Mother on Father’s day   (Photo credit:     Joannasbakedgoods)

Mother on Father’s day (Photo credit: Joannasbakedgoods)

Bakit kaya may mga taong tipong walang pakiramdam? Sadya bang manhid na lamang o di kaya’y nagmamaang maangan na lang sa mga bagay bagay para iwas responsibilidad?

Tahimik pero hindi pa rin maikakaila, na may mga dalahin siya sa kanyang dibdib…Simple at mabait na tao ang pagkakilala ko sa kanya. Marami na siyang mga nilapitan, bawat isa ay nagbigay ng kabiguan…hindi na nga nakatulong, may mga nasasabi pa. Bigo na naman siya…pero patuloy pa rin siyang lumalaban, hindi niya alintana ang mga kabiguang kanyang nararanasan. Sa kabila nito, nababakas pa rin sa kanya ang lakas ng loob, hindi siya pinanghihinaan nito. Dahil siguro ang nasa isip niya, “ito na lamang ang mayroon ako, kaya sana naman ‘wag ko nang hahayaang mawala pa; pasasaan ba’t makakaahon din ako”.

Bakas sa kanyang mukha ang ng pag-asa, kung paanong punong-puno ng pangarap ang kanyang isip, gayun din siya kapuno ng pag asa.

“Hinde, hinde ako dapat susuko…sadyang ganito lang naman ang buhay, mahirap sa una pero sa kalaunan ay makararaos din”. Ganyan lagi ang kanyang nasa isip. Isa siyang taong positibo ika nga. Pero bakit ngayon, tila gusto na niyang bumigay? Para bang ang mga nasa paligid niya ayaw umayon sa mga plano at mga pangarap niya?

Kung sino pa yung dapat sana e umaantabay sa kanya ay siya pang unang bumibigo? Bakit hindi nila kayang unawain na nasa punto na siya ng kanyang buhay na wala na. Paano na lang ang kanyang mga plano para sa mga anak niya? Di ba’t sa kanya naatang ang responsibilidad na dapat sana ay dalawa silang magkatuwang para sa kinabukasan ng kanilang mga anak?

Walong taon na ang nakalilipas mula nang siya ay humiwalay sa kanyang asawa, nasa ikaapat pa lamang sa mababang paaralan ang kanyang bunso nang mga panahon na yun. Pinili niyang mag-isa kaysa nga naman sa parang wala din siyang kasama. Sa dahilang, noong nagsabog yata ang langit ng mga ugaling  hindi kanais-nais e nasalo na yata lahat ng kanyang asawa. Iresponsable, tamad, babaero, lansenggo atbp….kawawang kaibigan. Napakabait niya para mapunta lang siya sa ganitong klaseng lalaki. At hindi rin naman pahuhuli kahit paano ang kanyang beauty dahil mayroon syang angking ganda kahit siya ay sadyang simple lang.

Tunay nga na hindi lahat ay ipagkakaloob sa ‘yo ng Diyos. Katulad na lang sa pag-aasawa, kahit na ba lahat ng maganda at mabuti ay pinangarap mo sa magiging asawa mo e bakit mayron pa ring napupunta sa “BUNGI‘? Ano nga ba ang dahilan nito?

Marahil sa dahilang umiiral minsan ang kapusukan? Nalaman ko rin, na wala sa plano ang kanilang pag iisang-dibdib. Dahil pinilit lamang siyang itinanan ng lalaki…ito marahil ay dala lamang ng kanyang kapusukan at ng kanyang kabataan kung kaya’t wala na siyang nagawa. Bakit nga ba walang pagsisisi sa una? Sabagay, kung meron lang ‘di sana wala nang salitang “regrets” sa diksyunaryo, di ba?

Mga mahal kong tagatangkilik ng DF, isinulat ko ito ay para bigyan kayo ng inspirasyon tungkol sa buhay ng aking kaibigan. Na sa kabila ng kanyang pinagdadaanan  ay patuloy pa rin siyang lumalaban. Pinipilit niyang itinataguyod ang kanyang pamilya para sa magandang kinabukasan ng mga anak, kahit siya’y single mom na lang.

Ang mga kabiguang pinagdadaanan niya sa buhay ang siyang nagsilbing lakas niya maliban pa sa tulong ng maykapal para lalong tumatag at magpatuloy ang kanyang buhay. Sa ngayon, masaya na  siya sa kanyang mga anak na parehong nasa kolehiyo na. 

At naniniwala akong marami man siyang pagsisisi sa kanyang buhay, nasa kanya naman ang mga huling halakhak.:)

Happy Father’s Day din sa mga Moms na nagpapakatatay…. sa lahat ng mga mommy,nanay,inay at inang! Saludo ako sa inyo…tunay nga hindi biro ang maging isang INA at AMA …..

author:  EmJay

p.e./mj