Pulang Mata   (Photo Credit:    Hyperserotonin.blogspot)

Pulang Mata (Photo Credit: Hyperserotonin.blogspot)

Nakatayo ang apat na lalaki habang buong lakas na itinutulak ang pinto. Ang mga may pulang mata sa kabila ng pinto naman ay patuloy na nagwawala. Ang galit at bagsik nila ay ipinapakita sa pagbayo sa pintuan ng storage room. Natatakot si Nathan, yun ang totoo. Mahirap ang pakiramdam pag humaharap ka sa tiyak na kamatayan. May bahagi sa isip niya ang gusto nang sumuko. Bahagi na nagsisimulang ilulon nang buong-buo ng takot, gusto na niyang matapos ang sulyap sa impiyernong napako na yata sa dilat niyang mata. Gusto na din niyang matapos ang pag-aalinlangan at paulit-ulit na kawalan ng pag-asa, parang gusto na niyang sumuko.

Pero ang pag-iisip sa kagustuhang makita ang pamilya niya ang nagpapanatili ng katatagan niya para patuloy na tumayo at itulak ang pinto. Sa ngayon, kailangang hindi makapasok ang mga may pulang mata. Wala na silang tatakbuhan. Wala na silang puwede pang taguan, ang buhay nila ay nakasalalay sa tibay o rupok ng pintuan sa storage room.

…blagh!!!!…

…blagh!!!…

…BLAAAAAGHHHH…!!!

“Anak ng…!!!!!” pigil ang sariling magmura, natingin si Michael sa lalaking huling pumasok dahil bumagsak ito sa sahig sa huling pagbayo sa pinto. At dahil nabawasan ang puwersang nagtutulak, hindi nila mailapat mabuti ang pinto. May isang duguang kamay ang lumusot mula sa nakaawang na pinto. Kilabot ang kumain sa lahat ng tao sa storage room. Nagsimulang umiyak ang dalawang bata, samantalang impit na sigaw naman ang maririnig sa mga babae.

“Brad! Tumayo ka naman diyan! Bilisan mo! Mamamatay tayo pare-pareho dito!!!”, gigil pa din si Michael sa lalaking huling pumasok. Nananatili itong nakabagsak sa sahig, marahil ay kinakain na din ng takot ang ilang bahagi ng kanyang katinuan.

“Tulungan n’yo kami… itulak natin ang pinto, hindi tayo bubuhayin ng mga toh!!!!”, sigaw ni Nathan sa mga babaeng nakaupo at sa matandang nawalan ng malay kanina. Mukhang yun lang din ang hinihintay ng iba pang tao sa storage room. Dali-dali silang tumayo, pero ayaw magpaiwan ng batang lalaki, ayaw niyang bitawan ang nanay niya.

“Bilisan n’yo!!! Hindi na namin kaya…!!!” sambit ng isa pang lalaking kasama ni Michael at Nathan. Tumayo ang lalaki sa sahig at dali-daling itinulak ang pinto. Dumagdag pang tulong ang tatlong tao, kasama si Andrea. Pinigilan ni Andrea ang kasama nilang buntis para tumayo, bagkus ay naiwan siyanng nakaupo kasama ang mga bata. Sabay-sabay nilang itinulak ang pinto, pero kahit anong gawin nila, ayaw nang lumapat ng pinto dahil sa kamay na nakausli sa gilid nito. Patuloy na umaabot ang kamay ng susunod nitong biktima. Ingat na ingat si Nathan na huwag maabot nito, siya kasi ang pinakamalapit sa kamay.

“Sandali lang, may kukunin lang ako…!!!” bigla kumalas si Andrea sa pagtutulak ng pinto.

“Lintik naman!!! Saan ka ba pupunta! Mas mahalaga pa ba yan sa buhay natin!!!” galit na sigaw ng lalaking huling pumasok sa storage room. Nagpantig ang tainga ni Michael at Nathan, kung hindi lang sila nakahawak sa pinto, malamang ay dinurog na nilang dalawa ang pagmumukha nito. Nung panahon na yun, nabuo sa isip ng mga tao dun, mukhang may nasama sa kanilang hindi maganda ang timpla ng ugali.

Sinundan ng mata ni Nathan at Michael kung saan nagpunta si Andrea, nagmamadali itong pumunta malapit sa mga kahon. Ngunit pagkatapos nilang lumingon, biglang lakas naman ng puwersang nagtutulak sa pinto.

Blagh!

Bumagsak ang babae at matanda kasama ang cabinet na nagtutulak sa pinto. Lumalakas ang nagtutulak sa kabilang pinto. Kailangan nilang mailapat ang pinto, kailangan nilang maibalik ang cabinet na nakaharang dito. Mamamatay talaga sila pag hindi nila ito naisara. Pesteng kamay kasi. Asar na asar na si Nathan at gusto na niyang kagatin at ngatngatin ang kamay na yun para alisin sa pagkakaipit. Pero wala na yatang talab ang sakit sa mga may pulang mata, nasasaktan sila, pero parang mas matindi ang gutom nilang pumaslang.

Malapit nang maubos ang pag-asa ng mga nagtutulak ng pinto. Malapit nang dumating sa kanila ang katotohanang mamamatay na nga yata sila. Nang maya-maya ay dumating si Andrea at walang kaimik-imik na hinataw ang nakausling kamay. Putol ang kamay, at bigla ang paglapat ng pinto. Nabigla ang mga lalaki, pero mabilis pa ding bumitaw si Nathan para itayo ang cabinet. Adrenalin rush nga yata, dahil naitayo niya itong mag-isa sa kabila ng timbang nitong napakabigat.

Tumingin lahat kay Andrea, hawak niya sa dalawang kamay ang isang hindi naman kalakihang palakol na kulay pula.

“Saan mo naman nakuha yan?!!!” magkahalong pagkagulat, pagtataka at tuwa ang naramdaman ni Nathan. Medyo nangingiti nga siya. Isang babae pa ang nagligtas sa buhay nila.

“Nakita ko to kanina sa tabi ng fire extinguisher bago pumasok dito sa storage room. Naisip ko, baka magamit natin to, kaya dinala ko dito sa loob, nandun din yung fire extinguisher sa mga kahon diyan sa gilid.”, dire-diretsong kwento ni Andrea habang, medyo hinihingal, halatang hirap din siya sa pagdadala sa palakol

Medyo napayapa ulit ang mga tao sa loob ng storage room. Habang patuloy ang pagkalabog ng pinto, tahimik na nagtutulak sila Nathan, nakikiramdam sila sa maari pang mangyari. Unti-unti, parang humihina na ang pagkalabog, nakakaramdam din pala ng sawa ang mga halimaw. Pero ayaw nilang maging kampante, patuloy pa din silang nakaalalay sa pinto. Maya-maya ay lumapit ulit si Andrea, at nung punto na yun, gustong yakapin ni Nathan si Andrea nang mahigpit. May dala itong martilyo at medyo malalaking pako. Natuwa ang mga nasa storage room, sa katauhan ni Andrea, mukhang nakakita sila ng kaunting pag-asa. Nakita daw ito ni Adrea sa isang kahon, may mga nakita pa siyang ibang gamit, kanya-kanyang kuha ng gamit ang mga tao, nagtig-isa si Michael at Nathan sa mahabang screwdriver.

Sinimulan nilang pakuan ang  pinto, mabilis na pinapakuan ni Nathan ang pinto habang tinutulak naman ito ng iba. May paunti-unti pang pagkalabog, may mga pulang mata pa din na ‘di sumusuko. Maya-maya nawala na ang ingay, unti-unti silang napaupo. Ngayon lang nanuot sa kalamnan nila ang bawat takot at pagod na naramdaman nung mga nakaraang oras. Naupo sila Nathan habang nakapasandal sa cabinet na nakaharang sa pinto. Hindi pa din sila makapaniwala sa pinagdaanan nila kanina. Nagsimula na ding maupo yung ibang tao, marahil ay kahit paano, nakaramdam sila ng kapayapaan dahil sa proteksyong binibigay ng storage room.

“Maraming-maraming salamat sa paglilitas mo sa amin kanina…” nagsimulang magsalita ang buntis habang naluluha at nakangiti kay Andrea. “…hindi ko man lang alam ang pangalan mo… Nancy pala ko, salamat sa pagbalik mo sa akin…”

“…Andrea ang pangalan ko.. wala yun, ginawa ko naman ang gagawin din ng ibang tao…”, nagsisimula nang makinig ang ibang tao na nasa storage room.

“…nagpapasalamat kami sa inyong tatlo, kung hindi n’yo agad naisip puntahan to, siguro patay na tayong lahat…” sabi ng lalaking katulong na nagtutulak nila Nathan kanina habang tumingin kay Nathan, Michael at Andrea. Tumango naman ang mga tao sa loob ng storage room maliban sa lalaking huling pumasok.

“…siguro napaka-awkward ng sitwasyon natin ngayon, pero maganda siguro habang may ganitong pagkakataon tayo, mas magandang ipakilala natin ang isa’t-isa… hindi natin alam, maaring makatulong ang alam natin sa isa’t-isa sa darating na panahon…” malumanay na sabi ni Nancy, habang nakatingin sa ibang tao sa storage room. Sumang-ayon naman ang lahat, pati si Nathan, naisip niya, kung ‘di man siya makakalabas dito nang buhay, at least may ibang tao na alam ang istorya niya.

“Ako si Nancy, isang accountant. Based kami ng asawa ko sa Australia, nang mapagpasyahan naming mag-asawa na dumaan ng Singapore bago umuwi ng Pilipinas. Pagdating sa airport dito, pinaghiwalay kami ng nilagyang kwarto. Hindi ko alam kung bakit, at ‘di ko alam kung nasaan siya ngayon… Five months akong buntis, kaya salamat talaga kay Andrea. Di lang ako ang iniligtas niya, pati ang anak ko…”

“Emily ang pangalan ko, nagtatrabaho sa Dubai bilang saleslady sa isang mall. Nauna nang umuwi ang asawa ko dito sa Pilipinas nung isang buwan, dapat susunduin niya kami ngayon. Anak ko pala, si Hansen. Sa Dubai na siya lumaki, pero marunong siyang magtagalog. Ang alam ko, nasa labas na ang asawa ko para sunduin kami…”

“Javier ang pangalan ko, at sa pangalawang pagkakataon, nagpapasalamat ulit ako sa ’yo Nathan. Isa ako retired na abogado, biyudo at nagbakasyon sa Singapore para dalawin ang anak at apo ko. Ang alam ko ay sasamahan ako ng anak ko na nagtatrabaho dito sa airport pauwi sa amin. Pero kanina, saglit lang kaming nakapag-usap, at dinala na nga tayo sa kwartong ‘to kanina…”

“Bobby, construction worker ako sa Saudi. Tatlong taon ang kontrata ko doon at ngayon pa lang ako umuwi, akala ko kanina eh pagkagaling mo ng airport eh talagang may conference pa muna sa isang kwarto. Nagulat na lang ako nang husto nang biglang magkamatayan na yung mga tao…”

“Hoy! Ikaw na!”, pasigaw na sabi ni Michael sa taong huling pumasok kanina. Asar pa din siya dito.

“Ano bang pakialaman ko sa inyo!!! Ano to, first day ng school!!! May introduction part talaga!!!?, mayabang na sabi ng lalaki.

“Eh tarantado ka pala talaga!!!!”, akmang tatayo si Michael na pigilan siya ni Nathan at umiling. Nauwaan naman ni Michael.

“Sa ayaw mo at sa gusto, tayo ang natirang magkakasama… sa ayaw mo o sa gusto, isa tayong grupo, kung ayaw mo sa desisyon na grupo, baka mas mabuting sa labas ka na lang ng storage room maglagi…” madiin at may convinction na sabi ni Nathan. Umismid ang lalaki at ngumiwi.

“Magpapakilala ba? Di magpapakilala. Lance Bryan Landicho. Marketing Manager ng international company ng sikat na clothing line, pinadala ako sa lecheng conference sa states, pero kinailangang dumaan sa Singapore branch. At eto nga, kasama n’yong nakakulong sa pesteng storage room na to. Oh ano? May tanong pa ba? O kailangan ko pang magbigay ng intermission number…?”, napailing na lang lahat ng tao sa loob ng kuwartong yun.

Ako si Michael, isang Engineer. Sa Syria ako nagtatrabaho. Pero dumaan ng Singapore para makita ang Ate ko. Hindi ko alam na ganito pala ang dadatnan ko dito sa Pilipinas.

“Nathan, isang nurse na nagtatrabaho sa Kuwait. Tulad n’yong lahat, walang kaalam-alam kung ano ang nangyayari sa kwarto na to. O kung saang lugar pa ba may ganitong sitwasyon…”

“Andrea, isang nurse din, nagtatrabaho sa Saudi. Tulad n’yo, wala din akong alam sa lahat ng nasaksihan natin kanina. Nakagugulat. Nakapagtataka na walang dumadating para tulungan tayo.”

Tahimik na nakikinig ang bata habang nasa tabi ni Andrea, tahimik ito at parang tulala. Naalala ni Andrea na ito ang batang kasama niya kanina nang inatake sila ng pulang mata, at ang nanay nito ang nagligtas sa kanila. Nangako siya na aalagaan ang batang ito. Sa tantiya nila ay nasa edad dose anyos ito. Tumingin si Andrea sa bata at hinawakan ang balikat. Tumingin ito sa kanya, ngumiti si Andrea at tinanong ang bata.

“Anong pangalan mo?”

“Ren.”

“Alam mo ba kung saan kayo nanggaling na bansa?”

“Sa Singapore din…. pero bago dun… galing kaming Russia…”

Natahimik sandali ang mga tao, parang sa sarili nila ay naghihintay sila ng sasagot sa lahat ng mga tanong nila. Karamihan ay tulala, habang ang ilan ay may pumapatak na luha. Ano nga bang nangyayari sa lugar na yun. Bakit parang nabaligtad ang mundo, at lahat ng abnormal at ‘di maipaliwanag na pangyayari ang sunod-sunod na sumasalubong sa kanila.

Nang biglang sabay-sabay na napabalikwas ng tayo sila Nathan. Parang iisa ang isip na lumapit at tinulak nila muli ang cabinet na nakaharang sa pinto. Marami na namang kalabog, pero bukod sa kilabot na dala ng kalabog, may mga boses ng parang naghihingalong hayop. Punong-puno ng panaghoy ng mga pulang mata. Parang lalo silang nagagalit at nagwawala.

Kumalabog nang husto ang pinto, nasa bandang dulo si Nancy kasama ang dalawang bata. Tulong-tulong namang itinutulak nila Nathan ang cabinet.

“BLAGH!”

Isang malakas na bayo at umitsa si Andrea kasama si Mang Javier. Tumayo si Andrea at muling tinulak ang cabinet. Isang malakas na crack ang narinig nila, nangilabot sila nang husto. Bibigay na ang pinto. Bibigay na ang huling hibla ng proteksyon nila.

“BLAGH!”

Bagsak sa sahig si Andrea at si Emily. Hindi na makabangon si Andrea, sama-sama na ang pagod at takot na nagpahina sa katawan niya. Si Emily naman ay paupong umuusad patalikod papalayo sa pinto.

“BLAGH!”

At nahati na nga ang pinto, ang dilim ng storage room ay nasinagan ng liwanag galing sa unti-unting nawawasak na pinto. Nasisilaw sila Nathan, masyado nang nasanay sa dilim ang mata nila.

“BLAGH!”

“BLAGH!”

Mas malakas pang bayo. At Bumagsak si Michael at Lance. Tanging si Nathan at Bobby na lang ang buong tatag na pilit itinutulak ang pinto sa likod ng cabinet.

“BLAAAAAGH!”

Naramdaman ni Nathan ang napakalakas na puwersang nagbato sa katawan niya sa sahig. Malakas ang huling pwersa na yun kaya tumalsik ang cabinet sa bandang gilid ng storage room, at dumagan ito kay Bobby. Hindi na makatayo si Nathan. Bakas sa mukha niya ang matinding takot. Nanginginig na kinapa ni Nathan ang bulsa niya. Siya ang pinakamalapit sa pinto, at paniguradong siya ang unang sasagapangin ng mga pulang mata. Kinapa niya ang screw driver sa bulsa niya, ang kapirasong bakal na yun lang magiging depensa ng buhay niya.

Nanlaki ang mata ni Nathan, dahil dahan-dahang pumapasok  ang babaeng unang naging pula ang mata. Nakausli pa din ang baling buto niya, pero ang nakakikilabot nang husto ay ang mga pulang mata niya na mas mapula pa sa dugong nakapalibot sa buong katawan niya. Puti ang laway na parang malapot na plema. Dire-diretsong tumutulo sa nakanganga nitong bunganga.

 Hinawakang mabuti ni Nathan ang screwdriver, kung mamamatay siya, sisiguraduhin niyang magsasama siya ng kahit isa man lang sa pulang mata. Alam niyang ‘di niya maiiwasan ang sakmal nito dahil sa bilis nila, pero sapat naman siguro ang matitira niyang oras para ibaon ang screwdriver na yun sa bungo ng may pulang mata. Nagsimulang lumakad papalapit sa kanya ang may pulang mata. Dilat na dilat ang mata ni Nathan, ayaw niyang kumurap, kailangan maisaksak niya ang hawak niya sa ulo nito. Bahala na, kung ito man ang kamatayan niya, sana lang ay ligtas ang pamilya.

 Tumakbo nang mabilis ang pulang mata at dire-diretsong tinalon ang nakabagsak sa sahig na si Nathan. Nakanganga ito at puntirya ang leeg niya.

“Nathaaaaaan!!!!!!” sigaw ni Andrea ang nangingibabaw. Yun lang ang huling narinig ni Nathan.

 Napakalakas ng sigaw na yun. Pumikit siya, hinintay na maramdam ang kirot at sakit na dulot ng kanyang kamatayan. Pero wala siyang maramdaman. Ilang segundo pa, pinakiramdaman ni Nathan ang sarili niya. Buhay yata siya. Buhay nga siya. Dumilat siya at nakitang nakabaon nga sa kanang sintido ng pulang mata ang screw driver na hawak niya. Pero ang nakagugulat, butas ang kaliwang mata ng pulang mata, wari ay dinaanan ito ng isang bala.

Lumingon si Nathan sa gawi nila Andrea, nakita niya si Andrea na yakap si Ren. Nakangiti si Nathan dahil nakaligtas siya sa pangil ng pulang mata, pangil ng kamatayan. Pero nagulat siya, dahil lahat ng nasa likod niya ay nakatingin sa nasirang pintuan ng storage room at hindi sa kanya. Paglingon ni Nathan, nagulat din siya. May limang sundalo na kumpleto uniporme ang nakatayo sa harap nila, may hawak na naglalakihang baril. Maya-maya, may pumasok na lalaki, parang sa pelikula, agad mong malalaman na yun ay mataas sa kanila. Kinausap niya ang sundalo, pero ‘di nila marinig kung ano ang sinasabi nito. Pagkatapos kausapin, umalis ang dalawang sundalo at naiwan ang tatlo.

Tumingin ang lalaki kay Nathan, ngumiti ito, dahil sa pagkabigla ay ‘di na nagawang alisin ni Nathan ang pagkakahawak sa screwdriver na nakabaon sa sintido ng may pulang mata. Luminga-linga pa ulit ang lalaki at gumawi sa dako ni Andrea, at nagsalita,

 “Nagkita rin tayo sa wakas… Dr. Vallarta….”

Nagtataka ang lahat, tinawag niyang doktor si Andrea? Akala nilang lahat at pakilala nito ay isang nurse siya…?

author:  mga-sulat-kamay

p.e./mj