Dark Art  (Photo Credit:  Shopwithmemama)

Dark Art (Photo Credit: Shopwithmemama)

Nakatanaw siya sa labas mula sa maliit na bintana na may makapal na salamin at pilit inaalis ang yamot na kanina pa nya nararamdaman.

Bakit ba sa apat na oras na nandoon sila sa kuwarto na yun kasama ang mahigit benteng pasahero ng eroplanong sinakyan niya, eh hindi pa din sila pinapayagang makalabas? Kinuha pa yung mga cellphone nila, ano bang nangyayari? Wala silang makuhang sagot sa mga taong taga-airport na nagdala sa kanila sa kuwartong yun, lahat nang itanong nila ay “please remain calm and stay on this room until everything is settled…”.

Lecheng sagot, ‘yan na lang ang naibubulong niya sa sarili, tingin niya kasi para silang sirang answering machine, ‘di ba nila maintindihan na karamihan sa mga kasama niya sa kwartong yun ay mga OFW na sabik na sabik nang makita ang mga pamilya nila, pamilya na malamang ay malapit nang mapanis sa kahihintay sa labas ng airport. Mabuti na lang at sopresa lang ang pag-uwi niya, nagkaroon ng seminar ang kumpanyang pinapasukan niya sa Singapore, maagang natapos ang seminar kaya may tatlong araw pa sana siya para maglibot sa Singapore, pero pinili na lang niyang umuwi ng Pilipinas para makita ang pamilya niya. Tatlong araw lang siya dito sa Pinas at babalik na siya ulit sa Qatar, at sa asar niya, apat na oras na ang nasasayang sa kanya sa paghinto sa kuwarto na yun.

 Ilang sandali pa ng pagkaasar, isang lalaki na medyo may katandaan na ang biglang bumagsak sa sahig, nagkagulo ang mga tao at pinalibutan ang lalaki. May isang babae naman ang nagsimulang kumabog sa pinto, at sumisigaw na humihingi ng tulong.

Nagpapanic na ang mga tao, marahil sa yamot, kaba at pagtataka kung bakit sa napakatagal na oras, wala na ulit nakaalalang i-check ang kalagayan nila. Samantalang may isang may edad na babae ang nakalayo sa karamihan na may dalang maliit na aso. Parang diring-diri siya sa mga kasama niya.

 “Tol, tulungan mo na yung tao, wala yatang nakaririnig sa atin dito.” Nilapitan siya ni  Michael, nakilala niya kanina at nakakuwentuhan sa eroplanong sinakyan niya, nabanggit niya dito na nurse siya.

Tumingin siya kay Michael na parang naninimbang kung susundin ba nito ang sinabi nya, tapos nilipat niya ang tingin sa matandang lalaking matagal-tagal na ding walang malay sa sahig. Tumango si Michael, hindi niya ugali na ipagmagaling ang propesyon niya, pero sa ganitong pagkakataon, buhay siguro ang kailangan niyang sagipin.

“Wala po bang doktor dito?” bigla niyang sinabi gamit ang mas malakas na boses. Tumingin lahat ng taong nasa kuwarto na yun sa kanya, pero walang nagbigay ng senyales na nandoon sa kuwarto na yun ang hinahanap niya. Umirap pa ang babaeng may dalang maliit na aso.

“Nurse ako.”, isang babae ang nagtaas ng kamay, sa tantya niya ay kaedad lang niya. Ngumiti siya at tumango, at sinabing nurse din siya, at humiling na tulungan siya sa pag-assess sa matanda. Tiningnan niya ang pulso at paghinga ng matanda habang ang babae namang kasama niya ay tiningnan ang bag ng matanda kung may baon itong gamot. Hinala nila pareho, inatake sa puso ang matanda.

Walang pulso ang matanda, at hindi na din ito humihinga, dali-dali siyang nagbigay ng CPR. Breaths, tapos chest compression, ilang beses pa niya itong ginawa habang halata na kabado ang lahat ng nasa kwarto na yun, maliban sa babaeng may dalang aso na abot ang himas sa aso niya. Ilang minuto pa, naibalik niya ang pulso ng matanda. Sa paghahanap ng babaeng nurse sa bag ng matandang lalaki, nakita nito ang isang BP apparatus, glucometer at mga gamot para sa puso, high blood, mataas na blood sugar at cholesterol. Kinuhanan agad ng BP ang matanda, binigyan ng gamot sa pamamagitan ng syringe na nasa bag din. Maya-maya, dumilat ang matanda, parang noon lang nawala ang masikip sa baga ng karamihan ng taong andoon sa kwarto. Lumapit si Michael dala ang isang tangke ng oxygen, maliit lang ito sa karaniwan.

 “Saan mo to nakuha?”, tanong niya na may halong pagtataka.

 “Doon sa may tabi ng fire extinguisher, akala ko nga fire extinguisher din yan, baka kako magamit”, mabilis namang sagot ni Michael.

 “Oo, makakatulong to, pakihanap naman kung may nasal canulla o mask dyan, para mabigyan natin ng oxygen si tatay.”  nagulat pa siya na lahat ng tao eh kumilos para maghanap ng hinihingi niya, kahit sa tantiya niya eh wala pang lima ang nakaintindi ng hinihingi niya. Maya-maya bumalik ang babaeng nurse dala ang isang nasal canulla. Ikinabit nya yun sa oxygen at diretso sa ilong ng matanda. Nagpasalamat nang mahina ang matanda, tumango lang siya at ngumiti at inayos ang pagkakahiga ng matanda, binigay pa niya ang jacket niya para maging unan.

 “Ang galing mo ah, buti na lang andito ka, ‘di ko yata kaya kung ako lang mag-isa.” sabi ng babaeng nurse habang tinatapik-tapik pa ang balikat niya. Tumayo na siya at bumalik sa puwesto niya kanina malapit sa bintana habang naglalakad pasunod sa kanya ang babae.

“Naku, hindi naman. Mabuti nga andyan ka, dahil hindi ko din alam kung kaya ko ba kung ako lang mag-isa, limang taon pa lang ako nagpractice ng profession, at tatlo sa limang taon na yun, eh sa medical company ako nagtrabaho.”, umiling siya at ‘di napigilang mamula. Di talaga siya sanay na pinupuri, lalo at nanggagaling sa isang babae. Isang babae na ngayon lang niya napagmasdan nang husto matapos ang nerbiyos niya, maamo pala ang mukha niya, isang perpektong halimbawa ng deskripsyon ng anghel.

 “Basta bumilib ako sa’yo. Ako kasi two years pa lang sa practice. Clinic ako nagwork, kaya madalang ako maka-encounter ng ganitong emergency situation. Nga pala, Andrea.” sabay abot ng kamay niya. Natulala naman siya, nakalimutan nga pala niya magpakilala kanina.

 “Ah, Nathaniel, pero Nathan na lang, ang haba eh. Mas comfortable ako pag yun tawag sa akin.” sabi niya habang inabot ang kamay ni Andrea. Ngumiti din siya, saglit niya nakalimutan ang asar at yamot na naramdaman.

 Nagkwentuhan pa sila ng ilang minuto, ng lumapit sa kanila si Michael, ipanakilala din ito ni Nathan kay Andrea. Naging maayos naman na din yung lalaking nawalan ng malay kanina, nakalimutan nga pala niyang uminom ng gamot kanina, nag-aalarm daw kasi ang phone niya pag kailangan na niyang uminom ng gamot, kaso, kinuha nga sa kanila ang phone nila. Nagtataka pa din sila kung ano kaya ang problemang sinasabi ng nasa airport. Nagsalita ang lalaking nawalan ng malay, at sinabing may nabanggit daw sa kanya ang anak niyang nagtatrabaho sa paliparan na yun bago sila dalhin sa kuwarto na to. Dahil sa sinabi ng lalaki na yun, parang lahat ng tainga ay natuon sa kanya, kahit ang babae na may hawak na aso ay ‘di makapagkunwari na uhaw din sa balita at impormasyon.

“Nagbilin sa akin ang anak ko na wag itong sasabihin sa iba, pero dahil sa pagtulong ninyo sa akin… (saglit lumingon sa direksyon nila Nathan) …eh dapat siguro na malaman n’yo din ang alam ko. Kanina, kalahating oras sakto pagkatapos nating lumapag, may isang babae ang nagwala sa airport lobby.”

“O anong kinalaman natin dun?” mainit ang ulo na sigaw ng ilang tao sa kuwarto.

 “Puwede ba, patapusin nyo muna si tatay, sige, tatay, ano pa sinabi sa ’yo ng anak mo?” sagot naman ni Michael.

“Hindi daw karaniwan ang pagwawala ng babae, naglalaway to, humihiyaw, parang asong ulol. Lahat ng makita ay sinasakmal. Dalawa sa guard ang napatay nito matapos sakmalin sa leeg, isang bata daw ang kritikal, kinagat din ng babae nang ilang beses.”

Nakatulala ang mga tao at ang bawat mukha ay may kanya-kanyang ekspresyon na mahirap ilarawan. Ang iba ay takot, mayroon din naman pagtatanong at pagtataka. Pero si Nathan, nagsisimula nang iugnay ang mga nangyari sa nangyayari sa kanila ngayon.

“Eh bakit tayo nandito, kung nahuli naman na nila yung babae?, tanong ulit ng ilan sa nasa kwarto.

“Hindi ko alam kung bakit pati tayo nandito, pero walang nabanggit ang anak ko na nahuli na ang babae. Ang sabi lang niya, napakaliksi ng babae, may tama na ito ng bala, pero parang ‘di nakararamdam ng sakit, parang asong nasugutan pa nga daw, na lalong naging matapang. Kinikilabutan nga ako, at iniisip na malamang biro lang ito, pero hindi, hindi nagbibiro ng ganoon ang anak ko….”

Natahimik ang lahat ng tao sa kuwarto. Iniisip nila kung ano ba ang nangyayari sa mundo. Sa isip ni Nathan, nagsisimulang mabuo ang kaba, pero may parte pa din na nag-iisip na sana ay biktima na lang sila ng isang show sa TV, at sa oras na umiyak sila sa takot at magwala ay lalabas ang crew at kakalmahin sila. Pero hindi, totoo lahat ito. Hindi yun parang pelikula na napapanuod sa sinehan. Nagsisimula na siya kabahan. Nasa gitna siya ng pag-iisp nang biglang,

“…gwaaaaarrrrrhhh…. arf… arf….”

 “….aaaaaah!!! Stop it, mimsy… aaaaah.. stop it… it’s mommy… TULOOOOOONG…!!!! TULUNGAN N’YO KOOOOOO!!!…”

Biglang nalingon si Nathan sa pinanggalingan ng sigaw, at kasabay niyang nagulat ang higit bente pang tao sa kwartong yun, sakmal-sakmal ng maliit na aso ang leeg ng amo niyang babae. Pumupulandit ang dugo sa leeg niya na parang bukal ng tubig. Nagsigawan ang mga tao, nagkagulo, kanya-kanyang takbo palayo sa nagwawalang aso, na parang nasapian ng demonyo. Napansin ni Nathan, iba ang itsura ng aso kaysa sa una niya itong nakita kanina, nawala ang maamo nitong itsura, tila ito isang gutom na halimaw ngayon, na lalong pinatingkad ng matang ubod ng pula.

Inabot sa kanya ni Michael ang isang galon ng tubig na walang laman, marahil basyo to na ginamit sa water dispenser, habang hawak naman ni Michael ang isang plastic na upuan, dali-dali naming nilapitan ang asong ngumangasab sa leeg ng amo niya.

Ngunit bago pa sila nakalapit, nabuwal na yung babae, at pagbagsak niya sa sahig, tumakbo ang aso papunta sa sumunod niyang biktima. Tumalon ito at sinakmal ang kamay ng isang babae na nagtatago sa likod ng asawa niya, dali-dali siyang tinulungan ng asawa niya ngunit ito naman ang pinagbuntunan ng galit ng aso, kinagat ito sa mukha at kitang-kita nila kung paano bumaon ang maliliit ngunit matatalas nitong pangil sa isa sa mata ng lalaki. Napaupo na lang ang asawang babae habang ang lalaki ay bumagsak sa sahig sa tindi ng kirot na nararamdaman. Dali-daling kumilos si Michael at Nathan para tulungan ang lalaking inaatake ng aso. Nilapitan naman ni Andrea ang may-ari ng aso kasama ang isa pang babae. Tinalian nila ng panyo ang leeg nito na patuloy inaagusan ng pulang-pulang dugo.               

“Michael! Ingat ka sa aso, hindi ko alam kung tama ang kutob ko, pero basta ‘wag kang magpapakagat sa kanya. Kahit anong mangyari.” pabulong na sabi ni Nathan, na sinagot ng tango ni Michael.

Patakbo silang lumapit sa lalaki na sinasakmal ng aso, napuno ang kuwarto na yun ng hiyaw ng lalaking kasalukuyang humihiwalay na ang mukha sa ulo dahil sa kagat ng aso. Paglapit ni Nathan, hinampas niya ito ng galon, pero pesteng galon, tumalbog lang yata at ‘di man lang ininda ng aso. Binato ni Nathan ang galon at humanap ng puwedeng ipanghampas dito, habang nakatulala ang karamihan sa mga taong nandoon, gusto niyang sampalin ito isa-isa, pero mas mahalagang makakita siya ng magagamit para sa aso.

Nang marinig niya ang tunog ng parang nasibak na plastic, pag lingon niya, nakita niya na nakabagsak si Michael sa sahig, nadurog ng walang kahirap-hirap ang hawak ni Michael na upuang plastic.

Hindi maintindihan ni Nathan kung anong klaseng lakas mayroon ang napakaliit na asong yun, kayang-kaya niyang itumba ang kagaya ni Michael na ‘di naman kaliitan. Nagsimulang umandar ang panic sa utak ni Nathan, hawak-hawak ni Michael ang leeg ng aso habang buong lakas itong pilit inaabot ang mukha nito ay kumakalmot sa dibdib niya, duguan na ang puting polo ni Michael. Nataranta si Nathan, inihampas na niya ang kahit anong mahawakan ng kamay niya, malapit nang maabot ng aso ang leeg ni Michael. Ilang sentimetro na lang, napakaliit na lang ng pagitan sa buhay at kamatayan. Hanggang biglang tumilamsik ang masaganang pulang dugo. Tumigil ang pagsigaw ng mga tao sa paligid, humahagulgol si Andrea habang nakapasak ang jacket na suot niya kanina sa leeg ng may-ari ng aso na ‘di na kumikilos kahit katiting.

Tinulungang tumayo ni Nathan si Michael, matapos hawiin nitong ang katawan ng aso sa dibdib niya. Nakabaon sa katawan ng aso ang isa sa paa ng plastic na upuan, suwerte na naging matalim ang dulo nito matapos mabasag, nakita ito ni Nathan at buong lakas na ibinaon sa ulo ng aso. Tahimik silang lahat, kalahati yata ng kuwarto ay puno ng dugo. Nagsimula na namang magpanic ang mga tao, ang iba ay sinisipa na ang pinto, pero ‘di man lang ito natinag.

Madami ang umiiyak, isa dito si Andrea, nilapitan siya ni Nathan at inalo. Nang tumahan na si Andrea, si Michael naman ang tiningnan ni Nathan, binigyan niya ito ng t-shirt para mapalitan ang duguang polo, nakita ni Nathan na may mga sugat sa dibdib si Michael, mabuti na lang at hindi ito malalim. Pinuntahan ni Nathan ang babaeng nakagat sa kamay at tiningnan ang sugat nito. Buong pagtataka niyang tiningnan ang sugat dahil nagsisimula na itong mamaga at may lumalabas na kulay puting likido, kakulay ng laway ng asong umatake sa kanya.

“Anong nangyari?!”, nagsimulang magtanong at sumigaw ang mga tao sa kuwarto sa matandang lalaki na nawalan ng malay kanina. Umiiling-iling ang pobreng matanda. Sinimulang siyang lapitan ng mga tao, isang lalaki ang pabiglang humila sa matanda na naging dahilan para ito mabuwal. Hindi nakatiis si Michael kaya pumagitna ito sa matanda at sa lalaking humila dito.

“Brad, wag kang makialam dito ha. Kailangan kong malaman kung ano nangyayari dito.” galit na sabi ng lalaki habang tinutulak palayo si Michael.

“Brad, kahit patayin mo yung matanda ngayon, wala na siyang masasabi pa, nasabi na niya lahat…”, nagkikiskis na din ang bagang ni Michael sa asar sa lalaki. Napakakitid ng utak.

Ilang segundo pa ang lumipas, malamang ay nagbasagan na ng panga si Michael at ang lalaki. Nang biglang isang sigaw na naman ang narinig…

“…AAAAAAAAAAHHHHHH!!! AAAAAHHHHHHH! TULOOOOOONG!!! TULOOOOOOONG!!!!!…..”

Napalingon lahat sa gawi ng sumisigaw, at doble pagkagulat ang naramdaman nila kumpara sa kanina. Nakaupo si Andrea at halos pagapang na lumalayo sa babaeng may–ari ng aso. Hindi na ‘to nakahiga ngayon, bagkus ay tuloy-tuloy na sinasakmal ang tiyan ng babaeng katulong ni Andrea na gumagamot dito kanina. Wala nang buhay ang babaeng katulong kanina ni Andrea, at sapat nang ebidensya ang nagkalat na lamang-loob nito sa sahig, na sinasakmal ng parang gutom na asong akala nilang lahat ay patay nang may-ari ng asong may kagagawan ng lahat. Lumingon si Nathan sa sumigaw. Napaupo siya sa tindi ng gulat na naramdaman, ang babaeng nakagat sa kamay ay tumakbo palayo sa pinanggalingan ng sigaw at tumakbo sa likod ng karamihan ng tao.

Naiwang nakaupo si Nathan, napipi sa antas ng pagkabiglang naramdaman, at tulad ni Andrea, pagapang na lang siyang umuusad palayo sa tila sulyap sa impyernong malapit na nilang salubungin. Ayaw nang tanggapin ng utak niya ang nangyayari. Ayaw nang gumana ng common sense at logic niya. Ano bang nangyayari sa kwarto na ‘to?

(itutuloy….)

author:  mga-sulat-kamay

p.e./mj