Maid’s Uniform   (Photo Credit: Reggiedarling.blogspot)

Maid’s Uniform (Photo Credit: Reggiedarling.blogspot)

Na miss mo na ba ang maiksing short? Mini skirt? Mini dress? Ako, super ,as in talaga! Ilang taon na ba akong suot ko lagi ang tatlo kong pares na uniform na pangkatulong? Manggas na kay haba at multi-colored pa! Polka dots at Plain cut aba, meron ako niyan kahit nasa bahay lang trabaho ko.

Habang pinagmasdan ko ang aking munting cabinet na laman ay ilang pirasong damit ko lamang, nakaagaw-tingin ulit ang uniform ko na mahigit pitong taon na pala itong kaantabay ng buhay ko dito sa bansang malayo sa pamilya ko. Na minsan din akong pinagtawanan ng aking alaga at kapatid ng amo ko.

“YOU LOOK LIKE A TABLE CLOTH WALKING IN THE STREET IN YOUR DRESS!”

Di nga siya nagkamali sa checkered na pula at puting stripe ay talaga namang patok sa takilya ang isang mutsatsa role kong yan ha!

“HAY NAKU, BABAWI NA LANG AKO PA- UWI KO NG PINAS.   RARAMPA ULIT AKO SA APLAYA NG SAKAHAN NAMIN SUOT ANG PAMBAHAY KONG SHORT NA PANAKOT SA LAMOK!”

Pag sinUOt ko ang PINK na uniform ko with matching yellow sunflower? Para din daw akong FLOWER VASE; kulang na lang daw ang butterfly sa ulo ko puwede na akong i-display sa FLOWER SHOP!   Taray ko! Kahit hi at hello sa loob ng mal, wala talagang pumapansin sa akin pag naka-uniform akong pangkatulong; inisnab ang beauty ni Inday, head to foot pa makatingin ang iba!

Friday pala ngayon pinakabusy ng career ko bilang katulong sa bahay ni Amo. Labas-pasok ang bisita kaya eto na naman ako sa harap ng salamin; dapat daw kasi maging presentable sa harap ng bisita ni Madam kaya inayos ko sarili ko ha. Sus ko! kay laki na pala ng eye bag ko!  Puyat sa ka dotdot sa FACEBOOK!  Walang face powder o polbo lalo na foundation…”BEWARE BEAUTY IS DANGEROUS IN THE EYE OF BEHOLDER!” kaya hayaan na ang oily face at dry face na yan pag kaharap si Amo never mind na lang saka na ang kolorote sa mukha pag tapos na ang role ko dito.

Suot ko ang BLACK and WHITE with YELLOW POLKA DOTS para siyang vintage o classic ang look.  Eto ang porma ko na rarampa sa sala ni Madam.  Take note, may COLLAR pa yan ha na hapit sa leeg ko halos ‘di ako makahinga! Hay, buhay, ‘di naman sana akong mukhang mangkukulam pero sa hitsura ko ngayon CERTIFIED kuha ko talaga. Pero kahit anong ipasuot ni Madam ay talagang lilitaw ang simple kong ganda na FILIPINA BEAUTY talaga! Huwag na ninyo akong kontrahin; moment ko ito!

Aminin man ninyo at sa hindi, alam kong hindi ako nag-iisa sa role ng rampahan ng fashion sa loob ng kuwarto. Dahil ako, eto libangan ko, sinusukat ko lahat ng damit ko na galing pa sa Pinas ha para maiba naman mode kahit isang minute lang. Pose dito! Pose doon! Lahat ng sulok ng kuwarto, captured talaga yan ng camera ng cellphone ko; iba’t ibang anggulo yan kahit si Salamin naging photograper ko kahit putol o ‘di makita ang mukha ko ay ayos lang basta porma ko ay klaro diretso upload sa file ko yan.

Minsan hindi ko nalabhan ang uniform ko at saktong aalis kami kaya no choice si Amo “GO WEAR YOUR JEANS!”   Halos takbuhin ng espirito ko ang aking kuwarto sa utos niya! Simpleng skinny jeans at blouse at ponytail sa buhok hanggang diyan lang ang puwedeng ayos. Kaya new look ako sa bahay ni Amo, noong bumalik kami sa mall, aba! Kung makatingin si Pana at Patan halos hubaran ka kung makatingin at may nadinig na din akong Hi ng ilan! Asus pag naka-uniform akong pangkatulong kay tuwid ng mga leeg ng mga taong mapangmataas sa kapwa nila.

Batayan daw kasi sa iba kung ano ang suot mong uniform dahil dito daw malalaman kong anong posisyon ng trabaho ang pinasukan mo. DAH! Kahit maid lang kami at kahit uniform namin ay katawatawa sa iba, kung beauty ang pag- uusapan, naku, konting ayos lang siguro, sasabak din kami sa rampahan!

Kaso mo, andito kasi kami sa bahay ni Amo at batas nila ang masusunod pagdating sa fashion na iyan. Saka na lang pag-uwi ko, dami sa QUIAPO at DIVISORI, makatipid ka pa.  Hindi ko na pinangarap pa ang mga ITALIAN designers na yan dahil hindi kaya ng butas kong bulsa. May mga binasura naman si Madam na pinupulot ko dahil puwede pa naman pakinabangan kaya save ko na lang.

Sa damit ko na pangkatulong taas noo kong ipinagmalaki na nakatapos ang kapatid ko dahil sa pagsuot ko nito na naging bahagi ng buhay ko dito sa bansang dayuhan.

author:  jovelyn

p.e./mj