Father and Son   (Photo credit:     Fionnbharr-experientia-docet.blogspot)

Father and Son (Photo credit: Fionnbharr-experientia-docet.blogspot)

Ilang taon na bang pabalik balik sa hospital ang tatay? Dahil sa kanser sa utak, lahat ng ari-arian ng pamilya ay nabenta na, kulang na lang kaluluwa namin ay kung pwede lang isangla kay satanas ay gagawin namin para lang sa tatay namin. Nagsimula ang kanyang sakit noong highschool pa lang ako. Noon ay sinasabi niyang migrane lang daw sa tuwing sumasakit ang kanyang ulo. Dahil wala naman kaming sapat na kuwarta ay hindi agad namin pinasuri sa espesyalista ang tatay hanggang sa lumala at naging stage 2 ang kanser niya.

Dumating ang sandaling nagiging isip bata ang tatay, hindi na kami kilala, naglalaro na siya na animo’y talagang bata. Umiiyak kapag nasasaktan, o nasusugatan. Dati rati, isa siyang matipunong lalaki, astigin, maprinsipyo, lahat kakalabanin alang-alang sa amin na pamilya niya. Ngayon, hindi na namin siya kilala, nag-iba na siya, ang masakit ay kapag umaasta siya na parang kaaway niya ako. Minsan, sinasabi niyang hindi ako masayang kalaro. Narealize kong tama siya, hindi ako naging mabuting anak minsan sa kanya.

Salitan kaming magkakapatid sa pag-aalaga sa kanya, minsan kapag sinusumpong siya ay  hindi kami nakakatulog sa gabi dahil hindi namin kayang naririnig ang aming ama na iniinda ang matinding sakit at tuwing naririnig ko siyang umiiyak, para bang dinudurog ng pinong-pino ang aking puso. Minsan, nananalangin akong sana sa akin na lang yung sakit na yun.

Ang findings ng doktor tungkol sa kanser ng tatay ko ay dahilan umano sa matinding init, sa kabibilad niya sa araw tuwing nasa sakahan at kalauna’y mauulanan pagsapit ng hapon. Dala na rin umano sa madalas na kulang sa kain o palaging nalilipasan ng gutom.

Si tatay pala minsan ay gutom ang sikmura pero kailanman ay hindi nagreklamo na minsan inuubos namin ang pagkain sa mesa. Kay sakit isiping isa kami sa dahilan ng kalagayan niya. Si tatay na nalapnos ang balat sa kabibilad sa araw upang may maani at makain kami. Makabili ng gusto naming damit at sapatos, si tatay, ang aking superhero at ngayon ay malapit na kaming iwan.

Dumating ang araw na kailangan kong umalis at mangibang-bayan. Iniwan ko ang tatay sa ganoong lagay dahil gusto kong makatulong. Ngunit nabalitaan kong ang aking kapatid na lalaki ay ninanais ang ‘merciful killing’ para tuldukan ang paghihirap ni tatay, ngunit lahat kami ay hindi sumang-ayon.

Isang araw, habang nasa balkonahe si tatay, niyaya siya ni kuya na mamasyal sa kagubatan sa aming bukirin na may kalayuan mula sa aming bahay. Gusto niyang iligaw ang aming ama at nang sa gayun ay hindi na makauwi sa bahay at matapos ang paghihirap niya bilang taga-alaga kay tatay, dahil wala na ring lunas ang sakit niya, ililigaw niya sa kagubatan ang aming ama at doon ay iiwanan niya.

‘”Ben, saan tayo pupunta? maglalaro ba tayo ng tago taguan sa bukid?” tanong ng kawawa kong ama.

‘ Oho ‘tay, maglalaro tayo, ikaw ang taya’ sagot ni kuya.

Pero tila alam ng tatay na iiwan siya ni kuya sa gitna ng kagubatan kaya bawat sanga ng puno na madaanan nila ay pinuputol niya.

‘Tay,bakit mo pinuputol ang mga sangang nadadaanan natin?
‘ Ginawaan kita ng palatandaan. Ayoko kasing maligaw ka pag-uwi mo’..

Happy father’s day to all fathers out there.

author:  aimeeindubai

p.e./mj