Life is like a Wheel   (Photo credit:     Scrapvenue)

Life is like a Wheel (Photo credit: Scrapvenue)

Noong bata pa ako, lagi kung naririnig “Ang buhay ay parang gulong, ngayon nasa ilalim tayo, bukas nasa ibabaw naman.” “Pag may tiyaga, may nilaga”.

Ito ang mga kataga na lagi kung isinasaisip sa bawat pagtulo ng luha ko.

Magtatatlong taon pa lang ako siguro noon nang maghiwalay ang aking ama at ina, ako ang panganay, magdadalawang taon ang pangalawa at ipinagbubuntis pa lang ang aming bunso.

Nang maghiwalay sila, umuwi kami sa probinsiya at simula noon, hindi na kami sinuportahan ng aming ama. Pinalaki kami ng aking ina sa pamamagitan ng pagsasaka lamang ng aming maliit na lupain at kaunting tulong mula sa aking tiyahin sa maynila (2,000/ 1,500 isang buwan). Naikuwento pa ng aking ina, naiiyak daw siya noon nang makita kami habang nagrereklamo sa pagkain… sabi ko daw nang nilapag sa aking harapan ang dahon ng gabi “ayaw ko niyan, gusto ko ng pritong baboy”.

Ang pangalawa ko namang kapatid, lumaki sa AM (ang pinakuloang tubig ng bigas) at ang nilalagay pa namin ay asin dahil mahal ang asukal. Noong lumalaki na kami at papasok na ng paaralan, tatahakin naming ang tatlong bundok na nakapaa lang dahil bitbit namin ang tsinelas dahil mapuputol ito pag sinuot agad. Bago umalis, mag-iigib muna kami sa balon, tapos maliligo. Sa umaga, ang ulam namin kung hindi asin, pinaghalong suka at tuyo, pag may pera naman, isang lata ng sardinas. Pag apat ang laman masuwerte, pag tatlo lang sakto lang sa baon namin, ang uulamin namin ang sabaw lang. Pagkatapos magbihis tatakbo na kami na nakapaa.

Pag malapit na kami sa eskwelahan, maghuhugas kami sa poso ng isang bahay hindi kalayuan sa eskwelahan at isusuot na namin ang aming tsinelas. Pagdating ng tanghalian, ilalabas na naming ang baon na nakalagay sa dahon ng saging. Sa hapon, pagkatapos ng klase, uuwi na kami habang naglalakad ulit.

Dahil mga bata pa, mahilig kami umakyat ng mga puno ng rambutan at lansones habang wala ang may ari ng plantasyon. O minsan naman, makikinood kami ng tv sa bahay malapit sa daanan pauwi, pero karamihan sa kanila pag nakita nila kami papatayin ang tv, tapos pag lumagpas na kami, maririnig ulit namin ang tunog ng tv. Tatakbo kami niyan pauwi at magsusumbong kay mama. Pagsasabihan kami nyan kung bakit kasi nakikinood pa, magsumikap daw kami para makabili ng sarili naming TV tapos tatalikod na habang nakikita ko ang pagngilid ng luha niya.

Pagkatapos, tatakbo na kami sa balon mag-iigib na at gagawa ng assignment dahil maggagabi na na naman at gasera lang ang gamit namin, minsan pag hindi natapos o kaya naman may exam, talagang magsusunog ka ng kilay.

Awa ng diyos nagtapos narin ako ng elementarya at kahit ganoon ang aming kalagayan, hindi kami nawawalan ng medal. Maririnig na naman namin ang bulungan ng mga tao, “walang ama ang mga yan” “putok sa buho yan (putok sa butas daw dahil walang ama)” .Ang isa mga masakit na narinig ko yata “mga abnormal yan kasi magkadugo nag-asawa (dahil ang aking ama at ina ay mag 1st cousin)”.

Pero hindi namin pinansin lahat yun at sinabi ko na lang sa sarili ko ”balang araw hihingi rin kayo ng tulong sakin, magpapayaman ako.”

Nang mag hayskul na ako, kinuha ako ng tita ko sa maynila para doon mag- aral. Sobrang hirap din ang naranasan ko dahil sobrang strikto at daig ko pa ang babae. Sa loob ng apat na taon ko sa hayskul, ni isang beses wala pang kaklase ko ang nakapunta sa bahay.  Ay merong isa , nakalimutan ko kasi ang notebook ko sa school, ayun nasigawan. Simula noon, wala nang nangahas pumunta sa bahay.

Pag nalasing ang tita ko, ayon sasaktan kami pati ang nag-iisa niyang anak. Ang pamalo sa amin ay ang wire ng PLDT, ang sakit at talagang babakat sa katawan mo. Pasalamat ako kung sa katawan, pag sa kamay makikita ng kaklase ko pero sasabihin ko na nadapa lang ako.

Ang baon ng anak nya 100 pesos isang araw, habang ako 50 pesos, isang linggo pa yun. Kakain naman daw ako sa bahay. Pag nagkamali ako, luluhod ako sa munggo ng mga dalwang oras na may libro sa kamay. Hindi naman ako makagsumbong kay mama, sasabihin niya, “ kahit anong gawin ko puwede, ako ang nagpapalamon sa inyo” kaysa isumbong ko pa at mag-away pa sila, tatahimik na lang ako n’yan. Kaya siguro lumaki ako nang may takot sa kanya at sa Diyos. Lumaki akong walang bisyo kahit sa edad ko ngayong 22, hindi ako umiinom at naninigarilyo, (Online games lang ?). Kahit ganoon man, masaya pa rin ako at pasalamat sa kanya, dahil kung hindi dahil sa kanya, hindi kami nakapagtapos at nakarating sa aming kinaroroonan.

Nagtapos na rin ako ng kolehiyo bilang isang computer technician. Lahat ng trabaho ay pinasok ko, hanggang mapasok ako sa isang kompanya na nagpadala sa akin sa ibang bansa sa edad na 20 yrs old.

Ngayon, patapos  na ang dalwang taong kontrata ko at malapit na akong umuwi. May ipon na rin at gusto kong ipakita sa mga taong umaalipusta sa amin na lahat ng sinabi nila ay mali. Pag naiisip ko ang nakaraan, nasasabi ko totoo nga… “Ang buhay parang gulong, nasa ilalim tayo ngayun pero kung sasamahan ng tiyaga ang panalangin, sigurado paggising mo nasa taas ka na.”

author:  k3nt_cute

p.e/mj