Grieving Wo,man  (Photo Credit:  Uidaho.edu)

Grieving Wo,man (Photo Credit: Uidaho.edu)

 Mula sa pagiging uhugin pang trese anyos, itinuring ni Noemi na ate at nanay ang kanyang among si NANAY, at mga kapatid ang mga anak nito at ang mga kasama sa Josef’s Arts & Crafts.  Buhay pa ang kanyang mga magulang noong 1992, pero sakitin na ang mga ito kaya hindi kayang pag-aralin ang mga anak, kabilang na si Noemi, ang bunso.

Si Noemi pa ang tumulong para sa ikabubuhay nila.  Sila yung uri ng pamilya na nakararanas kumain ng lugaw na inasnan o sardinas na mala-sinigang sa sabaw.

Dahil siguro sa kahirapan ng buhay, maaga siyang napaasawa sa edad na 17.  Ngunit hindi naging langit ang kanyang paglagay sa tahimik. Namatay na rin ang kanyang ama’t ina. Napilitan siyang magtrabaho sa pabrika dahil hindi makakuha ng bagong trabaho ang kanyang asawa.  Pero matapang si Noemi, palaban sa buhay at bungisngis sa kabila ng mga pinagdaraanan.  Kapag nagigipit, anumang oras ay nakatatakbo siya kay NANAY o sa mga kasamahan sa Forever family,  na kanilang samahan at nababahagian siya ng kung anuman ang kaya ng mga ito.

Sa kasamaang-palad, nabiyuda si Noemi noong magtatatlong taon pa lamang ang kanyang anak na lalaki.  Katabi ng kanyang asawa ang kanilang anak nang mangyari iyon.  Si Noemi, edad 20.

CAUSE OF DEATH NG KANYANG ASAWANG SI RAYMOND:  BANGUNGOT (Sudden unexpected Nocturnal Death Syndrome O SUNDS)

DATE OF DEATH:     April 1998

Dahil wala nang mapuntahan, nakitira si Noemi at ang kanyang anak kina NANAY.  Naiiwan niya ang kanyang anak doon upang siya ay makabalik sa trabaho sa pabrika.  Ngunit dahil contractual, nawalan siya ng trabaho at napadpad sa Maynila para sa panibagong trabaho.. Ipinakisuyo niya ang anak sa kanyang kuya at umuuwi nang lingguhan. Pilit niyang itinaguyod mag-isa ang kanyang anak.

Pagkalipas ng apat na taon, muling umibig si Noemi.  Sa pagkakataong ito ay sa isang technician, si RYAN, na tubong Bicol at napadpad din lang sa Maynila.

Tumira sila sa Calamba; doon sa may bahay-bahay sa burol ng Lecheria na isang sementeryo.  Ang Public Cemetery ng Calamba.  Doon ang bahay nila sa may aakyatang hagdan patungo sa gilid ng burol, na tuwing umuulan at may bagyo ay may unti-unting gumuguhong lupa.  Araw-araw silang dumaraan sa mga nitso; araw-araw nilang nalalanghap ang hangin sa sementeryo.  At sa bawat pag-akyat-panaog ni NOEMI ay nadaraanan niya lagi ang puntod ng kanyang magulang  na kabilang sa makipot na “apartment” ng mga nitso.

Nagkaanak sila ng apat.  Napakabuti at napakasipag na asawa’t ama si RYAN.  Natahimik ang buhay at kalooban ni Noemi dahil minahal ni RYAN ang una niyang anak at ipinakikilalang panganay.  Wala namang nunal sa tuluan  ng luha si Noemi, ngunit bakit ganoon?  Nakabibigla talaga, ngunit muli siyang nabiyuda!  At bakit sa ganoon ding buwan at ganoon ding sitwasyon?

CAUSE OF DEATH NG KANYANG ASAWANG SI RYAN:  BANGUNGOT (Sudden unexpected Nocturnal Death Syndrome O SUNDS)

DATE OF DEATH:     April 2012

Oo, kamakailan lamang.  At katabi rin nito ang magtatatlong taong gulang na anak na lalaki nang mamatay.  At hindi rin nalalayo sa oras ng pagkamatay ng kanyang unang asawang si RAYMOND!

- – - -

Labis ang pighati ni Noemi.  Unti-unti na sana silang makababangon.  Napakaganda ng plano ng kanyang asawa.  Isa-isa na nitong inaabot.  May lupa na sana itong hinuhulugan na pagtatayuan nila ng munting bahay na matatawag nilang sariling tahanan.  Unti-unti sana nilang ipatatayo ang kanilang magiging bahay, malayo sa sementeryong kinalalagyan nila ngayon.

Tinawagan niya si NANAY na nakapisan na sa mga anak nito sa Las Pinas.  Paano na sila?  Napakaliliit pa ng kanilang mga anak, at hindi madaling makapagtatrabaho si Noemi dahil walang mag-aalaga sa mga ito.  Wala pa rin silang naiipon dahil nag-aaral ang apat nilang anak.

Ngunit dagdag pasakit pa kay NOEMI ang mga salitang natanggap sa mga tao.

“Mayroon daw sumpa kay Noemi.  May malas daw itong dala-dala.  Kung ‘di ba naman ay bakit parehong  R ang pangalan ng kanyang mga naging asawa, namatay sa parehong pangyayari, sa parehong buwan (April) at parehong sitwasyon na katabi ang magtatlong taong gulang na anak na lalaki!”

“Lahat daw ng mapapangasawa ni Noemi ay mamamatay rin dahil siya ay babaluhin, may dalang sumpa!”

Coincidence?   Malas nga ba?  “Ate, ano bang sumpa ang mayroon sa akin?  Bakit nangyari na naman ito?  Hindi ko yata kakayanin ito… Sakitin pa naman ang dalawa naming anak…”

“Tahan na, tahan na…Nagkataon lamang ‘yan.  Huwag mong pansinin ang mga sinasabi nila.  Ang mga anak mo ang isipin mo, malaki na naman ang panganay mo. Hindi ka pababayaan ng Panginoon.”

Pero sa loob-loob ni Nanay ay ang malaking pag-aalala.  “Huwag sanang susuko si NOEMI!”

Kung makikita n’yo ang kanyang mga anak at ang kalagayan nila, marahil ay mag-aalala kayo kung kakayanin ni Noemi na palakihin at pag-aralin ang kanyang mga anak.

Humihingi siya ng tulong kay NANAY na baka-sakaling may mapasukan siya bilang DOMESTIC HELPER sa ibang bansa para  makaya niya ang mga pangangailangan ng kanyang mga anak.  Ngunit sa napakamurang edad at napakahinang pangangatawan ng kanyang mga anak, tama bang makipagsapalaran siya at iwan ang mga ito sa kalinga ng malayong kamag-anak?

NOEMI, huwag na huwag kang susuko!

(a very true story)