Sleeping with teddy (Photo credit: myteddy.com.au)

Sleeping with teddy (Photo credit: myteddy.com.au)

May nakaukit pang ngiti sa ’king mga labi habang inaamoy-amoy at hinahagkan ko ang katabi kong natulog kagabi.

Parang bitin pa ako. Parang gusto ko pang maulit muli. Kaya lang paano? Paano ko pa siya makikita muli? Nalimutan ko kasing kunin ang address at telephone number niya. Hindi ko din naitanong kung ano ang pangalan niya.

Ang lalaking tinutukoy ko ay ang nakilala ko sa nightclub kagabi. Naging abala kasi ako sa trabaho ngayong linggo na ito. Kaya naisipan kong magrelax at libangin naman ang sarili ko. At dahil day-off ko naman kahapon, naisipan kong magpunta sa nightclub na iyon para uminom ng kaunting beer.

Dati na akong nagpupunta doon. Minsan kasama ko ang mga kaibigan ko. Hindi sila nakasama kagabi kasi may iba silang lakad. Pagkapasok ko ng club, omorder ako ng isang light beer. At habang umiinom, naaaliw naman ang mga tainga ko sa mga pinapatugtog ng Dj nila. Paubos ko na yung order ko noong biglang may dumating na grupo ng kalalakihan. Kung hindi ako nagkakamali, apat o lima sila. Naagaw kasi ang atensyon ko ng isa sa kanila.

Noong una, pakiramdam ko ay kakanta siya. Rakista kasi ang dating niya. Maganda ang ayos ng buhok niya. Spike na mahaba ang magkabilang patilya at mahaba ang buntot. Bumagay sa suot niyang blue jeans at black shirt na may tatak na “I am Pinoy” sa harapan at “iceburn” naman sa likuran. Umupo sila sa table na katabi ng table na kinaroroonan ko. Kung sa itsura, hindi siya masyadong guwapo. Pero para sa ’kin may dating siya.

Maya-maya lang, pinuntahan sila ng isang lalaki na galing sa loob. ‘Di ko alam kung Manager ba ng club iyon. Kinamayan niya lahat sila, tapos umupo sa tabi nila. Napatingin ako sa relo ko, eksakto alas dos na pala.

Naubos ko na yung unang bote at umorder pa ako ulit ng isa. Nang matapos sumayaw ang mga dancers ng club, nagsimula namang magpatugtog ang Dj, kasabay ng pag-ikot ng mga disco lights. Nagsitayuan ang mga tao roon at pumunta sa gitna para sumayaw. Hindi ako umalis sa kinauupuan ko. At hindi rin nakaalis sa lalaking iyon ang mga mata ko.

Noong matapos na ang sayawan, biglang bukas naman ng ilaw. Balik sa upuan ang lahat. Biglang tumayo yung grupo ng mga lalaki na sinasabi ko. At tumungo sila sa entablado. Isa ang pumuwesto sa may keyboard. Isa ang pumuwesto sa may drums. Dalawa ang dumampot ng gitara at isa ang humawak ng mikropono.

Eksakto, tama ang hinala ko. Banda nga sila. At yung lalaking sinasabi ko, siya ang bokalista nila. “The Search Is Over” ng Survivor ang unang tinugtog nila. Sigawan ang mga tao noong marinig ang boses ng bokalista. Ang galing-galing niya, grabe. Ang daming humahanga sa kanya. Noong matapos na ang unang kinanta nila. Binigyan nila ng pagkakataon ang mga tao doon na mag-request ng song at kakantahin nila. Sa ilang beses ko nang pagpunta sa night club na iyon, kagabi ko lang nakita ang banda na yun.

Isa-isa ang nagpasa ng request nila. Nagpasa din ako. isinulat ko sa tissue ang request song ko. Ang paborito ko siyempre, “I’ll be” ni Edwin McCain. Tapos sinulat ko sa ibaba “Requested by Jenny.” Marami na silang nakantang request ng iba. Pero yung request ko wala pa. Ubos na yung pangalawang bote ko at uuwi na sana ako noong marinig ko yung pangalan ko.

“Hello, sino po si Jenny?” yung nagrequest ng “I’ll be”. Tanong ng bokalista.

Bigla akong napataas ng kamay. Pinuntahan niya ako sa table ko at tinanong ako.

“Jen, nasaan ang mga kasama mo, nag-iisa ka lang ba?” (sabay ngiti siya)

“Nag-iisa lang ako”,  sagot ko naman. (gumanti ako ng ngiti)

“Dahil nag-iisa ka lang, sasamahan na kita,” sabi niya. Sobrang saya at kilig ko sa sinabi niya.

Nagsimula na ang tugtog noong inaabot niya ang kamay niya sa ’kin. Hindi ako nagdalawang-isip at inabot ko nga ang kamay niya saka ako tumayo sa harapan niya habang kumakanta siya. Ang galing-galing niya talaga. Ang ganda-ganda ng boses niya. Doon ko din napansin na napakaganda din ng kanyang mga mata. Kung tititigan mo, parang may sinasabi ang mga ito. Inaamin ko, nainlove ako kaagad sa kanya at kung sakali mang wala siyang girlfriend at manliligaw sa ’kin, sasagutin ko siya kaagad.

Noong matapos na yung kanta, napayakap ako sa kanya. Tapos nagpasalamat siya. Nagpasalamat din ako. ‘Di ko napigilan ang sarili ko at nasabi ko sa kanya ang “I Love You!” Sinagot din niya ako ng “I Love You, Too.” Saka siya bumalik sa entablado. At kumanta ulit siya, “Beautiful In My Eyes” by Joshua Kadison.

Ayaw ko pa sana umuwi kaya lang antok na ako, saka medyo tumama na yung ininom ko. Mabuti sana kung may kasama ako. Mag-isa lang naman, kaya nagpaalam na ako. Sumenyas ako sa kanya na uuwi na ako. Sumenyas din siya ng “sandali”.  Binalikan niya ako noong matapos ang kinakanta niya.

Sabi niya sa ’kin, huwag muna daw ako uuwi. May ibibigay daw siya sa ’kin. Kasi baka hindi na daw sila tutugtog dito ulit. Nag-guest lang daw sila ngayon. Hinintay ko siya. Pumasok siya sa loob. Paglabas niya, may dala siyang teddy bear. Kumanta ulit siya, “Sing For Me” by Yellowcard.

Habang kumakanta siya lumapit siya sa ’kin saka inabot yung teddy bear. Regalo niya daw sa ’kin. Sigawan ang mga tao doon. Kinikilig naman ako. Pakiramdam ko para akong lumulutang sa tuwa. Napakagentleman niya. Hinatid niya ako sa labas ng club saka pinasakay sa taxi. Parang gusto kong pigilan ang oras noong niyakap niya ako saka idinampi ang pisngi niya sa pisngi ko.  Sabay sabing “ingat ka.”

At dahil hindi ko natanong ang pangalan niya, pinangalanan ko ang teddy bear ng “I’B” (aybi). Nakuha ko yun sa nakatatak sa likod ng damit niya na “iceburn”. Iyon lang kasi ang natatandaan ko sa kanya. Para may alaala ako na minsan sa nightclub na iyon, mayroon akong nakilala. Na nagpakilig sa ’kin at nagpasaya.

Babalik ulit ako sa nightclub na iyon, at umaasa na sana makita ko ulit siya doon. Pero kung hindi na mangyayari iyon. Masaya pa rin ako, dahil nakakilala ako ng estrangharo na maginoo.

author:  iceburn

p.e/mj