Crying Boy   (Photo Credit:   Calebwilde)

Crying Boy (Photo Credit: Calebwilde)

Isinusumpa Kita!  Mamatay Ka na Sana!

Ito ang umagaw ng aking atensyon habang ako’y naglalakad pauwi sa amin.  Hanap ko sana’y hangin na magpapawala ng bahagyang sakit ng ulo ko dahil sa mataas na presyon ng dugo ko.  Pero lalo yata itong tumaas pagkarinig ko sa sigaw na iyon mula sa isang batang lalaki na nasa lima o pitong taong gulang; marusing, payat, at nanlilisik ang mga mata sa galit.

Ang sinigawan niya ay tila tatay n’ya na medyo pasuray-suray na naglalakad palapit sa kanya.  Nagmumura ito at gumaganti nang palahaw.  Tumakbo papalayo ang batang lalaki, humahagulgol at patuloy na nagsisisigaw.

Bumaling ang lalaki pabalik sa kanyang pinanggalingan at ibinalibag pasara ang tila pinto ng bakuran, walang tigil pa ring nagmumura.

Tiningnan ko ang batang tumigil na sa pagtakbo at napaupo sa bangketa.  Tuloy-tuloy pa rin ang kanyang pagluha at ang kanyang mga mata ay punong-puno ng galit at hinanakit.

Hindi ko kayang lampasan na lamang ang batang umiiyak.  Nilapitan ko siya at kinausap. 

“Boy, tahan na.  Wala na siya.”

Napansin ko ang mga braso na namumula at may bahid ng pamamaga sa ilang bahagi.  Siguro ay hinataw siya ng pamalong patpat o uno-por-dos.

“Buhay pa ang gagong iyun!  Sana nga mawala na siya!” ang sagot niya sa akin kasabay ng pagpukol ng bato sa malayo.

“Tatay mo ba ‘yun?”  tanong ko sa kanya.

“Oo, tatay ko yung dimonyong yon!  Dapat mamatay na yun e.  Dapat iba na lang naging tatay namin!” sagot n’ya habang galit na galit na nagpupukol ng mga bato sa malayo.  Sige pa rin ang tulo ng luha n’ya.

Sinikap kong ibaling sa iba ang aming usapan upang lumamig ang ulo n’ya.  “Ako nga pala si Ate Joyce, taga Phase 5.  Ano’ng pangalan mo? Ano na’ng grade mo?”

“Hindi ako nag-aaral, kase  ….  ang tarantadong tatay namin mas gustong gumastos sa alak kesa sa amin!   Nagtatrabaho siya para sa alak at bisyo n’ya, nananakit pa!  Dapat tinakasan na namin nila nanay  ang demonyong yun noon pa!  Dapat mamatay na lang siya sa kababarek n’ya!  Sana kunin na siya ng mga demonyong kagaya n’ya!”

Dumalas ang kanyang hagulgol nang mapansin n’ya ang mga braso n’yang namumula at may namumuong mga pasa.  “P—–ina n’ya!  Mamamatay ka ding hayup kang demonyo ka!”

Inakbayan ko na lang siya at sinamahan sa kanyang pagkakaupo; manaka-naka’y hinahagod ko ang kanyang ulo na tila nakapagpakalma naman sa kanya.

Sa mahinang salita ay sinabi ko sa  kanya…“Boy, naaawa ako sa iyo, pero hindi kita matulungan.  Wala akong magagawa.  Bawal makialam sa pamilya ng iba.  Pero sana, maging inspirasyon ito sa iyo para magsikap kang mag-aral at makalayo balang-araw.  Magdasal ka at umiwas na lang sa tatay mo ha.”

Makalipas ang mahigit kalahating oras, tumayo na ako at nagpaalam sa kanya. Naisip kong maglagay ng kaunting pera sa kamay n’ya. Ayaw na niyang magsalita.  Nakatingin na lang siya sa akin.  Wala naman akong magagawa para sa kanya, sa problema n’ya.  Usapang pamilya daw kasi iyun sabi sa barangay.  Wala din naman akong kakayahang ilayo siya sa demonyong iyon!

Hayyyy….Kaya dumarami ang mga batang lansangan at batang mangmang.  Kaya hirap umahon ang Pinas, dahil sa mga taong walang katinuan sa utak at walang pagmamahal sa puso… kagaya ng dimonyo n’yang tatay. Sana nga…. kunin na siya ng kapwa n’ya dimonyo.  Ayannnnn….  Pati tuloy ako, nahawa na sa batang iyon… (Sorry, Lord!)

Habang naglalakad akong pauwi, naalala ko ang awit kong nilikha noon tungkol sa lotto…

“Pag ako ay nanalo sa lotto, simple lang ang pangarap ko…     

 Maayos-ayos na tahanan, kahit ‘di sinlaki ng palasyo.

Pag ako ay nanalo sa Lotto, paaralan ang ipatatayo ko.

para ito sa mga batang lansangan at sa mga batang nawalan ng magulang.

Pag ako ay nanalo sa lotto, hindi alahas ang bibilhin ko.

Mga aklat na pampatalino, mga kwaderno ang nais ko…

Kapag ako ay nanalo sa lotto.”

(Sana pagkalooban ako ng Panginoon ng kakayahan na magawa iyun… Sana.)