasukan niya pero wala daw siya roon at hindi daw pumasok.  Nag-aalala na ako, umiiyak at sinisisi ang sarili ko.  Bakit kasi tiniis ko siya. Bakit kasi naging matigas ako.  Pag may nangyaring masama sa kanya hindi ko mapapatawad ang sarili ko.  Kasalanan ko ito.  Kasalanan ko!

Nasaan ka na iceburn, umuwi ka na mahal ko. Alalang alala na ako sa’yo, patawarin mo ako.

Napaupo ako sa sala, iniisip kung saan kaya siya nagpunta.  Bigla kong naisip ang mga gamit niya.  Pumunta ako sa kwarto at tinignan ang mga ito.  Wala na siyang gamit, wala na din yung maleta niya.  Umalis na siya, iniwan na akong mag-isa.

Nang mapalingon ako sa salamin, may nakadikit doon na Sticky Notes at eto ang nakasulat.

“Naging kawawa ako sa piling mo sa loob ng isang buwan.  Lahat ng paliwanag at pag-sosorry ko ay hindi mo pinakinggan.  Hindi ko na nararamdaman na bahagi pa ako ng buhay mo.  Mula noong pagdudahan mo ako ng masama na hindi naman totoo.  Pakiramdam ko, nag-iisa lang ako. Ipinagtatabuyan ng taong kinikilalang pamilya ko dito sa malayo.  Salamat na lang sa lahat-lahat.  Uuwi na ako ng Pilipinas.  Ingat ka palagi. Paalam.”

Dali-dali akong pumara ng taxi at nagpahatid sa airport.  Nakalimutan ko nga palang isuot ang tsinelas ko sa kamamadali ko, nakayapak lang ako.

Pagkaabot ko ng bayad ko, tumakbo na agad ako sa departure area.  Hindi ko na kinuha pa ang sukli ko.  Pagkadating ko doon.  Kukunti na ang tao.  Lumapit ako sa guwardiya at nagtanong.

“Manong guard, nakaalis na ba  ang flight papuntang Pilipinas?”

“Nakuh, ma’am.  Kaalis lang po, mga limang minuto ang nakakalipas,” sagot ng guard.

Biglang nanghina ang mga tuhod ko.  Naubos ang lahat ng lakas ko.  Mangiyak-iyak na ako noong biglang may nagtanong sa’kin.

“Miss, bakit ka umiiyak?” tanong ng isang lalaki.

Nagulat ako!  Noong lingunin ko siya, si iceburn!  Para akong bata na halos magpakarga sa kanya.  Yinakap ko siya nang napakahigpit habang umiiyak ako at humihingi ng sorry.  Akala ko, umuwi na siya.  Akala ko, iniwan na niya ako.

Nagkaayos kami at napigilan ko ang pag-alis niya.  Ngayon magtatatlong taon na kami dito sa Korea.  Mayroon na din kaming ipon.  Pagkatapos ng tatlong taon namin, uuwi na kami ng Pilipinas para magpakasal at bumuo ng pamilya.

author:  iceburn

p.e./kf