I Love Betty La Fea

I Love Betty La Fea (Photo credit: Wikipedia)

“Paano mo nagustuhan yang mukhang bisugo na yan?” tanong ng aking bespren.

Sagot ko, “Gwapo naman ah!”.

“Ay, Oo gwapo! Ganda ng mata! Ang tangos ng ilong! 6’2″ ang height! Ang linis nga tignan oh!! Tignan mo! Tignan mo!!” sarkastikong sagot niya sa akin.

Yan ang usapan namin habang naglilibot kami sa Department Store na pinapasukan ng boyfriend ko. Oo, boyfriend ko yung nilalait n’ya.  Madalas na n’yang ibiro sa’ kin yan kahit noong nanliligaw pa lang si King sa ‘kin. Hindi nga daw kami bagay dahil lahat sa amin ay opposite. Mula sa itsura, sa pananamit, sa galaw at sa ugali. Pino kasi gumalaw si King, eh ako may pagk gaslaw.

Mabait si King. Malambing. Maalalahanin. Mapagmahal. Maka-Diyos. Lahat na yata ng hinahanap ko sa isang lalake nasa kanya, maliban sa itsura. Ayaw ko sa kanya noong una dahil nga panay lait at tukso na sa akin ng bespren ko. Halos pagtaguan ko na siya. Hindi na nga din ako nagagawi sa Department Store na pinagtatrabahuan n’ya, maiwasan ko lang siya. Ngunit masugid si King. Madami din naman akong manliligaw noon pero hindi kasing  determinado n’ya. Pati mga magulang ko niligawan din n’ya.

Dumating yung araw na halos wala nang bukam-bibig ang pamilya ko kundi si King! “Buti pa si King ganito.. ganyan!! ” Si King! Si King! Bakit nga ba naman hindi eh napakabait ni King. Alam ko, kung may lalake mang gusto yung mga magulang ko para sa akin yun ay ang kagaya ni King. Kaya naman hindi na din ako nagdalawang isip noon, sinagot ko s’ya.

Mas nakilala ko pa nang lubusan si King noong kami na. Napakagentleman pala n’ya. Para akong prinsesa pag kasama ko siya. Feeling ko kasing haba ng EDSA ang hair ko tuwing nakikita ng mga tao kung paano n’ya ako pagsilbihan. :D Masyadong naging palagay ang loob ko sa kanya. Kaya kong ikwento lahat ng bagay tungkol sa ‘kin dahil alam kong hindi n’ya ako huhusgahan kundi sinasabi  pa n’ya kung anong maganda tungkol sa akin na dapat kong ipagmalaki. Ganun si King. Confident s’ya sa sarili niya kahit panay tukso sa kanya ng bespren ko.

Nakilala ko na din ang pamilya n’ya. Hindi na ako magtataka kung bakit napakabuting tao ni King kasi mabuti din ang pamilyang nagpalaki sa kanya. Welcome na welcome ako sa bahay nila kahit pa alam nila at ginagawa nilang biro ang pagtatago ko kay King noong nanliligaw pa lang siya. Bigla akong nahiya sa kanila, pero nagtatawanan na lang sila pati si King.

Higit limang na taon din ang tinagal ng masayang relasyon namin. Minsan may tampuhan din naman pero mas madalas na lambing lang namin yun sa isa’t isa. Hanggang sa magpropose na si King. Sa harap ng pamilya ko at sa harap ng pamilya n’ya, lumuhod siya sa harap ko gaya ng napapanood ko sa TV na my hawak na singsing sabay banggit ng mga salitang ” Will you marry me?”. 

Hindi ko mapigilan ang maging emosyonal lalo na’t naririnig ko yung paboritong kong kantang Evergreen ni Barbara Streisand.  Matagal ko na ding hinihintay ang mga salitang yun. Kaya ngayong sinabi na n’ya para akong nasa ulap, parang hindi na yata nakasayad yung mga paa ko sa lupa, nanginginig ako, at nanghihina habang hawak n’ya ang mga kamay ko. Ang sarap sa pakiramdam. Alam ko naman noon pa na siya na talaga ang gusto kong makasama. Alam kong siya na! Hindi ko lang kayang magsalita dahil para akong nakalunok ng malaking bola noong mga oras n yun. Mga luha at ngiti ko lang ang sumagot sa kanya sabay yakap ko sa kanya ng mahigpit, ng matagal, hangang sa nasabi ko na yung “OO” ng pabulong.

Hindi talaga basehan ang itsura para makahanap ng tunay na pagmamahal o makita ang personalidad ng isang tao.Higit pa din sa lahat ay kung anong nasa puso. Huwag mo silang husgahan dahil sa pango nilang ilong, maitim na balat at malaki nilang mata. Ang pisikal na anyo ay superficial lamang, na sa pagdaan ng panahon ay magbabago din. 

Mag dadalawang buwan na kaming kasal ngayon, masayang nagsasama. Yung bespren ko? Ayun! inggit na inggit sa akin dahil nakatagpo daw ako ng kagaya ni King. Natagpuan ko na daw yung totoong pagmamahal na inaasam ng lahat.  Kung guwapo nga lang daw si King kakalimutan daw n’yang bespren n’ya ako at aagawin n’ya sa akin yung asawa ko :p Biro nga ni King sa kanya “We found Love in a hopeless face”. :D

Enhanced by Zemanta