Student Teacher     (Photo credit:     Heyarnold.wikia)

Student Teacher (Photo credit: Heyarnold.wikia)

Maagang dumilat ang aking mata sanhi ng mabibigat na patak ng ulan at napakalalamig na hangin mula sa bintana ng aking silid. Sadyang may kakaiba sa araw na ito, sa halip na isuot ko ang berdeng palda at puting blusa na minabuting plantsahin ng aking mahal na ina ay isinuot ko ang itim na pantalon at makulay na blusa at hindi na isinabit sa leeg ang asul na ID lace tulad ng ritwal kong gawain sa umaga.

Lahat ng ito ay dahil sa pagsisimula ng Youth Week kung saan ang mga piling mag-aaral ang magiging guro ng mga estudyante na tinatawag na student teacher (ST) sa loob ng isang buong linggo habang nagpapahinga ang mga butihing guro.

 Pagpasok ko pa lamang sa paaralan ay nagsimula na seremonya ng watawat at naroon din ang iba pang mag-aaral na naka-bihis pang-guro upang simulan na ang taunang youth week. Hawak ko na ang mga kagamitan ng gurong kakatawanin ko kasama ang isa sa mga kamag-aral ko na magiging katuwang ko sa pagtuturo. Umakyat kami sa unang silid at nagpakilala sa mga mag-aaral. Sa pagsisimula ng araw na iyon ay tumatak na sa aking isipan na ito na ang simula ng pagbabahagi ng aking mga kaalaman sag a nakababatang isiupan na patuloy na hinuhubog ng paaralan.

 Sa simula ay sadyang mahirap. Nakapaninibago… hindi ako kumportable sa aking pagtuturo. Tila may gumugulo sa aking isipan at ang masama pa ay hindi ko mawari kung ano ba ang bagay na iyon. Matapos naming magpakilala sa mga mag-aaral ay nagsimula na ang aming unang pagtatagpo ng mga mag-aaral. Sa una ay tunay na nakapapagod, sa loob ng isang buong araw, paulit-ulit lang ang iyong sinasabi. Para kang isang sirang plaka, kulang na lang ay i-record mo na lang ang iyong sinasabi upang hindi ka na makaramdam ng pagkapagod.

 Sa tuwing matatapos ang klase sa isang silid, samu’t saring emosyon ang maari mong maibaon. Nariyan ang galit mula sa mga mag-aaral na walang intensyong making dahil kulang ang paghahangad na matuto. Minsan naman ay maiinis ka na sa sobrang aktibo ng mag-aaral, sobrang agresibo at ayaw ng paawat sa pagsasalita, parang wala ng bukas.

Mayroong ding mga pagkakataon na hindi mo maintindihan kung ano ang iyong nararamdaman,l may halong pagkayamot at galit dahil kahit anong pag-iisip ay hindi mo mawari kung bakit may mga mag-aaral na atentibong nakikinifg ngunit wala namang natutununan. Kapag tatanungin mo kung naintindihan, laging oo ang sagot pero kapag dumating na sa puntong ipasasagot mo sa kanila ang nasa pisara, ngingitian ka lang na para bang nakaloloko at wala kang naituro.

Hayyy…. Napakahirap pala ang maging isang guro, darating at darating ang araw na hindi mo na alam ang iyong gagawin. Parang maba-blangko na lamang ang iyong utak o kaya naman ay matatawa ka na lamang sa sobrang kumplikado n mga sitwasyon. Pilitin mo mang basahin ang nasa isipan ng mag-aaral ay hindi mo magawa dahil sadyang napakahirap makipagsabayan sa isip ng mga mag-aaral na may iba’t ibang paniniwala tungkol sa edukasyon.

 Habang lumilipas ang araw ko bilang ST, unti-unti kong naiintindihan kung bakit at kung ano ba ang iba’t ibang paniniwala ng mga mag-aaral tungkol sa edukasyon. May iba sa kanila ang nakararanas kung gaano kasakit ang laging akusahan ng mga negatibong bagaykahit hindi mo naman ginagawa o kaya’y sinubukan mong baguhain. Tulad na lamang ng ibang mga kaso sa mabababang seksyon sa paaralan, halu-halo na doon ang mga mag-aaral na walang pagpapahalaga sa kung ano ang kanilang tunay na pakay sa paaralan. Dahil kulang sila sa atensyon ng kanilang mga magulang mula sa kanilang mga tahanan, mas minamabuti nilang maging magulo sa oras ng klase at patunayan na may magagawa sila kahit man lamang sa kaguluhan.

 Sa kabilang banda, ang asignaturang aking itinuturo ay matematika, alam ko namang isa ito sa mga kinaaayawan ng mga mag-aaral kaya hindi rin naging madali para sa amin ang ipaliwanag iyon ng maayos at ipaunawa sa kanilang lahat ng sabay-sabay.
Nang sumapit ang huling araw ng youth week, tila nais kong sisirin ang isipan ng mga mag-aaral na aking tinuruan, nais ko pa sanang alamin kung may nai-ambag ba akong bagong kaalaman sa kanilang mga isipan.

 Habang binabalikan ko ang mga sandali ng aking mga pagtuturo, muling sumagi sa aking isipan ang mga bagay na noon ay bago pa sa aking isipan, ang mga bagay na naging parte ng aking buhay ST. sa maikling panahon ay naibahagi ko sa mga mag-aaral kung ano ang natutunan ko sa akin ding mga guro.

 Sana minsan ay maibalik ko ang oras upang madagdagan ko ang bagay na naituro ko sa kanila upang sa ganitong paraan, mapunan ko ang kakulangan ng mga gurong hindi man kumpleto sa ating paningin ngunit kumpleto naman sa mga adhikaing patuloy na palaganapin ang edukasyon.
***