Pasukan na naman!Pasukan na.   Sino ang naiisip mo? Mga magulang na maghihirap na naman ng halos isang taon para sa pag-aaral ng kanilang mga anak o mga gurong naghahanda para sa halos isang taong pakikipag bakbakan sa mga mag-aaral? Mga silid-aralang inihanda para sa mga mag-aaral o ang paaralang magiging tahanan ng bawat mag-aaral na tutulong sa pag-abot ng pangarap nila?

Naisip mo rin ba yung mga aklat na gagamitin nila? Mga aklat na ginagamit nila sa loob ng silid-aralan? Mga aklat na ginagamit nilang pangtaklob sa ulo nila sa tuwing naglalakad sa ginta ng nag iinit na araw? Mga aklat na basa sa tuwing uuwi silang naliligo sa malakas na ulan? Naiisip mo bang iba sa kanila ay walang aklat?

Naiisip mo rin ba yung mga notebook na gagamitin nila? Mga naggagandahang notebook na ginagamit nila sa tuwing susulat sila ng mga pinag-aaralan nila? Mga notebook na ginagamit din nila sa paggawa ng eroplanong papel? Notebook na binabasa nila upang mag-review? Naiisip mo ba na yung iba sa kanila ay walang notebook?

Naiisip mo rin ba yung mga lapis at ballpen na gagamitin nila? Mga lapis at ballpen na pinangutang pa ng mga magulang nila? Mga lapis at ballpen na susulat ng mga pangarap nila? Mga lapis at ballpen na tinatago tago nila para gamitin sa susunod na pasukan? Naiisip mo bang iba sa kanila ay walang lapis at ballpen?

Iilan lamang ito sa pwede nating maisip. Ano naman kaya kung isipin natin ang bawat batang gagamit ng mga bagay na ito – aklat, notebook, lapis at ballpen. Ang bawat batang papasok sa loob ng silid aralan. Mga batang susubok upang maabot ang mga mumunting pangarap nila sa loob ng Paaralan. Mga batang magtitiwala sa mga guro na maghahatid sa kanila patungo sa maayos na buhay. Isipin mong may iba’t ibang klaseng batang nangangarap, umaasa at nagsisikap na maabot ang magandang buhay at may mga batang nagsasayang ng kayamanang tanging maipapamana lang ng kanilang mga magulang – edukasyon.

Isipin mo ang mga batang ito:

Ako si Boyet, sampung taong gulang. Panganay sa pitong magkakapatid. Pinanganak akong hindi mayaman. Pilitin ko mang hindi isipin ngunit ang aking kalagayan ang siya mismong nagsasabing ako’y ipinanganak na mahirap. Minsan, binabalewala ko ang mga katanungang bakit ako pinanganak na ganito? Bakit ipinagkait sa aming pamilya ang magandang buhay na nakamit ng iba? Bakit hindi ibinigay sa amin ang sobra sobrang kayamanang nakakamit ng iba? Bakit ba Niya kami binuhay nang ganito?

Noong isang buwan, namatay si Tatay sanhi ng isang malubhang karamdaman. Naiwan kay Nanay ang apat na nakababata kong kapatid. Yung dalawa, kinupkop ng Tita ko dahil naaawa na sila sa sitwasyon ng Nanay ko. Hindi ko din matanggap na naiwan si Nanay na kapapanganak pa lamang sa bunso naming kapatid. Napakahirap ng buhay.

Sa tuwing naglalakad ako sa kalye, naiinggit ako sa mga batang naglalakad gamit ang bagong tsinelas nila. Mas lalo akong nalulungkot dahil nararamdaman ko na ang lupang nilalakaran ko gamit ang tsinelas na bigay pa ng kumpare ng Tatay ko. Minsan ipinapasa ko ang kalungkutang ito sa tuwing pahihiramin ko ang kapatid ko ng pudpod na tsinelas na pinagtitiyagaan ko.

Pinili kong mapalayo sa pamilyang naghihikaos sa kahirapan upang makatulong sa kanila. Malungkot ngunit kailangan kong iwan ang mga kapatid kong musmos pa lamang. Sino ang tutulong sa kanila? Pinipilit kong kalimutan ang kalungkutang paulit-ulit kong nararamdaman sa tuwing sasapit ang gabi.

Nabigyan ako ng pagkakataong makapaghanapbuhay kahit na nasa murang edad pa lamang ako. Kinuha ako ng amo ni Tatay. Sa bawat gabing nagtatrabaho ako, hindi ko alintana ang pagod at kahirapang nararanasan ko. Iniisip ko ang pamilyang naghihintay sa akin sa tuwing sasapit ang katapusan. Iniisip ko ang mga nakababata kong kapatid na tuwang-tuwa sa tinapay at sardinas na dinadala ko sa tuwing ako’y uuwi. Iniisip ko ang kahirapang sana’y sa akin na lang ipinaranas. Iniisip kong sana’y makapag-aral din sila tulad ng iba. Nang sa gayon, mabago ang takbo ng buhay nila.

Sa tuwing uuwi ako sa aming lugar, napapadaan ako sa isang paaralan. Paaralang minsa’y pinangarap ko ding pasukin. Bakit nga ba sampung taong gulang na ako, hindi pa ko nag-aaral? Dahil bata pa lang ako sinasama na ako ni Tatay sa tuwing magtatanim at mag-aani sila ng palay. Bata pa lang ako, nadadaanan ko na ang paaralang ito. Nakikita ko na ang mga estudyanteng naglalabas ‘masok dito. Bata pa lang ako, naiinggit na ko.

Ako si Boyet. Hindi nag aaral

Ako si Althea. Bunso sa dalawang magkapatid. Fifth grade student Pinanganak sa isang maayos na pamilya. Engineer si Papa, teacher naman si Mama. Minsan, natanong ko sila kung bakit dalawa lang kami ni kuya. Ang sabi ni mama, “Mahirap ang buhay anak, gusto mo bang may kahati sa pinagpapaguran namin ng Papa mo?  Hindi na ako sumagot.

One of these days, mamimili na kami ng mga gagamitin ko sa school. Nakatutuwa dahil magkakaroon na naman ako ng mga bagong gamit, bago lahat. Bagong bag, bagong baunan, bagong sapatos, bagong notebook, bagong lapis at ballpen – as in bago lahat. Ayaw ko na kasing gamitin yung mga pinaglumaan ko.

Naghahanda na din sila Mama at Papa para sa nalalapit na pasukan. Hindi sila nagkukulang sa amin pagdating sa pag-aaral. Hindi din sila nagkukulang sa pagsasabi sa akin na pag-igihin ko ang pag aaral ko upang magkaroon ako ng magandang buhay balang araw. Upang makapamuhay ako nang maayos kahit wala na sila sa tabi ko.

Gusto kong makapagtapos upang mabili ko ang lahat ng gusto kong bilhin. Malaking bahay, magarang kotse, magagandang gadgets at iba pang bagay na makakapagbigay kasiyahan sa akin.

Ako si Althea. Mag aaral.

Ako si Marco. Third Year high school. Siguro apat na taon na akong nasa third year. Paborito kasi ako ng teacher ko. Lagi niya akong pinapagalitan pag nasa room ako, (masama bang makipagdaldalan habang nagsusulat si m’aam sa blackboard?). Tapos lagi naman niya akong hinahanap pag nagkacutting classes ako.

Masarap pumasok pag marami kang baon na pera, marami kang pang-DOTA. May mga bagay na hindi mo matutunan sa loob ng paaralan, kaya hindi ko tinatanim ang buong utak ko sa paaralan. Masayang kasama ang mga kaibigan ko kaysa pumasok sa paaralan. Hindi nga namin pinapansin yung mga aklat namin, masaya naman kaming nagsasama-sama.

Ayos, pasukan na. Sigurado pare-pareho na naman kaming nag-iisip kung saan na naman kami gagala. Malaya na naman ako kay Nanay. Magagawa ko na naman ang gusto kong gawin sa buhay ko. Masarap mamuhay ng limang araw na nasa labas ka lang ng pamamahay mo, walang sasaway sa ‘yo, hawak mo ang mundo mo.

Mamaya, maglalaba na si Nanay sa amo niya…makakalayas nanaman ako.

Ako si Hernan. Pinanganak akong lumpo. Hindi ako makalakad simula pagkabata. Naiinggit ako sa mga kapatid ko sa tuwing aalis na sila upang pumasok sa paaralan. Umaalis sila dala ang mga bag nila habang ako ay maghapong nakahiga sa aking higaan. Ngunit sa kabila ng ganoong sitwasyon, hindi ako nagsisisi na ganito ang kalagayan ko.

Hinihiling ko sa Diyos na sana ay nakakalakad din ako at nakapupunta sa paaralan upang mag-aral. Sinabi ko sa sarili ko na kung makapag-aaral lang ako, pagbubutihin ko ang pag-aaral ko. Hindi ko sasayangin ang bawat araw na lilipas. Ngunit sa kabila ng ganoong kagustuhan, napipigilan ito ng isang karamdaman… ng katayuan ko sa buhay.

Sana naging normal na lang ako.
Ako si Hernan…lumpo.

Ako si Tupa. Romeo ang dati kong pangalan. Labing-sang taon na akong namumuhay sa kalye.

Tirahan ko, kalye. Palaruan ko, kalye. Pasyalan ko, kalye. Mga kalaro ko, batang kalye. Dalawang taon ako nang mamatay ang nanay ko. Wala akong nakilalang Tatay. Hindi ko din alam kung may kapatid pa ako. Mag-isa lang ako sa buhay. Simula nun, naging batang-kalye na ako.

Matahimik akong bata. Mahiyain. Hindi ako palasalita. Kaya siguro tinawag nila akong Tupa.

Araw-araw, iniisip ko kung sino ang karamay ko sa buhay. Wala akong nakilalang mga kamag-anak ng Nanay ko.

Araw-araw kasama ko ang iba’t ibang uri ng bata sa kalye. Sa umaga, sumasama ako sa kanila sa tuwing mamumungkal sila ng basura. Baka may pagkain. Umaasa lang din kami sa mga kalakal na nakikita namin sa daan. Sa gabi, madalas nag-iisa akong natutulog…kung saan ako abutin ng antok doon na ako uumagahin.

Isang umaga, naglakad akong mag-isa. Sa isang kanto, nakita ko ang mga batang papasok sa paaralan. Tumigil ako dahil nakita kong pare-pareho lang kaming mga bata, bakit sila pumapasok, bakit ako hindi? Dinagsa ng maraming katanungan ang utak ko hanggang sa nakita ko yung isang bata na kasama yung Nanay niya. Oo nga pala, wala akong Nanay. Sino ang magpapaaral sa akin?

Natuwa ako bigla sa mga batang nakikita ko. Maganda ang mga damit nila. Magaganda ang mga gamit nila. Tinitingnan ko sila hindi dahil naiinggit ako sa kung anong meron sila, tinitingnan ko sila dahil matagal nang sumagi sa isip ko na sana’y makapag-aral din ako tulad nila. Naalala ko dati, naglalaro kami ng teacher-teacheran ng mga batang kalye.

Tuwang tuwa ako nun. Pero nung naglakihan na kami, nag-iba na ng gawain ang bawat isa. Nagbago na ng interes ang mga batang kalye. Ngunit di ko kinalimutan ang kagustuhan kong makapag-aral. Tanda ko din nun, napadaan ako sa isang paaralan bitbit ang sakong may lamang kalakal. Madungis ako nun. Nakatayo ako sa gate ng paaralan dahil tinitingnan ko yung mga batang nasa loob, nang biglang may sumipa sa akin… mga mag-aaral. Pinaalis nila ako dahil pulubi daw ako, ‘di daw ako bagay sa paaralan.

Tumalsik ako nun sa may pader ng paaralan dahil malakas ang sipa. Dali-dali akong tumayo at pinulot yung mga kalakal na natapon. Pinigil kong hindi umiyak dahil gusto kong patunayan na matapang ako. Pero ‘di ko mapigilang hindi tumulo yung luha ko. Hindi dahil sa ginawa nila, o sa sakit na natamo ko sa sipa nila. Umiyak ako dahil sa kabila ng katayuan nila sa buhay, hindi nila maunawaan ang mga batang katulad ko.

Ako si Tupa. Pulubi.

Iba’t ibang uri ng mga kabataan. May mga batang nagsusumikap na makatulong sa pamilya, piniling maghanapbuhay kaysa mag-aral, maiahon lang sa kahirapan ang pamilya. May mga batang pinanganak na maganda ang buhay, pero sunod sa luho. May mga batang iginagapang ng magulang makapag-aral lang ngunit hindi iniisip ang paghihirap ng magulang. May mga batang dahil sa kapansanan ay hindi makapag-aral ngunit inaasam na makapag-aral. At may mga batang pinagkaitan ng pagkakataong magkaroon ng maayos na pamilya, pinagkaitan ng pagkakataong magkaroon ng ari-arian, at pinagkaitan ng pagkakataong makapag-aral dahil sa kawalan sa buhay.

Ilang bata ang puwede mong mabago ang takbo ng buhay nila?

author:    Phil Carlo

p.e./mj

(This is so nice blog, Phil.  Pa-add friend sa fb ha. mj)