Pulubi   (Photo credit:     Gipitnabata.blogspot)

Pulubi (Photo credit: Gipitnabata.blogspot)

Gagawa ako na naman ako ng ka-puna punang blog at maraming magnenegative comment na naman dito at malamang kukundinahin ako o kung di naman eh ipapapako ako sa krus pero pasensya na hindi ako impokrito sa blog na to.

This is again a one-sided blog at di ko nilalahat ng mga katulad nila dahil alam ko na may nagsusumikap para i-ahon nila ang sarili nila. Kaya kung mag negative comment ka at sabihin mo na ang sama ko o bulag ako o ang sakit ko magsalita o sunugin na ako , malamang hindi mo ito binasa o ‘di mo inintindi yung sinulat ko kanina. Palimos naman ng konting utak.

Boss, akin na lang yan, pang kain lang” yan ang narinig ko noong nakaraan sa Luneta habang tumatambay kasama ang aking nobya. Humindi ako… Ok lang sana kaso inulit-ulit, “sige na, kung ayaw mo, pahingi na lang barya, o ‘di naman, pahinging yosi o pahigop na lang sa kape n’yo.”

Aba demanding si gago. Binigyan ko ng limang piso.   Aba nung nakita na sampu ang barya ko, hiningi din yung isa pang lima. Malupit. Sagad sa buong Luneta ang kapal ng mukha. Kung gaano kalawak ang Luneta, ganoon din ang sakop ng pagmumukha n’ya.

Limos. Minsan ko na ring ginawa yan, at malamang ikaw na nakababasa nito ginawa mo na yan. Pero ano nga ba ang pinagka-iba mo sa kanila. Malamang ikaw na nakababasa nito, meron kang sariling computer dahil ‘di ka naman magtiyatiyaga na magbasa nito kung nasa rental shop ka lang. Mas nanaisin mo pa mag -Facebook, Twitter o Youtube kasi sayang ang isang oras mo dito pero ang ibig sabihin nito ay may kaya ka. Middle class o nasa working force ‘ika nga. Mabalik tayo, anong pinagkaiba mo sa kanila? Madami. Simula sa pananamit, butas butas at madalas mabaho na parang kopong kopong nung huling nilabhan. Madaming sugat at magulo ang buhok. OO. Tinutukoy ko yung mga palaboy ng lansangan.

Ayokong mamintas pero ginagawa ko na. Malamang sisilaban mo ako dahil mapangkutya ako sa kanila. OO, ayoko sa kanila; manlilimos araw araw para sa konting barya. Isang kahid isang tuka. Sakay dito, limos diyan. Pag napagod, chill muna. Bili pagkain, bili softdrinks, minsan rugby, minsan ipangsusugal. Sarap ng buhay, ‘ika nga, libre lahat. Hingi ka lang, konting udyok o gamitan ng puwersa may ibibigay din sa ‘yo. At pag nakaraos na, pahinga na, bukas naman uli manlilimos.

May mga estilo pa sila, may paawa epek na pinakamadalas gamitin, may mga pang ninong ang tema kung saan aabutan ka ng sobre, merong mga agresibo na parang sasapakin ka pag ‘di ka nagbigay, at pag nagbigay ka ng kaunting barya eh ibabato pa sa ‘yo, at higit sa lahat eh yung mga may talent portion kung saan sasayaw sila o kakanta sa jip para sa kaunting limos.

Sa totoo lang, sumasakit ang mga mata ko pag nakikita ko sila. Lalo na kapag naglalakad sila na parang siga. Uso sa mga kabataan to. Tuwing gabi madami sila tapos pag nabigyan yung isa lahat ng tropa dudumugin yung nagbigay sa kasama nila. Na gang bang ka nang di oras at ‘di mo maiwasan na isipin kung anong kinabukasan mayroon sila.

Edukasyon. Yan madalas ang wala sila. Di makahanap ng trabaho dahil  walang ang tinapos, nag-asawa nang maaga, nag-anak ng sampu. Ang mga bata, ang dudungis na gumagala sa kung saan saan at ‘di rin gaganahang mag- aral dahil mas enjoy sa lansangan. Hindi ko sinasabi na kailangan nagtapos ka pero alam natin lahat na sa panahon ngayon, ang kabihasaan mo sa isang bagay ang magpapakain sa ‘yo nang hindi ka nanlilimos at ang sakit nila sa mata na gumagala sila na dala dala ang banderang, mangmang ako at nanlilimos ako. Proud to be Pilipino.

Binigyan tayo ng konsensya para maawa sa kanila. OO, pero nagsawa na akong maawa sa kanila. Napagtanto ko na hindi awa ang kailangan nila. disiplina. Hindi rin ako naniniwala na ikaaangat ng pulubi na manlimos siya at sa konting barya na inaabot mo, ginagawa mo siyang linta sa lipunan. Sige, magbigay ka, pero gaano ka kadalas magbigay ng p100 sa tulad nila?  kahit 50 pesos nga, hirap ka na dahil ikaw mismo alam mo na pinaghirapan mo ang 50 pesos na inabot mo sa kanila. Hindi madaling pumasok sa trabaho, alam mo yan at kung mayaman ka man, at may-ari ka ng kung anumang business, eh alam mo importante ang 50 pesos na yan. Sabihin n’yo na madamot ako pero sa isang tulad ko na sinubukang manlimos noong kinapos ako ng pamasahe, ang sama sa pakiramdam na nanghingi ako dahil alam ko sa sarili ko na hindi dapat ako nanlilimos.

Sa dulo nito, malamang wala namang magbabago kahit kumalat pa ito sa social network. kundinahin pangalan ko, i search kung sino ako, ipapatay ako, bugbugin ako, o ‘di naman kaya bale-walain ang sinulat ko o ipabura o langawin na parang concert ng ibang dayuhan diyan, isa lang ang gusto ko masa-isip nyo. Di ba wala nang nagbibigay ng kung anong limos sa kanila,  ngayon ang gobyerno na ang bahala sa kanila, tutal tax payer ka naman binabayaran mo ang gobyerno, hindi ba?

author:  astralshift

p.e./mj