Scary Eyes  (Photo Credit:  Wallpapers99)

Scary Eyes (Photo Credit: Wallpapers99)

Nagsimula na namang magkagulo ang tao.   Sa panahon talaga ng panganib ng buhay, lumalabas ang natural na pagiging gahaman at makasarili ng tao. Pero sino nga ba ang hindi mag-iisip na isalba ang buhay niya. Tulakan, hatakan at balyahan. Nawawala ang pinag-aralan at kagandahang-asal ng karamihan na nanatiling buhay sa lugar na yun. Ganoon yata talaga kapag ngipin ng kamatayan ang nakaabang sa tao; nawawala ang lahat ng urbanidad, instinct ang naiiwan, ang instinct para mabuhay.

Dali-dali namang lumapit ang dalawang matipunong lalaki upang tulungan sana si Andrea at ang kasama nito. Sa laki ng katawan ng dalawang lalaki, lahat ng nasa kuwarto ay nabuhayan ng loob na kahit may katabaan ang babae, wala itong magagawa sa dalawang lalaking malalaki ang katawan. Ang isa ay lumapit kay Andrea, ang isa ay dali-daling lumapit sa babaeng may pulang mata para pigilan ito. Nakahinga nang medyo maluwag si Nathan, may ilan pa din pa lang may pakialam sa nangyayari sa paligid nila. Pero ang sumunod na nangyari ay ‘di nila inaasahan.

Bago pa man makalapit ang lalaki ay mabilis nang nasakmal ng babaeng may pulang mata ang leeg nito. Muli na namang tumilamsik ang masaganang dugo. Hindi man lang nagawang protektahan ng lalaki ang sarili niya. Lalo silang nanghilakbot ng tangkaing tulungan ng isa pang lalaki ang kasamahan niyang lalaki, at nang lumapit ito ay saktong dinakma ng isang kamay ng babae ang mukha nito. Dinukot ng mga daliri ng babae ang mata ng lalaking patuloy na humihiyaw, sinusuntok niya ang babaeng may pulang mata, pero wala itong epekto.

Marahil, isang desperadong atake ng taong nakararamdam ng napakatinding sakit, ubod lakas na sinuntok ng lalaki ang kamay ng babaeng may pulang mata na naging dahilan para maputol ang buto nito sa braso at lumusot sa ibabang bahagi ng kamay nito. Lumusot ang baling buto at sumungaw sa ilalim na bahagi ng braso, nakausli ito at nakalusot sa himaymay ng laman sa braso. Humiyaw ang babaeng may pulang mata, at nabitawan ang leeg ng sinasakmal niyang lalaki. Lalong nagkagulo ang mga tao. Pinatunayan ng hiyaw ng babaeng may pulang mata, na hindi na tao ang kaharap nila.

Marahil ay isang pagkakamali ng lalaki na sinaktan niya ang may mga pulang mata, dahil lalo itong naging mabangis. Walang sali-salitang, biglang itinaas ng babae ang kamay niyang may nakausling buto, at buong lakas na ibinaon sa bunbunan ng lalaking nagwawala na dahil patuloy na dinudukot ang mata niya.

Nawala ang sigaw ng lalaki, pero pumalit ang mas madami pang sigaw. Sigaw ni Andrea ang pinakamalakas, dahil sa lahat ng tao sa kuwartong yun, siya ang pinakamalapit sa nagaganap na pagkitil ng buhay. At tulad ng babaeng pula ang mata, basa na din si Andrea ng dugong kasing-pula ng mata ng babae. Nagsimula na namang sakmalin ang tiyan ng lalaki, matapos madukot ang isa nitong mata.

Nanghihina man ang tuhod, pinilit pa din ni Nathan na tumayo,.  Kailangan niyang mailayo si Andrea sa nagwawalang may-ari ng aso na nagmamay-ari na din ngayon ng pulang matang kaparehas ng sa aso niya. Nilingon niya kung nasaan si Michael, nakita niya ito malapit sa bintana kung saan siya nakapuwesto kanina, dumudugo pa din ang sugat nito kaya parang hirap itong gumalaw.

Maliksi siyang lumapit kay Andrea na walang tigil sa pagsigaw, hinawakan niya ito sa balikat pero nagwala ito, marahil sa tindi ng takot, ayaw magpahawak sa kanya. Nasa estado ng paranoia si Andrea, at walang ibang paraan kundi ibalik ang ulirat nito. Kailangan niyang sampalin si Andrea, pero parang ‘di nya kayang gawin, sa halip, inalog na lang niya ng malakas ang balikat nito.

“Andrea!!! Utang na loob, tumayo ka na, mamamatay tayo dito pareho pag ‘di ka lumayo sa kanila. Andrea! Gusto mo na bang mamatay!!!!”

 Marahil ay malakas pa sa sampal ang epekto ng sinabi niya. Bigla itong tumigil sa pagsigaw at tumitig sa kanya, basang-basa ang mata nito habang ‘di mapigil ang panginginig ng kamay. Hinawakan ni Nathan ang kamay ni Andrea na punong-puno ng dugo, hinatak ito at nagsimulang maglakad papalayo sa may-ari ng aso. Lumapit sila kay Michael, inalalayan nila itong dalawa habang walang tigil sa pagsigaw ang mga tao, karamihan ay nagkakagulo sa may pinto, sa liit ng kwarto na pinaglagyan sa kanila, hindi nila alam kung saan sila pupuwesto. 

“Saan tayo pupunta, Nathan? Di din nila bubuksan yung pinto….”, nanginginig si Andrea, halata pa din ang takot na binuhay ng nakita niya kanina.

“Nathan, may nakita akong storage room malapit sa nakuhanan ko ng oxygen, baka mas ligtas tayo dun.”, medyo humihingal na sabi ni Michael, habang tinuturo ang direksyon na kailangan nilang puntahan. Nasa gitna ng kuwarto ang may-ari ng aso habang patuloy na kinakagat ang lalaking nagtangkang tumulong kila Andrea kanina, kaya kung susundin nila ang direksyon na sinabi ni Michael, kailangan nilang tumawid sa babaeng may pulang mata na patuloy na kinakagat ang halos luray-luray na tiyan ng lalaki.

Napailing si Nathan, tumingin sa kanya si Michael, napatingin din sa kanya si Andrea. Naisip niya na sobrang delikado na dumaan malapit sa babaeng may pulang mata, at gusto niya sanang sabihin ito sa kanilang dalawa. Pero bago pa man makapagsalita si Nathan tungkol sa iniisip niya, panibagong sigaw ang narinig nila. Halos sabay-sabay na lumingon ang lahat sa pinanggalingan ng sigaw. Ang kanina ay naghihingalo nang lalaki na kinagat sa mukha ng aso, ngayon ay may pulang mata na din. Kinagat nito ang kamay ng isang bata na nakayakap sa nanay nito. Sumigaw ang nanay, dahil kahit anong hila niya, ayaw alisin ng lalaki ang pagkakakagat sa braso nito.

Muling lumayo ang mga tao sa gawi ng inaatake ng lalaking may pulang mata. Pakiramdam ni Nathan, ay mas nakupot na sila. Kailangan nilang pumunta sa storage room na nasa kaliwang bahagi ng kwarto, pero kailangan nilang daanan ang babaeng may pulang mata na kasalukuyang nasa gitna ng kwarto. Sa harap nila ay kasalukuyang inaatake ng lalaking may pulang mata ang isang kawawang bata, na sa tindi ng kagat ay nagsisimula nang humiwalay ang laman nito sa buto. Sa kanan nila ay nag-iipon ang karamihan ng tao, sa harap ng pinto na parang walang pag-asa na buksan. Gustong lapitan ni Michael ang bata para tulungan, pero pinigilan siya ni Nathan, habang si Andrea ay walang tigil na umiiyak. Sugatan si Michael, at sa tantiya niya, mas malakas pa ang bagong lalaking may pulang mata kumpara sa babaeng nilapitan ng dalawang maskuladong lalaki kanina.

“Ayun, may CR! Sa gilid… Dali!”

 “..Dali, magtago tayo sa CR….”

“…bilisan n’yo… takbo….”

 “…utang na loob, buntis ako, ako na lang ang pagtaguin n’yo dyan!…”

 “…pakiusap, parang awa n’yo na, pataguin nyo yung anak ko, kahit ‘wag na ako….”

Nag-uunahan ang halos lahat ng tao para magsiksikan sa kakapirasong CR na mukhang hindi pa kakasya ang tatlong tao nang sabay-sabay, ang sampu pa kaya? Nakita nila ang matandang lalaking tinulungan nila kanina, bumagsak ito sa sahig, marahil dala ng katandaan ay wala na itong lakas makipag-unahan at makipagsiksikan pa.

Iniwan sandali ni Nathan si Micahel kay Andrea para puntahan ang matanda at tulungan ito tumayo. Umiiyak naman ang matanda, marahil ay nanunuot na sa pagkatao nito ang takot na binubuhay ng kuwartong yun. Pagkatayo ni Nathan sa matanda, bigla namang naitulak sa gawi nila ang isang babae at batang lalaki, umiiyak ang babae at patuloy na sumisigaw na nakikiusap na hayaan ang anak niya na makasama sa magtatago sa CR, habang walang tigil naman sa pag-iyak ang batang lalaki at patuloy na nakayakap sa nanay niya.

Tinulungan ni Nathan tumayo ang babae, pero bago pa man tuluyang maitayo ni Nathan ang mag-ina, panibagong sigaw na naman ang umalingawngaw sa loob ng kwarto. Isang bagong pulang mata na naman ang lumabas. Ang babaeng nakagat ng aso ang kamay, ang asawa ng ikalawang pulang mata, ay nagsimula na ding magbago. Isa ito sa mga naunang pumasok sa CR, kaya nang bigla itong nagbago, ang CR na iniisip ng mga taong ligtas na lugar para pagtaguan, ay naging panibagong madugong parte ng kwartong yun. Hindi pa napopreseso ni Nathan ang nangyari nang biglang marinig niya ang boses ni Andrea, sumigaw ito at sinabing:

“Nathan!!!!!! Umilag ka!!!!!!”

Lilingon sana siya kay Andrea para tingnan kung ano ang sinasabi nito, nang makita niya sa gilid ng kanyang mata ang isang pares ng pulang mata na papalapit sa leeg niya. Biglang yumuko si Nathan, hindi siya naabot ng bibig ng babaeng unang nagkaroon ng pulang mata, pero sumabit ang nakausling buto nito sa damit niya. Nahila siya nito pabagsak, nawakwak ang polo niya.

“TAKBOOOOOO!!!!” buong lakas na isinigaw ni Nathan kila Andrea at Michael. Wala ng tanong-tanong pa, tumakbo ang dalawa papunta sa storage room na nakita ni Michael kanina. Dali-daling tumayo si Nathan, kinarga ang batang lalaki patuloy na umiiyak. Hinila niya sa kamay ang nanay nito na sa tantya niya ay halos kaedad lang din niya. Mabilis ang kilos ni Nathan, hindi niya alam kung dapat niyang ipagpasalamat na may isang babae ang aksidenteng nadamba ng muntikang kumagat sa kanya, at ito ngayon ang tuloy-tuloy na sinasakmal ng nagmamay-ari ng unang pulang mata.

 Pagtakbo ni Nathan, nakita niya yung matandang nawalan ng malay na tinulungan nila kanina; binitawan niya saglit ang pagkakahawak sa kamay ng nanay ng bata at tinapik ang matanda, nang makuha nito ang atensyon ng matanda, ay itinuro niya ang direksyon ng storage room, nakuha naman ito ng matanda, kaya dali-dali din itong tumakbo kasabay nila. Halos hindi na dumikit sa sahig ang paa nila habang mabilis na tumatakbo; hindi na lumilingon si Nathan, sa bawat patak ng pawis sa mukha niya, ay kasabay ang bawat dasal na sana ay ‘wag silang mamataan ng tatlong pares ng pulang matang kasalukuyang umuubos ng buhay ng mga nandoon sa kuwartong yun. At kung tama ang hinila niya, paglipas pa ng ilang minuto, tiyak na may madadagdag sa pares ng mga mata na yun.

Ilang hakbang pa at malapit na nilang maabutan si Michael habang inaaalalayan ni Andrea. Tumigil sila pagkalagpas sa tatlong duguang katawan na nilapa ng unang nagkaroon ng pulang mata, habang sa likod nila, tuloy-tuloy ang sigawan ng tao, ay iba ay patuloy na lumalaban. Humakbang papalapit si Andrea kila Nathan, akala niya ay aabutin nito ang kamay ng matandang lalaki na medyo hirap lumakad, pero nagkamali si Nathan, dahil lumagpas pa ito at patakbong bumalik sa pinanggalingan nila.

“ANDREAAAA!!! San ka pupunta!!! Magpapakamatay ka na ba!!!!???”, sigaw ni Nathan sa pagbabaka-sakali na mapipigilan niya si Andrea. 

“Kailangan ko silang tulungan! Sandali lang!”, walang lingon na sumagot si Andrea.

Nakalapit na si Nathan kay Michael, kasama ang mag-ina at ang matanda. Pero hindi sila makadiretso sa storage room dahil sa pag-alis ni Andrea.

“Michael… Michael… mauna na kayo… bilisan nyo…”, humihingal pa din si Nathan.

“Pero tol!”, buong pagtanggi ni Michael.

“Sige na! Kailangan kong tulungan si Andrea… at tsaka pilitin nyo humanap ng paraan para wag tayong pasukin ng mga halimaw na to, humanap kayo ng mga pwedeng ipangharang!…”, nakikiusap ang mukha ni Nathan.

Tumango si Michael, naintindihan niyang may punto si Nathan, magiging walang kwenta lang ang pagpunta nila sa storage room kung mapapasok lang din sila ng mga taong may pulang mata.

“Iintayin namin kayo ni Andrea, kahit anong mangyari, isasara ko lang yun kapag andoon na kayo sa loob…” pagkatapos ay hinawakan at pinisil ang balikat ni Nathan, kinakain na din ng takot ang ilang huling hibla ng pag-asa ni Michael.

Tumango si Nathan, at tumalikod upang hanapin kung saan nagpunta si Andrea. Tumakbo na din sila Michael, kasama ang mag-ina at ang matanda.

“Andreaaaa!!! Andreaaaa!!! Nasaan ka ba?”, halos hindi marinig ang sigaw ni Nathan sa patuloy na sigaw ng mga tao. Ang ilan ay pinipilit pa din makapasok sa CR. Nakita din niya ang pangalawang nagkaroon ng pulang mata na nakahandusay sa sahig, hindi na ito gumagalaw, pero sa bibig nito ay nakakabit pa din ang maliit na putol na braso. Kinilabutan si Nathan, akala niya sa pelikula lang niya makikita ang ganitong eksena. Namataan niya si Andrea, may akay itong babae, sa tanda niya, yun yung babaeng nagsabing buntis siya, katulong niya ang isang lalake, habang may kasunod itong babae na may akay na batang lalaki. Tumakbo palapit si Nathan, siya ang umalalay sa buntis, habang nilapitan naman ni Andrea ang mag-ina.

“Ano bang ginagawa mo Andrea!!! Gusto mo bang magaya sa kanila.” habang tiningnan niya ang nakahandusay na bangkay ng dalawang lalaki sa sahig.

“Kailangan ko silang tulungan, hindi nila alam kung saan pupunta…” humihingal pa sabi ni Andrea.

Biglang pasok ng hilakbot sa utak ni Nathan. Huminto at umikot ang mata, may hinahanap siya. Malakas ang sigaw ng memorya niya, na kanina bago niya lapitan ang grupo nila Andrea, tatlo ang bangkay na nasa sahig, dalawang lalaki at ang babaeng katulong ni Andrea na gagamot sana sa unang nagkaroon ng pulang mata. Nag-angat siya ng tingin, at tinakasan yata si Nathan ng lahat ng tapang na mayroon siya, nakatayo sa harap nila ang babaeng wakwak ang tiyan, unti-unting nalalaglag ang bituka nito, habang nakalaylay ang bahagi ng atay. Wasak ang tiyan ng babae, pero buhay na buhay ang mata nito, matang pulang-pula.

Sumugod ito palapit kay Andrea at sa mag-inang kasama nito. Masyadong maliksi ang babae, sa kabila ng nakalabas at nakalawit nitong lamang loob, parang wala itong iniinda…

“Andreaaa!!! Takboooo! Daliiii! Takboooo!!!!”, halos paiyak ng sabi ni Nathan. Pero mukhang huli na, hindi na yata sila makakaiwas. Mabilis na lumalapit ang babaeng may pulang mata, at dire-diretso ito sa direksyon nila Andrea, sa tapat ng pwesto ng batang lalaki. Bumitaw si Nathan sa buntis upang subukang pigilan ang babaeng aatake kila Andrea. Pero masyadong mabilis ang babae, aabutan sila Andrea.

Mabilis ang naging pangyayari, sasakmalin na ng babae ang batang lalaki ng biglang itulak ng nanay ang batang lalaki at si Andrea. Bumagsak ito sa sahig, parang gutom na asong sinimulang wakwakin ng babae ang tiyan ng nanay ng bata. Umiyak ng umiyak ang batang lalaki at nagwala sa pagkakakapit ni Andrea.

“…paki—- usap…. wag mong… papa—-ba—yaan ang… anak ko…..”

Yun ang utal-utal na sabi ng nanay ng bata. Tumango si Andrea habang patuloy na umiiyak. Halos pabulong na nagpasalamat si Andrea sa nanay ng batang akap niya, tinatakpan ni Andrea ang mata ng bata, kahit siya, hindi matanggap ng katinuan niya ang nakikitang paglasog-lasog ng katawan ng babaeng kanina lang ay kasabay nilang tumatakbo. Mabilis na ang naging kilos ni Nathan, kailangan nilang makarating sa storage room at maisara ito bago pa man mapansin ng mga may pulang mata ang destinasyon nila. Nasa harap na nila ang babaeng buntis at ang lalaking umaalalay dito.

Tinuro ni Nathan ang direksyon ng pupuntahan nila at dali-daling tumango ang lalaki, nakikita na nila si Michael at kumakaway ito sa kanila. Malapit ng makapasok ang buntis at ang lalaking umaalalay dito. Ng may kung anong pwersa ang nagtulak kay Nathan na lumingon. Paglingon niya, nakita niyang may isang lalaki ang tumatakbo papunta sa direksyon nila. Hindi siya maaring magkamali, yun ang lalaking muntikan ng makaaway ni Michael kanina, tumatakbo ito ng buong bilis, kasunod ang tatlo pang tao, isang babae at dalawang lalaki. Duguan ang tatlo, mukhang punong-puno ng kagat, habang malinis naman at parang walang galos ang nauunang lalaki. Muling nabuhay ang takot ni Nathan, dahil nakita niya sa likod ng mga taong tumatakbo papunta sa direksyon nila ay anim na pares ng pulang mata. Naging halimaw na din ang dalawang lalaki na nagtangkang tumulong kila Andrea kanina. Sa harap ng mga pulang mata ay nangungunang tumakbo ang babaeng nakagat sa kamay ng aso.

Lalong nilang binilisan ang pagtakbo, baka abutan sila ng grupo ng mga halimaw. Isa nga lang, hirap na hirap na silang takasan, paano pa ang anim na sabay-sabay aatake sa kanila?

Nakapasok na si Andrea at ang bata, masikip na sa storage room, inilabas na kanina nila Michael ang ibang laman nun para magkasya ang mas maraming tao. Sa bilang ni Nathan, siyam na silang lahat, kasama sila ni Michael na kasalukuyang nasa bungad pa lang ng storage room. Hinihintay nilang dumating ang apat na taong humahabol sa kanila.

Ngunit marahil dala ng dugong nawala at panghihina, inabutan ang dalawa sa tumatakbo, at sinimulang sagpangin at kitilan ng buhay ng dalawa sa anim na humahabol. Natirang tumatakbong ang dalawang lalaki, ang isa nga dito ay yung muntikan ng makaaway ni Michael kanina. Malapit na silang abutan ng mga may pula mata, medyo malayo pa sila sa storage room. Abot ang dasal ni Nathan, habang nanginginig naman ang kamay ni Michael habang nakahawak sa pinto ng storage room handang isarado ito sa hudyat ni Nathan, nag-iintay naman ang ibang nasa loob ng storage room upang itulak ang isang malaking filing cabinet kapag naisara na ang pinto.

Aabutan na ang dalawang tumatakbo palapit sa kanila, at sa gulat ni Nathan at Michael, sinipa ng ubod lakas ng lalaking muntikan makaaway ni Michael ang kasabay niyang tumatakbo, dinig nila ang tunog ng pagkabali ng buto nito na parang nasibak na kahoy. Bumagsak ito sa sahig at tuloy-tuloy na minura ang lalaking sumipa dito. Nagpatuloy sa pagtakbo ang lalaki papalapit sa storage room, habang ang bumagsak na lalaki ay sinagpang ng dalawa sa anim apat na humahabol sa kanila.

Pagdating sa storage room, pumasok ang lalaki ng walang kaabog-abog. Nakatulala si Nathan, habang nanginginig sa galit si Michael. Muntikan na nga niyang isara ang pinto at hindi papasukin ang lalaki kung di lang siya pinigilan ni Andrea.

“Nathan! Pumasok ka na! Isara na natin yung pinto! Ano bang ginagawa mo!!!!” yun ang sigaw ni Andrea na parang gumising naman sa pagkatao ni Nathan. Dali-daling pumasok si Nathan, isinara ni Michael ang pinto at tulong-tulong nilang inilagay ang filing cabinet. Malalakas na kalabog ang sumunod na narinig. Kalabog na naghahatid ng kilabot sa kanila. Parang sa bawat tunog noon, ay ang hudyat na anumang oras, maaaring sakmalin sila ng kamatayan. Maging matatag sana ang pinto para sa kanila. Sa ngayon, ang storage room lang ang magbibigay sa kanila ng kaligtasan, dumating sana ang tulong bago mahuli ang lahat.

author:  mga-sulat-kamay

p.e./mj