Diary  (Photo Credit:  Harmonyusinc)

Diary (Photo Credit: Harmonyusinc)

Hindi ko na sana nanaisin pang gunitain ang mga nakaraan. Para kasing hindi madaling i-open up lalo’t nandito pa din ang sakit, pero ika nga… mas madaling maka-move on kung susubukan mong mawala sa anino ng kahapon.

Ako si Elizabeth. Pang-walo sa sampung anak ng nanay ko sa iba’t ibang lalake. Maaaring isipin n’yong puta ang nanay ko, mali..bugaw siya sa club ng kumare niya. Nagkataon lang na kada ma-inlove daw siya sa mga ama namin ay nabubuntis siya.

Dalawa lang ang nakilala ko sa mga kapatid ko kasi may muwang na ako noong nai-distribute sila ni nanay sa mga ama nila. Ganoon din ang pitong nauna sa akin, na-distribute na bago pa ako pinanganak.

In short, ako lang ang natira sa poder ni nanay dahil ang tatay ko lang daw ang walang kuwenta at adik. Naitanong ko nga kung ano pangalan ng ama ko, ayaw naman niyang sabihin. Pero ayos lang din yun kasi mabait naman ang nanay. Mahal niya ako. Kahit ganoon ang buhay niya dati, tinaguyod niya ako nang matino.

At nang makatapos ako ng highschool namasukan ako bilang tindera sa isang ukay-ukay. Doon ko nakilala si ate Luisa. May-ari sa kabilang store. Ang gaan-gaan ng loob ko sa kanya at talagang maganda siya. Lagi kaming nagku-kwentuhan. Lagi niya akong tinatanong tungkol sa buhay ko, tungkol kay nanay at isinusulat niya sa maliit na notebook na para ba siyang newscaster. Naging malapit kami sa isa’t isa sa mga lumipas na buwan.

Para kaming mag-bestfriend kahit malaki ang agwat ng edad namin. Ang pinagtataka ko lang, kada aayain ko siya para ma-meet si nanay, lagi siyang may dahilan. Para bang ayaw niya makita ang nanay ko, pero binalewala ko yun.

Isang araw, nagulat na lang ako nang tawagan ako ng kapitbahay namin. Si nanay, patay na daw. Over-dose sa pills. Noong una, ‘di pa ako naniwala. Imposible. Bakit niya gagawin yun..hanggang totoo pala. Palaisipan sa akin yun. Bakit? Bakit ako iniwan ni nanay? Noong mga oras na yun, si ate Luisa ang naging karamay ko. Nandiyan sya sa tabi ko hanggang mailibing ang nanay. Sa kanyang balikat ako umiyak noong time na parang gusto ko na ring sumuko, si nanay lang kasi ang pamilya ko. “I’m sorry..I’m so..sorry..” paulit-ulit na sinasabi ni ate Luisa sa akin.

Ilang buwan ang nagdaan, ‘di na bumalik ang dati kong sigla. Lagi na lang gusto kong mapag-isa. Kahit si ate Luisa na gustong-gustong makipag-usap sa akin..tinatanggihan ko.

Hanggang may matanggap akong package sa LBC. Nakapangalan sa lalake na kaapelyedo ni ate Luisa. Pagbukas ko, nakita ko ang notebook ni ate, yun yung sinusulatan niya dati. Sa harapan nun naka-paskil ang name ko, name niya at name ni nanay. Kinabahan ako bigla. Sinimulan kong basahin hanggang halos nanlalabo na ang mata ko sa luhang maya’t maya’y pumapatak sa mata ko.

Si ate Luisa..si ate Luisa..kapatid ko. Nakapaloob sa notebook na yun lahat ng katotohanan. Kung paano niya isumpa ang nanay. Kung paano niya pinanalanging mamatay na si nanay at kung paanong kinausap niya si nanay, isang araw bago nagpatiwakal ang nanay. Sinulat din niya ang pagsisisi niya. Ang kapatawaran sa mga nasabi niya kay nanay. Unti-unti kong nauunawan, nasagot ng notebook na yun ang mga katanungan ko..kaya pala..yun pala yung reason..kapatid ko pala siya. Para akong hihimatayin. Halos ‘di ako makahinga habang pinagpapatuloy ko ang pagbabasa. Ang huling pahina ang nagpatindi ng iyak ko..

“Mahal kong Elizabeth,

Sa oras na matanggap mo ang diary ko na ito, isa lang ang sigurado..wala na ako sa mundong ito. Patawad. Hindi ko sinasadya. Isa lang ang pakatandaan mo…isa sa pinakamasayang sandali ng buhay ko noong ako’y tinanggap mo bilang kaibigan mo. Di kita malilimutan.

Paalam,
Luisa”

Pinuntahan ko siya at nalaman ko sa father niya na nagpakamatay siya. May suicide note na nakikiusap na  ipadala sa akin ang diary niya. Huli na ang lahat. Kung ‘di sana ako nagmukmok at kinausap ko sana ang ate Luisa baka di nangyari yun.Marahil ay ‘di niya maiisipang magkamatay.

At ngayong taon na to’, ika-limang anibersaryo ng pagkawala nila nanay at ate Luisa. Balak kong umuwi na sa atin sa Pinas para personal na ipagtirik sila ng kandila. Tatlong taon na din mula nang mapunta ako dito sa Cyprus. Para mapanatag na ako, balak ko din ibaon sa lupa katabi ng puntod ni nanay ang diary ni ate.

author:  Ma. Joy Clarizza Alberio

p.e./mj