Toyota car accident (Photo credit: interestingemails.com)

Toyota car accident (Photo credit: interestingemails.com)

Alas-diyes na ng gabi at nasa kama na ako.  Nakahiga pero dilat ang mga mata.  May isang bagay kasi na pilit kumakatok sa aking isipan.  Kahit na anong iwas ko, pilit pa ring bumabalik sa aking alaala ang mga nangyari.  Ayaw ko na sanang maalala pa yun dahil pait at pighati ang idinulot sa’kin.

Taong 2007, buwan ng Mayo.  Napagkasunduan naming ng asawa ko na ipasyal ang mga anak namin sa Baguio. Matagal na kasi nilang hinihiling yun.  At tutal bakasyon naman nila, kaya pinagbigyan namin ang hiling nila.  Hindi pa kasi sila nakapupunta doon.

Sabado ng umaga, abala na ang asawa kong si Jenny sa paghahanda ng mga babaonin naming sa bakasyon bukas.  Nagtatalo naman ang dalawa naming anak kung alin ba ang susuutin nila.  Si Anna ang panganay, pitong taong gulang at si John anim na taong gulang.  Ako naman ay aalis para ipachange-oil at ipasuri ang mga brakes ng aming Toyota Corolla Altis.  Para bukas, handa na ang lahat.

Linggo ng umaga, maaga kaming gumising dahil plano naming magsimba muna bago tutuloy sa Baguio.  Pangatlong misa ang dinaluhan namin.  Pagkatapos ng misa, kumain muna kami sa may Jollibee.

“Papa, anong oras tayo pupunta sa Baguio?”  tuwang-tuwang tanong ng bunso ko.

“Maya-maya ‘nak, kain lang muna tayo para hindi tayo gugutumin sa daan,” sagot ko naman.

Mag-aalas dose ng tanghali noong nagsimula kaming bumiyahe.  Mga alas kwatro kami makakarating doon kasi apat na oras ang byahe mula Ilocos Norte.  Tamang-tama, may oras pa kaming hahanap ng matutuluyan.  Transient house o baka maghohotel na lang siguro kami.

Nasa gitna na kami ng byahe.  Mga dalawang oras pa bago kami makarating doon.  Tulog na ang dalawa naming anak sa back seat, na kani-kanina lang ay tuwang-tuwa sa mga tanawing nadadaanan namin.  Hindi kasi sila sanay sa mga ganitong medyo mahabang byahe.

Alas tres na ng hapon, at nasa Naguilian road La-Union na kami.  Isang oras pa at nasa Baguio City na kami.  Mayroong eighteen-wheeler truck sa aming unahan na puno ang laman.  Hanggang sa makarating kami sa Naguilian Bridge.  Dahil sa nababagalan ako sa truck na ito, nag-overtake ako.  Hindi ko alam kung bakit parang bumilis ang takbo ng truck samantalang 120 kph na ang takbo ko.  O baka masyado lang mahaba ito.  Hindi ako pinagbigyan ng driver ng truck.  Hindi siya nagmemenor kahit na bumubusina ako.  O baka naman hindi lang niya kami nakita sa liit ng sasakyan naming dala.

Nang malapit ko na itong malampasan saka naman may biglang paparating na eighteen-wheeler truck din.  Sa pag-aakalang mailulusot ko ang kotse namin bago pa man kami abutan ng truck na paparating, nabigo ako.  Ang bilis ng pangyayari.  Pinagitna ko ang sasakyan namin pero wala talaga.  Masyadong makipot ang daan doon para sa tatlong sasakyan.

Ginawa kaming palaman ng dalawang truck.  Wala akong nagawa.  Naipit kami.  Naipit ang dalawang paa ko at hindi na makagalaw pa. Nang lingunin ko ang dalawa kong anak, wala na.  Nabalot na ang katawan nila ng dugo at hindi na humihinga. Umiyak ako nang umiyak. Gusto ko silang hawakan pero hindi ko magawa.  At ang asawa ko, nag-aagaw buhay na din dahil grabe ang sugat niya sa ulo.  Sumigaw ako ng sumigaw, humihingi ng saklolo.  Kitang-kita ko kung paano nahirapan ang asawa ko.  Hanggang sa huminto na ang paghinga niya.  Wala akong ibang nagawa kundi ang umiyak nang umiyak nang umiyak at sumigaw nang sumigaw nang sumigaw.

Maya-maya pa may mga rumesponde na sa ’min; kaya lang ay huli na ang lahat.  Nauna nang namasyal ang mga kaluluwa ng mag-iina ko sa Baguio City.  Nabuhay nga ako, pero wala na ang pamilya ko, putol pa ang dalawang paa ko. “Sana namatay na lang din ako.  Dahil  parang wala na din akong silbi sa mundo!”

Blag! Natagpuan ko ang aking sariling nakalaglag sa sahig. Naramdaman kong buo ang aking mga binti at hindi putol gaya ng inaasahan ko. Napabalikwas ako ng tayo at nakita ko ang aking asawang patuloy na nahihimbing. Ang lakas ng kabog ng aking dibdib ay tila nakabibinging gong sa aking pakiramdam. Hindi ko na itinuloy ang aming lakad papuntang Baguio. Tila may pahiwatig ang panaginip kong iyon. Umaawat ba? Nagwawarning? Nagpasya akong ipasyal na lamang ang aking mag-iina sa Enchanted Kingdom bilang pamalit sa biyaheng Baguio, sa ilalim ng alibi na hindi maganda ang takbo ng aming sasakyan para sa mahaba at paitaas na paglalakbay.

Naging masaya ang aming bonding time. nakalimutan ko na ang aking masamang panaginip dahil sa lakas ng tawanan at sidhi ng sayang nabanaag ko sa aking mag-iina.

Nang nagpapahinga na kami sa bahay ay naisipan kong buksan ang telebisyon upang pampaantok.  Balitang panggabi ang sumalubong sa akin….

” Dalawang 18-wheeler truck ang nagkasalpukan kaninang katanghalian sa may bahagi ng Naguilian Bridge sa Baguio City na ikinamatay ng anim na katao …blah blah blah…”

“Ha? “ Pinagpawisan ako nang malamig. Muntik na, muntik na…. salamat sa panaginip ko…salamat ….”

author:  iceburn

p.e./mj