Father and Son Walk   (Photo credit:     Gbfc-tx.org)

Father and Son Walk (Photo credit: Gbfc-tx.org)

Mapagmahal ang tatay ko, siya ang dahilan kung bakit nabuhay ako dito sa mundo, siya ang dahilan kung bakit apat kami na magkakapatid na nilabas ng nanay ko. Masipag si tatay, maaruga. Siya ang nag-aasikaso ng mga gamit namin, siya ang naglalaba ng mga damit namin, siya ang nagluluto ng kakainin namin sa umaga, tanghali hanggang sa hapunan. Siya ang naghahatid-sundo sa amin sa eskwelahan.

Mahal na mahal ko ang tatay ko, hindi ko siya ipagpapalit kahit kanino oh kahit na sino. Dahil para sa akin wala nang hihigit pa sa tatay ko.

Hindi ko alam kung anu-ano ang napagdaanan ng tatay ko bago niya makilala si nanay. Hindi ko alam kung anu-anong pagpapalusot ang ginawa ni itay mapasagot lang si inay. Ni hindi ko nga alam kung kailan naging sila, ni hindi ko alam kung kailan nila pinagdiriwang ang monthsary nila, lalo na ang anniversary nila.

Ang alam ko lang ay nagtanan ang nanay at tatay ko, at sa bintana sila ng bahay dumaan. Alam mo yung itsura ng mga sinaunang bintana? Yung parang shell na parisukat na maliliit, ganoon pa yung bintana namin noon.

Bata pa lang ako nakikita ko na, na paborito ng tatay ko ang mag-inom. Nandiyan yung magyayaya siya ng mga barkada niya. Nandiyan yung kahit naglalaba siya alak ang katabi niya. Ewan ko ba kung anung meron sa alak na yan. Passion na yata ng tatay ko ang pag-inom. Ang pag-inom kahit nag-iisa. Pero hindi sya nagsisigarilyo. Minsan nakakatakot din pag nakainom na siya dahil kapag hindi ka sumunod sa utos niya asahan mo na ang sipa, tadyak, suntok, batok ang sasalubong sa ‘yo.

Alam mo ba yung feeling ng mapahiya. Alam mo ba yung feeling na saktan ka sa harap ng maraming tao. Ako alam ko kasi naipadama na sa kin yan ng tatay ko nung bata pa ako. Pauwi kami noon galing sa kamag-anak namin. Malas ko, naka-inom tatay ko, maling galaw o asal ko lang bibingo ako dito.

Magbabayad na ako noon sa bus, may kanya-kanya kaming dalang pamasahe. Sabi ng tatay ko ibayad ko muna siya, pero tinanggihan ko. Ang sama-sama ko. Pagbaba namin ng bus hindi nga ako nagkamali. Sipa, tadyak, suntok at mura ang natikman ko sa tatay ko. Halos mamilipit ako sa sobrang sakit. Hindi ko alam pero lakad lang ako nang lakad pagbaba namin sa bus. Nagawi ako banda sa west avenue kalalakad ko dahil nagmamadali ako sa paglalakad, dahil pag naabutan ako ng tatay ko malamang sa alamang sasaktan na naman niya ako.

“Lumapit ka sa ‘kin, papatayin kita.”

Yan lang ang naririnig ko sa tatay ko habang mabilis akong naglalakad. Dahil hindi ko alam kung saan ako pupunta. Dahil hindi ko pa alam kung paano ang sumakay mag-isa. At lalong hindi ko pa alam ang pasikot sikot sa Maynila. Huminto ako.

“Aray, Pa. Tama na po” =,(

Papahabulin mo pa ako, pinahiya mo ako ah”

“Hi-hindi ko na-naman sinasadya ee, bi-binayad na-na nga ki-kita ee”

“Ay ganon utang na loob ko pa? Tae lang kita! Tae lang kita” (kablog! Tooogs! Pak!)

“Aray,  Pa. Tama na po” =,(

Pasakay na kami ng jeep noon, hahakbang pa lang ako ng jeep ng sipain ako ng tatay ko papasok. Alam mo ba yung feeling na napasubsob ka sa ilang pasahero dahil sa pagkakasipa sa ‘yo? Nasa magkabila kaming dulo ng jeep, nasa likod ako ng driver at nasa bungad naman siya. Nang makaupo na kami sige pa din ang tulo ng mga luha ko. Wala akong pakialam sa mga katabi ko, basta iiyak lang ako dahil nasaktan ako. Hindi ko na nga alam kung anong itsura ko, hindi ko alam kung may mga galos ba akong natamo.

Dahil ang nararamdaman ko lang sa gabing yun ay awa. Hindi sa sarili ko, kung hindi sa tatay ko. “Sorry, papa, napahiya kita, sorry dahil nagamit mo yang mapanakit mong mga kamao dahil kasalanan ko, sorry dahil hindi ako sumunod sa ‘yo”. Gusto kong humingi ng tawad sa kanya, gusto kong sabihin na bugbugin pa niya  ako dahil kasalanan ko. Pero wala siya sa mga tabi ko ngayon para sabihin lahat ng nararamdaman ko.

Nasa ikatlong taon ako sa high school noon nang maghiwalay ang mga magulang ko. Noong una ayoko, pero sa mga nakikita ko kialangan nilang palayain ang isat-isa. Kahit masakit, tatanggapin ko, kahit mahirap titiisin ko. Malalayo na ako sa piling ng tatay ko,  hindi ko alam kung paano na kami pag wala siya. Hindi ko na matitikman ang mga luto niya araw-araw, wala nang gigising sa akin tuwing umaga para bumili ng dyaro malapit sa Seven Eleven, wala nang maglalaba ng damit ko pag wala na akong maisuot, wala nang sisigaw, mananakit, susuntok at tatadyak pag nagkamali o kasalanan ako. At wala nang magmamahal na ama sa isang katulad ko.

Minsan dumarating sa punto na napagsasabihan ka, pagagalitan ka, nasisigawan ka at minsan nasasaktan ka pa. Pero kahit ilang beses ako h kami saktan ng tatay ko kahit kailan hindi ako nagtanim ng sama ng loob. Wala naman kasing paso o lupa ang puso ko para taniman ko ng galit. At isa pa wala pa namang naimbentong “anger seed,” di ba? Kaya kahit anong sakit ang matikman ko sa tatay ko, hinding-hindi ako nagtanim ng sama ng loob.

Bagkus ay inintindi ko pa siya dahil nagagawa niya lang ang lahat ng yun  para matuto ako, para matuto kaming magkakapatid.

Sariwa pa din sa akin ang mga nangyari. Sa paggising ko sa umaga hinahanap ko siya. Ano na kaya ang lagay ngayon ni itay? Ngayon, mahigit walong taon na akong nabubuhay na walang kalinga ng isang ama. Hindi na nakakaramdam ng tunay na pagmamahal ng isang tunay na ama. Hindi ako sumuko sa hamon na dumaan sa buhay ko. Hindi ako nagpadala sa masasamang bisyo. Dahil baka sa bandang huli ako din ang matalo.

Kailan ko kaya ulit mararamdaman ang magkaroon ng isang ama, isang ama na puwede kong takbuhan kapag ako ay may problema, isang ama na puwede kong kainuman kapag may pinagdadaanan ako, isang ama na magtutuwid sa mga pagkakamali ko kahit malaki na ako, isang ama na magpaparamdam sa akin na mahal na mahal niya ako.

Dahil sa mga oras na ginagawa ko ito, at sa mga oras na pumapatak ngayon ang mga luha ko, umaasa pa din ako isang araw na makukumpleto ulit kami, makukumpleto ulit ang masaya naming pagsasama, makukumpleto ulit kami para matawag na isang pamilya. Mahal na mahal ako ng tatay ko kahit ni minsan hindi ko narinig sa kanya ang salitang “anak, mahal na mahal kita”.

author:  kelvinjonas

p.e./mj