A Mother's grief   (Photo Credit:  Redbubble)

A Mother’s grief (Photo Credit: Redbubble)

Ang blog na Ito ay iniaalay ko sa aking panganay na anak na si KAREN. Noong ika-26 ng Mayo ay ika-28 taong kaarawan n’ya.

Maligayang kaarawan anak,  ito’y para sa iyo, tanda ng aking pagmamahal at labis na pangungulila sa ‘yo,,,

Si Karen ang panganay sa lima kong anak. Bata pa siya ay kapansin-pansin na ang kakaiba i’yang angking kagandahan.  Kahit saan siya makarating ay umaagaw ng pansin ang kanyang ganda.

Sabi nga ng mga pamangkin ko ay tipong artistahin daw.  Sa katunayan hindi ko mabilang kung ilang beses siyang naging flower girl.  Sumagala din siya sa iba’t ibang lugar.  Natatandaan ko pa na sa isang timpalak kagandahan ay siya ang nagwagi at ang nagputong ng korona ay si Gloria Macapagal Arroyo na nang mga panahong yun ay no.1  senator in the Phils.

Lumipas ang mga araw ,buwan at mga taon.  Naging ganap na s’yang dalaga. Marami siyang naging mga tagasuyo. Masaya siya at puno ng buhay sa bawat araw na lumipas, ngunit batid ko bilang ina niya na may lungkot siyang itinatago sa kanyang puso dahil sa kanyang PAPA. Sa kasamaang palad nagkaroon ng ibang pamilya ang kanyang ama,,

Dumating ang kanyang Debut at sa gitna ng palatuntunan ay pinaluha n’yang lahat ang mga taong naroroon nang siya ay magsalita.  Garalgal ang kanyang tinig, naginginig, nangingilid ang luha at buong kalungkutan winika n’ya …“PAPA, bumalik ka na sa amin dahil mahal na mahal ka namin at kailangang-kailangan. “

Ako man ay maluha nang todo todo sa pangyayaring yun. Halos lahat ay naiyak din.

Sa patuloy na paglipas ng panahon ay may naganap na isang ‘di inaasahang pangyayari.  Siya ay aksidenteng nasunog.  Marahil iyon ay nakatakda nang maganap talaga sa kanya.  Siya ang nagtago noon, siya rin ang nakakita, at sa kanya rin naganap ang aksidente.

Noon kasi ay may natirang ginagawang mitsa sa paggawa ng paputok.  Matagal na yun.Noong hinahanap ko yun, sabi nila ay wala na raw at sinilaban na, so panatag na ako kasi nga delikado yun. Baka kako makaaksidente pa nga, e wala na raw.   Yun pala nga ay itinago n’ya.

Nung gabi na yun, ang saya-saya nilang magkakapatid, pati ako, sabi ko pa nga huwag masyadong magsaya at kapalit ay kalungkutan.  Halos madaling araw na kaming nagtulugan at hindi sila maawat sa kung anu-anong napag-uusapan.

Kinabukasan, magkakape na kami. Mga 9 na ng umaga ay nakita n’ya yung mitsa at dinampot yun.  Ang paalala ng isa kong anak na lalaki...”Ate, lumayo ka pag sinilaban mo yan at delikado o kaya naman, sabuyan mo na lang ng tubig.”

Bumaba na siya ng bahay.  Ako naman ay nagpunta sa toilet para maligo. Makalipas ang ilang minuto, biglang nag-ingay ang mga manok at baboy at iba pang mga hayop doon na para bang nabulabog.  Walang anu-ano narinig ko s’ya na tumatawag,…INIE….INIE…yun yung isa ko pang anak na babae.

Iyon pala, nasiklaban na siya.  Wala kaming malamang gawin.  Itinakbo namin siya sa hospital.  Lahat ay nagtatanong kung napaano siya pero lahat kami ay wala sa sarili, sa takot at pagkabigla sa nangyari.  Makalipas ang mahigit isang buwan na gamutan ay naiuwi na namin siya pero patuloy pa rin ang gamutan.

Awang-awa ako sa kanya nun.  Palihim akong umiyak at dumalangin sa DIYOS na bigyan pa siya ng karagdagang buhay.  Ang pagluha ko’y ‘di ko ipinakita sa ibang tao, kahit sa mga anak ko, dahil ayaw kong panghinaan sila ng loob. Sa awa naman ng DIYOS ay gumaling siya kahit na nga may mga naiwang bakas sa kanyang katawan.

Hanggang dumating ung time na I have to go to Malaysia.  Siya Lang ang naghatid sa akin sa airport at ang panganay ko.  Nagcommute lang kami kasi kapos sa budget para umarkila ng sasakyan.  Papalipad na noon yung eroplano ay nakareceive ako ng text mula sa kanya na ang sabi...” Nanay, ingat ka lagi ha, mahal na mahal ka namin”.

Naiyak ako, nalungkot ng labis dahil muli ay mawawalay ako sa mga mahal ko sa buhay; mga apo, anak at mga manugang.  Habang nasa Malaysia ako ay abot ang palitan namin ng mga text at tawagan.  Walang mga katapusang pagpapaalala at pagsasabi na I miss you, ingat, love you, mga ganoon ba.

Isang Araw ‘di ko yun malimutan, biglang nag text siya, para bang may nadama akong kakaiba.  Ang sabi ng text n’ya, “Nanay, mahal na mahal kita sa maniwala ka o sa hindi, sana maging masaya ka na at higit sa lahat, wag mong pababayaan sarili u…KAREN.”

Medyo naluha pa nga ako pagkabasa nun e, karaniwan kasi pag nagtext siya sa akin is to ask for money or sabi n’ya uwian mo ko ng ganito, ng ganoon pero that time,  ibang-iba text n’ya.

Hanggang sa dumating na nga ang araw na yun na hindi ko na malilimutan.  Noo’y Dec.31 Masaya ako.  Kasalukuyan ako  noong nag-iisip ng gagawin kong mga New Year’s resolution.  Nag-ring phone ko, pamangkin ko, nasa kabilang linya, sabi n’ya “Good morning, alam mo na ba?”

“Ang alin?” sabi ko naman.  Then sabi n’ya uli…”eto si nanay, kausapin ka daw”.
Ayun, naaksidente raw ang dalawa kong anak sa motor.  Nag-iiyak na ko noon. Sukat ikabahala ng mga amo ko kaya pinabook nila ako agad.  Mabilis ang takbo ng mga pangyayari.  Alam ko at nararamdaman ko nang mga sandaling yon na higit pa sa iniisip ko ang naganap, na may nangyaring masama pero ang lahat ay pilit nilang inililihim sa akin.  Nasa daan na kami pauwi ng bahay, nakakabingi ang katahimikan sa pagitan ng manugang ko, bunso kong anak na lalaki, driver  namin at ako.

Hanggang pinatawagan ko ang isa ko pang anak na babae.  Sa pagtatanong ko, ayun, napilitan na nilang ipagtapat na PATAY na raw si KAREN.  Daig ko pa ang namatay din nang mga sanding iyon.  Napakasakit at ‘di ko matanggap.  Walang vigil na pagitan, sivas ang ginawa ko hanggang makarating kami ng bahay.

Kalungkutang walang kapantay ang sumalubong sa akin pagdating. Bangkay ng pinakamamahal kong anak. Lubhang napakasakit at ‘di ko matanggap- tanggap.  Pagluluksang walang humpay, hanggang muli ay kinailangan nang bumalik ako sa Malaysia.  Mabigat man ang kalooban, muli akong  nangibang bansa.  No matter what happened, life must go on at alam ko, yun din ang gusto ng anak ko.

Sa ngayon may lungkot pa rin akong nadarama sa tuwing naaalala ko siya pero alam ko na tahimik na siya sa kinalalagyan niya ngayon.  Ang paglisan n’ya ay malaking KAWALAN sa marami.  Ang alaala n’ya ay mamahalin namin at hindi malilimutan kailan pa man.

Ngayon ko napagtugma-tugma at naisip na kaya pala…Kaya pala nung DEBUT n’ya ay sobrang kalungkutan ang nakita ko sa kanyang mga mata.  Kaya pala nung una siyang naaksidente ay may naramdaman na akong kakaiba at higit sa lahat, kaya pala niya ako tinext ng ganoon…iyun pala’y aalis na siya.

Tandaan mo lang, aking anak…ngayon,bukas, kailan pa man, ika’y mahal na mahal ko at hindi malilimutan!!!

author:  Wild orchid

p.e./mj