Icon-type silhouette of an airplane  (Photo credit: Wikipedia)

Icon-type silhouette of an airplane (Photo credit: Wikipedia)

Lumaki ako sa payak na pamumuhay. Hindi naman kami sobrang hirap, hindi rin naman sobrang nakaluluwag.

Sa edad kong 23, marami na akong nakasalamuhang mga tao at mga naging  kaibigan. May ilan sa mga naging kaibigan ko na, salat talaga sa buhay, lalo na noong nag aaral pa ako. May mga classmate ako, noong Civil Engineering student pa ako, na galling pa sa probinsya at pinag-aaral ng mga magulang dito sa kabila ng kanilang kahirapan.

May kaibigan ako noong highschool, na naging classmate ko noong college. Palagi kong naririnig sa bibig ng nanay niya na “mag-aral kang mabuiti, tapos, pag graduate ka na, mag abroad ka!”.

Kasabay nito, napapanood ko rin ang mga pag-aabroad ng mga engineers, nurses, doctors, etc.   Ang pangunahing dahilan nila ay ang malaking sahod sa ibang bansa. Oo nga naman, tama sila, mahirap na talaga ang buhay dito sa ating bansa. Pero nakakainis lang isipin na, ang ating mga hospital ay kulang sa mga doctor at nurses. Kulang din tayo sa mga engineers, tapos heto ang mga fresh grad, na ang mentality ay mag-abroad sa lalong madaling panahon.

Minsan, may nagtanong sa akin, ”Hiromi, anong balak mo pag nakapagtapos ka?”

Sabi ko, “magtatrabaho.”

“Saan,” sabi niya.

“Sa Pilipinas, dito lang ako, mas kailangan ng mga engineers dito eh.” 

Tapos sabi niya, “Naku, Hiromi, wala kang mapapala dito, masasayang lang ang pagod mo, wala nang pag-asa dito sa Pilipinas, kaya mas maganda mag-abroad ka na lang.

Nalungkot ako sa sinabi niya. Nalungkot ako, kasi, ganun ang takbo ng pag-iisip niya. Ang iwan ang ating inang bayan. Kung hindi lang siya nakatatanda sa akin, sinagot ko sana ang pahayag niyang iyon. Sa isip ko, sabi ko, iyon na nga eh, wala na ngang pag-asa dito sa ating bayan, aalis pa tayo. Ano nal ang ang matitira sa Pilipinas? Tayo ang pag –asa ng ating bansa, kaya paano na lang  ang ating bayan kung aalis pa tayo. Kung kailan kailangan tayo ng ating bayan.

Di man lang ba tayo tatanaw ng utang na loob sa ating bayan? Sa ating bayan na nagbigay sa atin ng pagkakakilanlan. At higit sa lahat, ang bayan kung saan ka nakakuha ng mga kaalaman mo? Di ka man lang ba tatanaw ng utang na loob sa mga propesor mo? Mga propesor na tinanggihan ang mga malalaking offer sa ibang bansa at pinili na manatili sa bansa upang magturo sa atin?

Oo, kaya ka nag-aral ay para magkaroon ng magandang buhay, pero kasabay ng pagtanggap mo ng iyong Diploma, ay ang responsibilidad bilang isang nakapagtapos sa iyong bansa.

Ang ating mga bayani. Buhay nila ang kanilang isinakripisyo para sa ating bayan. Pag-asa ang tingin nila sa atin.  Ang alam nila, pagkamatay nila, may mga kabataan pa na maasahan ang ating bayan. Bibiguin ba natin sila?

Hindi naman natin kailangang mamatay, gaya ng mga nangyari sa ating mga bayani, kundi isasantabi lang natin ang ating pagnanais na makapangibang- bayan,  manatili sa ating bansa, at dito magtrabaho.  Sa kabila ng ‘di kataasang sahod, mas payak na pamumuhay.

Di ba natin maaaring itanim sa isip natin na “Bayan muna, bago iba”?  kailangan tayo ng ating bayan. Kaya lang naman nawawalan ng pag asa dito sa atin ay dahil, sumusuko na agad tayo. Kaya pa natin bumangon, kailangan lang ng mga taong magmamalasakit sa ating bayan. Mga magmamalasakit na manatili. Di pa nama lumulubog ang barko. At kung sakaling lumubog man ang barko, at kung sakaling magkabutas ang barko, agad ba tayong tatalon sa dagat? Di tayo tutulong man lang upang ayusin ang sira ng ating barko?

Di ko naman pinipigilan na magsipag-abroad ang mga nagnanais. Ang ikinababahala ko lang, nagiging first option na kasi ang pag-aabroad ng marami sa ating mga nakapagtapos. Ang akin lang sana, kung makapagtatrabaho ka naman sa Pilipinas, bakit hindi  ka na lang dito? At gawin mo na lang last option ang pag-aabroad. Sana magising tayo, tayo ang kailangan para magkaroon ng pag unlad. Bakit tayo aalis?

author:  Hiromi Paclipan

p.e./mj  (I love this, Hiromi!  Mabuhay ka, kabataang Rizal!)

Enhanced by Zemanta