KSP T-shirt (Photo credit: zazzle.com)

KSP T-shirt (Photo credit: zazzle.com)

Naranasan mo din bang matawag na “Kulang Sa Pansin”?

Isa ka ba sa mga mahilig magpapansin o isa ka sa mga naiinis sa mga taong mahilig magpapansin?

Kapag nagpapansin sa’yo ang isang tao; madalas ang dahilan, may gusto siya sa’yo. Pero kadalasan naman inis na inis ka kapag may nagpapapansin sa’yo. Lalo na kung ‘yung nagpapapansin na ‘yun ay hindi mo gusto. Pangit, bobo, at mahirap siya siguro. Kaya naman nasasayangan kang ibahagi sa kanya ang atensyon mo.

Noong nag-aaral pa ako, mayroon akong kaklase na hinangaan ko. Siya si Anna. Isa siyang maganda, matalino at mayamang babae. Kilalang-kilala siya sa school namin. Bukod kasi sa Head Teacher ang mama niya sa aming paaralan, Alkalde pa ang papa niya ng aming bayan.

Likas na mataray at mapagmataas si Anna. Palibhasa nagmula siya sa  malaki, kilala at mayamang pamilya. Mga ka-level din niya ang mga kaibigan at laging kasama niya. Kaya naman ang mga mahihirap na katulad ko ay nag-aalangang lapitan at kaibiganin siya. Ako lang yata ang malakas ang loob sa kanila.

Lagi ko siyang pinapansin pero palagi niya naman akong iniisnab. Siguro dahil butas ang suot kong sapatos. Ilang ulit ko na din siyang tinangkang tulungan kapag may dala-dala siyang mabigat na bagay o ‘di kaya kapag nakikita kong nahihirapan siya sa kanyang ginagawa. Kaya lang palagi niya akong tinatanggihan.

Minsan nagpapasikat ako sa klase para lang mapansin niya. Pero nagbubulag-bulagan yata siya. Lagi ko din siyang binabati kapag nasasalubong ko kahit saan, kaya lang parang hindi niya ako kilala. Masiyado yata akong pangit para sa kanya. Kaya ipinagdadamot niya sa’kin kahit ang napipilitang ngiti niya lang sana.

Lalo na noong sinabi ng mga kaibigan ko sa kanya na may paghanga ako sa kanya. Palagi na kaming tinutukso ng mga kaklase namin. Lalo naman siyang nainis sa’kin. Mapalingon lang ako sa kanya, taas ng kilay ang aabutin ko. Mula noon lagi ko nang naririning ang KSP kapag nag-uusap-usap sila ng mga kaibigan niya. Ako pala ang tinutukoy niya.

Noong tanungin ko sila kung ano ba ang ibig sabihin ng KSP, palibhasa isa akong bobo. Nagtawanan lang sila, tapos sabay sabay na sumagot ang mga kaibigan niya “Kulang Sa Pansin!”. Namula ako sa sobrang hiya sa harapan nila at hindi namalayang nasabi ko ito sa kanila.

“Oo, inaamin ko KSP ako. Mahilig magpasikat para lang mapansin ako. Pero alam niyo ba kung bakit may mga taong katulad ko na mahilig magpapansin na minsan ay sinasabihan niyo pang Kulang Sa Pansin?

“Kasi may mga taong katulad niyo na hindi marunong magpahalaga sa nararamdaman, ginagawa at ipinapakita ng iba!”

Bigla silang natahimik. Wala kahit isa sa kanila ang nakapagsalita. Napayuko na lang si Anna. Mula noon hindi na niya ako tinatawag na KSP. Hindi na din ako nagpapapansin sa kanya. Siya na palagi ang pumapansin sa’kin. Naging magkaibigan na kami, mula noon hanggang ngayon.

author: iceburn

p.e.kf