Enjoy Life   (Photo Credit: Nealps.wordpress)

Enjoy Life (Photo Credit: Nealps.wordpress)

Bawat isa sa atin ay may-ibat-ibang kaganapang nangyayari sa buhay.  Depende kung paano mo pagdedesisyonan at isasabuhay ang mga kaganapan yaon.  Pero batid n’yo ba na ang bawat isa sa atin ay pinili Niya (Sinasabi sa atin ng Efeso 1: 4 na pinili tayo ng Diyos “bago pa man nilalang ang mundo.” Binigyan Niya tayo ng pagkakataon upang pagdating ng panahon makapiling natin Siya.  Ipinahiram niya ang ating buhay upang makapasa sa anumang pagsusulit na ibigay Niya, upang maging karapat dapat tayo pagdating ng panahon)  at binigyan ng pagkakataon malasap ang sarap ng buhay (lalo’t nakikita mo na napapasaya mo ang mga taong nakapaligid sa yo.

Sabi nga nila “True Happiness does not depend on how happy you are, but on how happy others are  because of you”.  Nasa sa atin na kung anong buhay ang ating tatahakin.  Tayo ay binigyan ng Diyos ng kalayaan makapamili kung kaya’t iba-iba ang nangyayari sa ating buhay.

May nagtatagumpay, may nabibigo, may tamang landas ang pinatutunguhan, may naliligaw  din naman.  Pero saan ba nakasalalay ang desisyon ng ating buhay?  Batid natin sa maliit na yunit ng lipunan unang nahuhubog ang ating pagkatao.  Ang Pamilya ang siyang unang nagiging dahilan kung bakit tayo ganito ngayon.  Napakahalagang papel ang ginagampanan ng pamilya upang tuparin ang mga emosyonal at pisikal na mga pangangailangan ng mga indibidwal (napakahalaga na ituro rin sa musmos na isipin ang nasa Itaas).

Sa maliit na lipunang yan una tayong natututong magsalita, maglakad, tumakbo at iba pa.   Kaya nga sa buhay ng tao napakahalaga ng tinatawag na fomative years sapagkat mula sa pagbubuntis hanggang ikalimang taon ng ating pagkatao dyan na hinuhugis o na dedevelop ang ating pag-iisip.  Dahil sa taong yan ang pag-umpisa rin ng pag-unlad o pag develop ng utak ng bata.  Kaya nga kung ating mapapansin mas madaling turuan ang bata kumpara sa matatanda.  Dahil sila ay tinuturing na “Tabula rasa”.

Habang ang bata ay lumalaki natututo siyang makahalubilo sa ibat-ibang klase ng tao lalo’t tumuntong na siya sa kanyang pag-aaral.  Sa panahong yan napakahalaga pa rin ng pagsubaybay ng pamilya sapagkat napakalakas ng impluwensya ng kaibigan.  Sa panahong yan marapat na maging bukas ang pamilya sa mga anak upang hindi mag-alinlangang magtanong at magkuwento ang kanilang anak.  Napakalakas din ng impluwensya ng media at ibat-ibang teknolohiya sa ating panahon.

Pero kung nandiyan ang pamilya na laging handang umagapay at sumubaybay sa ating buhay, malakas ang loob kalakip ang disiplina sa ating sarili, tiyak tayong hindi magkakamali sa ating tinatahak sa buhay.  Naalala ko tuloy ang isang Documentary na napanood ko sampung taon na ang nakakaraan.  Ito ay isang kwento ng isang musmos na bata na lumaki na nag-iisa sapagkat inabandona siya ng sariling pamilya.  Namuhay siyang mag-isa sa kalsada.  Natuto siyang magbanat ng buto sa pamamagitan ng pangangalakal sa basura, natuto rin siyang magbisyo sa pamamagitan ng paglanghap ng solvent.

Itong Documentary na ito ay kuha noong 80′s pa.  Makalipas ang maraming taon muli siyang pinuntahan at ginawan ng documentary taong 2002 yon.  Sa panahong yaon siya ay may sarili ng pamilya ngunit ang kahirapan at kabiguan ay lasap pa rin ng kanyang pamilya.  Subalit hindi nangangahulugan na kapag ika’y inabandona ng iyong pamilya, ay hindi mo na malalasap ang tagumpay ng buhay.  Sapagkat maraming tayong kapwa tao na nais makatulong sa mga naghihikayos at napapariwara ang buhay.

Isang halimbawa nito ay si Efren Peñaflorida Jr.  Kung saan siya ay naging isang guro ng “Kariton Klasrum.” Gamit ang isang kariton na puno ng mga libro at iba pang gamit sa pagtuturo. nililibot ni Efren ang iba’t ibang lugar sa Cavite upang turuan ang mga batang kalye.  Marami pa ring Efren Peñaflorida sa Pilipinas pero nasa sa atin pa rin ang desisyon kung anong buhay ang ating tatahakin kahit na sangkatutak pa na oportunidad ang dumating sa atin.  Sabi nga nila ibinigay Niya ang pangyayaring nagaganap sa iyong buhay sapagkat batid Niya na makakaya mong hawakan ito at batid niyang kayan- kaya mong mapagbago ito upang makamit mo ang tamis at sarap ng buhay sa mundo.

Naaalala ko tuloy ang isang kuwento na nabasa ko sa isang libro kung saan ang isang anak ng Diyos ay nanalangin sapagkat pasan-pasan niya ang napakalaking krus na sa palagay niya ay sobrang bigat na hindi na niya kayang dalhin.   Nasamabit niya “Panginoon, panginoon. ibigay n’yo po sana ang pinakamaliit na krus na yun upang hindi na ako mahirapan sa dinadala kong krus”.

Siya naman ay pinagbigyan ng ating Panginoon, pero siya ay takang-takang kung bakit sa kabila ng sobrang liit na ng krus na kanyang dinadala hindi man lamang niya ito mabuhat.  Siya ay sinagot ng Panginoon “Mahal kong anak, lahat kayo ay may kanya-kanyang pasaning krus na dinadala.  Lahat kayo ay may timbang at bigat na krus na bitbit, kung bakit iba-iba ang bigat ay dahil yun ang makakaya n’yong dalhin”.

Hindi tayo binigyan ng Diyos ng pagsubok na hindi natin malulutas, mapaliit man o malaki batid Niyang ang krus na ito ay kaya nating dalhin upang tayo ay manampalataya at maging matatag sa lahat ng pag-ubok na dumadating.  Kung minsan pa nga tinatanong natin Siya kung bakit Niya tayo pinabayaan,  pero nakakalimot lang tayo pagkat may dahilan ang lahat ng bagay.

May paborito akong tula na gustong-gusto kong ulit-ulitin kada may dumadating na problema o pagsubok sa aking buhay.  Naalala ko pa nang una ko itong nabasa, ako’y nasa ikalimang baitang pa lang sa mababang paaralan.  Tunay nga itong nagpaantig sa musmos kong puso,  ito ay ang “MGA YAPAK SA BUHANGIN” (Foot Print in the Sand)

Isang gabi, nanaginip ang isang lalaki. Napangarap niyang naglalakad siya sa may dalampasigan na kapiling ang Panginoon. Lumitaw mula sa kalawakan ang mga kaganapan mula sa kanyang buhay. Sa bawat kaganapan, nakapuna siya ng dalawang pangkat ng mga yapak sa buhangin; sa kanya ang isang tambalan, at sa Panginoon ang isa pa.

Noong lumitaw sa harapan niya ang huling kaganapan ng kanyang buhay, muli niyang tiningnan ang mga bakas ng mga paang nasa buhanginan. Napansin niya na maraming ulit sa kahabaan ng daanan ng kanyang buhay na mayroon lamang isang pangkat ng mga yapak. Napansin din niya na nangyari ito sa pinakamabababa at pinakamalulungkot na mga panahon sa kanyang buhay.

Talagang ikinabahala niya ito at tinanong niya ang Panginoon hinggil dito. “Panginoon, sinabi mo na kapag nagpasya akong sumunod sa iyo, palagi kang maglalakad na kapiling ko. Subalit napuna kong sa panahon ng pinakamasuliraning mga panahon sa aking buhay, mayroon lamang isang pangkat ng mga yapak sa buhangin. Hindi ko maunawaan kung bakit iiwanan mo ako sa panahong kailangan kita.”

Tumugon ang Panginoon, “Pinakamamahal kong anak, iniibig kita at hindi ko magagawang lisanin ka kailan man. Sa panahon ng iyong mga pagsubok at paghihirap, noong makita mo ang isang pangkat lamang ng mga bakas ng mga paa sa buhangin, ito ang panahong pinapasan kita.”

Tanging ang matigas na puso lamang ang hindi matitinag sa tulang ito sapagkat ramdam mo ang presensya ng ating Panginoong Hesukristo.  Dito pinapakita na magalak ka sapagkat nakararanas ka ng paghihirap sa mundo, sapagkat mismong ang Panginoon ang siyang pumapasan sa atin dahil ang Kanyang pagmamahal ay walang hanggan.  Ang lahat ng kaganapan na nangyayari sa ating buhay ay may magandang dahilan.  Hingin lang natin sa Kanya ang tamang karunungan upang malagpasan ang anumang pag-subok na dumarating sa ating buhay.  Sa bawat kadahilanang ito kung ito’y ating malalagpasan at mapagmumunimuni, tsaka natin mababanggit ang katagang “Masarap mabuhay”.

author:  cj

p.r./mj