I Love You Dad   (Photo credit:     Scriptureunion.org.uk)

I Love You Dad (Photo credit: Scriptureunion.org.uk)

Alam ko na hindi ako matatawag na anak kung walang ina na siyang naghirap upang ako’y maisilang at nang masilayan ang kagandahan ng mundo.

Ikaw, Ama ang dahilan kung bakit naging Ina ang Nanay ko at ikaw din ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng lakas ng loob na harapin ang lahat ng mga pagsubok sa buhay.

Ikaw ang Ama na siyang umakay noong mga panahong ako’y nawawalan na ng pag-asa sa buhay. Ikaw ang umunawa at siyang naging sandigan. Alam kong hindi ka perpektong ama at may mga panahon na magkasalungat ang ating paniniwala at hindi magkatugma ang ating opinyon at nauuwi ito sa pagtatalo.

Kadalasan ikaw pa ang nagpakumbaba at ako naman itong nag mamayabang animo’y meron ng maipagmamalaki kahit wala naman. Sa tuwing ako’y nakakakita ng mga amang pinagmamalupitan ang kanilang mga anak, naisip ko tuloy na ang swerte ko naman pala at ikaw ang aking naging Ama.

At sa tuwing nakakakita ako ng mga iresponsableng Ama, ako’y nagagalak at higit sa lahat, nakakaramdam ako ng lungkot, sapagka’t aminado ako na maka-ilang beses kong kinuwestyon ang iyong pagiging Ama noon.

Aminado akong hindi ako naging mabuting anak. Inakala kong marami kang pagkukulang. gayong ako pala ang dahilan kung bakit napuno ka ng pag-asa at nagkaroon ka ng lakas upang maitaguyod ang pamilyang iyong nabuo. May mga pagkakataon na ika’y naging mahigpit. Akala ko ayaw mo maging malaya ako, pero ang totoo, takot ka palang magkamali ako. Takot kang nakikita akong nahihirapan at nasasaktan.

Noong mga panahon na ako’y iyong pinagsasabihan, ako naman ay madalas na nangangatwiran. Hindi ko man lang naisip na unti- unti palang nadudurog ang iyong puso. Nasasaktan na pala kita, subalit binalewala ko ang lahat ng iyong mga payo at mga sakripisyo upang ako’y dumaan sa tuwid na landas at nang magkaroon ako ng magandang bukas. Ako’y nagbibingi bingihan sa mga salitang iyong binibigkas.

Sa tuwing iyong sinasambit ang mga katagang ”Papunta ka palang pabalik na ako.” Nawalan ako ng respeto sa yo. Natuto akong lumaban at naging bulag sa katotohanan na baliktarin man natin ang mundo, ikaw parin ang Ama ko.

Ilang libong beses man akong nadapa, lagi kang nandiyan. Tinutulungan mo akong bumangon. Sa lahat ng mga hamon sa buhay lagi kang nariyan at hindi nawalan ng tiwala sa akin. Nawalan man ako ng pag-asa, ikaw naman ay laging umaasa na darating ang araw magkakaroon din ng pagbabago sa ating relasyon at muling manunumbalik ang katahimikan sa pagitan nating dalawa.

Ama, patawarin mo ako sa lahat ng aking naging kasalanan. Naging masama akong Anak sa yo at alam kong hindi ako dapat tularan. Hindi ko tinupad ang lahat ng iyong mga payo. Minsan akong nalugmok at nawala sa tamang landas. Nais kong malaman mo na nagpapasalamat ako at ikaw ang naging Ama ko.

Ikaw ang Ama na pinapangarap ng iilan subalit ako naman itong Anak na hindi marunong magpasalamat at madalas na naghahanap ng kung ano man ang hindi mo kayang ibigay.

Sa puntong ito ng aking buhay, ako’y nagagalak at bago pa mahuli ang lahat, maiparamdam ko man lang sa yo ang pagmamahal at pag-aaruga, na noon ko pa ito dapat ginawa, kung hindi nga lang naging matigas ang ulo ko at naging suwail na Anak. Malamang maipagmamalaki mo na rin ako, tulad ng pagmamalaki ko sa yo. Nais kong malaman mo na sa mga sandaling ito, ikaw ang inspirasyon ko at hinahangaan ko. Ikaw ang matibay na haligi ng tananan na kailanma’y hindi matitibag ng kahit ano mang pagsubok at hindi basta masisira ng kahit ano mang unos.

Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami, maraming mga anak na naging suwail sa kanilang mga magulang. Tulad ko, aminado akong nagkaroon ako ng sama ng loob sa aking Ama . Matagal na panahon akong nagkimkim ng galit at sama ng loob. Subalit ako’y natutuwa at binigyan ng Diyos ng linaw, ang aking puso’t isipan. Nilinis niya ang aking kaluluwa upang mawala ang lahat ng iyun, nang sa ganun, muling magkasundo ang aming kalooban.

Sana wala nang anak ang maging suwail sa kanilang mga magulang dahil wala itong mabuting maidudulot. Isa-isip sana natin ang lahat ng kanilang sakripisyo mula ng araw na tayo’y isinilang sa mundo.

At sa mga amang iresponsable,malupit at nagiging masamang halimbawa sa kanilang mga anak , nais kong magkaroon na nang pagbabago sa inyong buhay, nang sa ganon, darating ang araw na maipagmamalaki din kayo ng inyong mga Anak at Asawa, para magkaroon ng saysay ang bawat salita at mga katagang madalas na sa inyo’y binibigkas sa tuwing darating ang araw ng mga Ama o Father’s Day.

Alam kong matutuwa ka Ama. Dahil sa yo, nabuo ko ang sulat na ito upang maibahagi ko kung gaano ako  kasaya na ikaw ang aking naging Ama.

Mula sa kaibuturan ng aking Puso, alam kong magugustuhan mo ang aking  pagpapahalaga sa yo.

Mahal na mahal kita. You’re the best. :)

author: mjsweetiecarreon

p.e./mj