Sino ang dapat Mahalin?   (Photo credit:     Marcie-theartoffallinginlove.blogspot)

Sino ang dapat Mahalin? (Photo credit: Marcie-theartoffallinginlove.blogspot)

Napupukaw ang aking damdamin kapag nanonood na ako ng mga telenobela sa magkabilang istasyon. Kung saan lahat sila numero uno, bakit ba walang umaangkin sa ranggong numero dos? Kung may sarili lang akong istasyon, sa ‘kin na lang yung rank 2, wala pa akong kaagaw, diba? Pero aminin natin na nadadala talaga tayo sa bawat eksena na napapanood natin, mapa love story, drama, bakbakan o kung anu ano pa. Minsan napapasigaw ka kasi may ipagtatapat na yung bida tapos biglang toinks! Commercial break, tapos ang palabas, abangan bukas. Kasi nakakabitin nga naman, di ba?

Sino nga ba ang mas mamahalin mo? Yung taong nakasanayan mo nang mahalin sa mahabang panahon o yung taong nararapat sa pagmamahal mo? Biglang kumatok sa aking isipan ang katanungang iyan. Sa tingin ko, hanggang sa ngayon marami pa rin sa atin ang hindi kayang sagutin ang tanong na ito. Siguro dahil sa takot na baka makasakit sila oh kaya naman sila ang masaktan. Bakit nga ba kasi ganun? Bakit kailangang may pumatak pang mga luha? Bakit kailangang may masaktan? Hindi ba puwedeng masaya na lang lahat?  Totoo nga bang true love really hurts?

Nung una, aaminin ko, ilang beses akong nadapa. May patagilid, may patalikod at meron pasubsob. Gapang na lang siguro ni Sadako hindi ko nararanasan. Ilang beses rin akong napagtawanan. Pero kahit ilang beses ako nadapa, naka smile pa rin akong bumabangon para sumubok sa hamon ng buhay. Hindi naman kasi mukhang tanga ang madapa, ang mukhang tanga ay yung nadapa ka pero hindi ka na ulit bumangon pa.

Ouch! Kanina pa ako pinapapak ng lamok dito sa kinauupuan ko. At aaminin ko, ang sakit ng kagat, lalo na kapag kinakamot ko. Ibig sabihin ba nito nagmamahalan kami? Masarap kayang makipag lips to lips sa lamok? Wala lang naitanong ko lang. Virgin pa siguro yung lamok na napatay ko. Nagdudugo eh.

Alam mo ba ang pagkakaiba ng gasolina sa fishball? Ang gasolina  kapag laging nagmamahal, nagagalit tayo at nagproprotesta. Eh ang Fishball? Kahit kailan hindi nagmamahal, pero ito pa yung madalas nating tangkilikin. Sabi nila kapag mahal mo, hindi ka naman mahal. Tapos kapag mahal ka, hindi mo naman mahal. Bakit nga ba ganoon? Para sa ‘yo ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pagmamahal?

Sa buhay ng tao, kung ang papansinin mo lang ay puro kalungkutan, hindi mo mararamdaman ang sarap ng pagiging masaya kapag nagmamahal ka, pero kapag papansinin mo lang ay puro kasiyahan, hindi mo mararamdaman ang sakit ng pagiging malungkot. I know it was both vital na maramdaman pareho. Ano ang mas gusto mo? maging masaya o maging malungkot. Nakadepende yan sa bagay na binibigyan mo ng attensiyon.

Lahat tayo ay may kanya-kanyang nararamdaman. Nasa sa atin na kung paano natin papakiramdaman. Puwede mong ipagpaliban, puwede mong paghandaan, puwede kang umiwas, puwede mong ayusin, pwede mong dahan-dahanin pero ang hindi mo puwedeng gawin ay takasan ang mga ito. Dahil hahabulin ka nito kahit saan ka pa magtago. Kung tunay kang nagmamahal at nasaktan ka, ‘wag ka malungkot, dapat nga matuwa ka kasi alam mo, mahal ka ng Diyos. Gusto lang Niya na lumapit ka sa Kanya.  Ang unang paraan ng pagiging masaya kapag nagmamahal ka ay ang pag-alam sa mga bagay na makakapagpasaya sa ‘yo.

Masarap magmahal kung ikaw lang ang mahal niya, masarap magmahal kung talagang seryoso kayo sa isa’t isa, pero wala nang sasarap pa kung sasabihin niya, alam mo kuntento na ko sa ‘yo. Napakahirap minsan na kalimutan ang taong minsang nagbigay ng pagmamahal nila, kahit alam mong masakit, nagmahal ka ng iba, kahit alam mong hindi mo kaya. Alam mong may dahilan ang lahat. Dahil sa mga oras na binabaliwala mo siya, nakakasakit ka na pala.

Sino nga bang dapat mahalin? Para sa akin hindi mo naman kailangan mamili kung sino talaga ang dapat mong mahalin. Puwede mo namang mahalin lahat. Magmahal ka lang nang magmahal hanggang kaya mo. Love as many as you can. Sabi nga ni Lord mahalin din natin kahit mga kaaway natin. Just to make things clear, hindi porke’t sinabing mahal mo ibibigay mo na ang katawan mo. Give love to everyone, but your body to only one. Sa ganitong pamamaraan, wala nang masasaktan,  wala nang luhang papatak dahil sa hinanakit. And it even answers the question, kung totoo bang true love really hurts.   Ang sagot, it was the absence of love that hurts. Ironically, it is also love that can take all the pain away.

author: kelvinjonas

p.e./mj