Number  1 Tatay  (Photo Credit:  Zazzle)

Number 1 Tatay (Photo Credit: Zazzle)

Hindi nalalaos ang mga joke na “wala kayo”. Wala kayo sa lolo ko, sa tatay ko, sa tita, tito at kung sino-sino pang kamag-anak. Pero dahil Father’s Day ngayon, wala akong balak magloko. Seryoso mode ito. Totoong mga nangyari ang mga bagay na ikukwento ko. Sa sobrang totoo nga, kahit pa mga alaala na lang ay parang nangyayari lang sila ngayon sa harap ko. Isa lamang babala, kung ayaw niyong mahiya ang mga tatay niyo ay tumigil na kayo sa pagbabasa. Kung sa tingin niyo naman ay mas magaling ang mga tatay niyo sa tatay ko ay tumuloy lang kayo at kayo na ang humusga.

Wala kayo sa tatay ko. Grade two lang ang tinapos pero pang Psychologist ang talino.

Sa mga salita ni Melanie Marquez, “pro-accident” ako nung bata. Palagi akong nadidisgrasya. Lalo na’t may kinalaman sa mga bagay na babasagin. Baso, bote, salamin. Walang nakakaligtas sa akin. Lagi din tuloy akong nabubukulan at nasusugatan. Kaya naman lumaki akong takot sa mga bagay na madaling masira. Lalo na yung mga hindi sa amin. Mahirap lang kami. At alam kong wala kaming pambayad o pamalit sa mga masisira ko

Isang araw, dinala ako ng tatay ko sa restaurant na pinagtatrabahuhan niya sa Binondo. Waiter siya dito. Pinakain niya ako ng mami at tai pao kung saan ako pinaglihi. Sa paligid ng kinakain ko ay maraming baso. Lahat puno ng tubig. Lahat babasagin. Ganon na lang ang takot na naramdaman ko. Paano kung makabasag ako? Ganito ang sinabi ng tatay ko sa akin, “Anak, ayos lang yan. Walang kaso kahit ilan pa ang mabasag mo, dahil dito ako nagtatrabaho. Ako’ng bahala sayo.” Yun ang unang psychological therapy na natatandaan ko sa buhay ko. Pagkatapos noon ay tinoka niya akong maghugas ng pinggan tuwing hapon sa bahay. Naging mas komportable at tiwala ako hindi lang sa paghawak o paggamit ng mga bagay kundi pati na rin sa aking sarili. Lagi kong naiisip. Bahala ang tatay ko sa akin.

Wala kayo sa tatay ko. Mula sa pagiging basurero ay naging misyonero.

Parehong elementary lang ang naabot ng mga magulang ko. Pero sa layo ng narating nila sa buhay, hanggang ngayon ay nagtataka pa rin ako. Hindi ko na isasali si Nanay. Sa Mother’s Day na lang yun siguro. Mula sa pagpupulot ng basura, naging palero si Tatay. Factory worker, waiter at marami pang hindi ko na matandaan. Hanggang naging bahagi siya ng isang international ministry para sa mga mahihirap na kabataan. May feeding program, at student sponsorship.

Naging kasangkapan siya para makatulong sa maraming nangangailangan. Hindi kami yumaman, pero nakita ko naman kung gaano kaastig ang tatay ko. Dinaig pa niya ang mga politiko.

Wala kayo sa tatay ko. Isang tunay na hero.

Ito ang pinakamalinaw na natatandaan ko. Parang eksena lang sa pelikula kung saan pinigil ng bida ang nag-aamok na tambay at pagkatapos ay sinagip niya nung nagtangka itong magpakamatay. Nakatira kasi kami noon sa isang kwarto sa ikalimang palapag ng isang gusali sa Tondo. Normal lang ang mga naglalasing at nag-iingay doon. Pero isang araw, merong lasing na kapitbahay kaming nagwala. Meron siyang hawak na patalim. Lakas loob na inagaw yun ni tatay para walang ibang taong masaktan. Kaso, nung nakaalpas sa pagkakahawak niya yung mama ay biglang nag-akma itong tatalon. Maagap naman niya itong napigilan at inilayo sa kapahamakan. Palakpakan! Totoong may pumalakpak. Bayani ang tatay ko nung araw na yun. Hindi lang sa mata na kanyang pamilya.

Wala kayo sa tatay ko. Binantayan, sinuportahan at prinotektahan niya ako nang todo.

Noong magtatapos ako sa high school, nagkaroon ako ng isyu sa class adviser. Hindi ako tinatrato nang wasto. Meron siyang paborito. Kahit pa nanguna ako sa klase sa buong taon, wala daw akong matatanggap na parangal sa graduation. Pero hindi nangyari yon. Nagsisimula na akong pumasok sa kolehiyo noong nalaman ko mula kay Nanay na kinausap pala ni Tatay ang Principal. Ang mahiyaing tatay ko. Isang pagkakataon lang yun sa maraming beses na nasorpresa niya ako. Noong nagtrabaho ako ng part-time sa isang fast food chain bilang Marketing Assistant, pumupunta siya kung may pera. Tapos ay oorderin niya ang pinakamahal na burger sa menu. Hindi man niya direktang sabihin, alam kong paraan niya yon ng pagsuporta sa akin.

Apat pa lang yan ha. Pero siguradong bilib na bilib na kayo. Kaya’t hindi ko na itutuloy at naiiyak na rin ako. Sa akin na lang siguro ang iba pang dahilan kung bakit walang-wala kayo o ang mga tatay n’yo sa tatay ko. Nakalulungkot lang, dahil wala na siya. Nilisan na niya ang mundo. Siguro kasi, masyado siyang mabait para dito? Siguro kasi, maaga niyang natapos ang gampanin niya at kinailangan na niyang umuwi sa tunay nating tahanan. Kaya ngayon, ang natitira na lang sa akin ay ang alalahanin at ipagyabang sa iba ang mga ginawa niya. Salamat na lang at nag-iwan siya ng napakaraming dahilan para maalala. Hindi na nga namin siya kasama, pero hindi siya patay. Dahil ang namamatay lang ay ‘yung mga nakalilimutan.

Ang galing no? Huwag kang mag-alala. Kung tatay ka at humihinga pa, marami pang pagkakataon. Ipakita mo sa anak mo kung gaano mo siya kamahal. Madalas kasi ay sa aspetong ito nahihirapan ang mga tatay. At mamuhay ka sa paraang marangal. At kung anak ka naman na kasama pa ang iyong ama, pag-ukulan mo siya ng atensyon. Baka naman marami siyang dakilang gawain na hindi mo lang napapansin. Buong buhay mo ngang kadikit ang iyong magulang, pero kumpara sa kawalan na madarama mo kapag sila’y umalis na, tuldok lang yun. At hindi man maiiwasan ang pangungulila, maiiwasan naman ang panghihinayang.

author:  alders

p.e./mj