Fatherhood    (Photo credit :  Graphics99)

Fatherhood (Photo credit : Graphics99)

Ang dami kong gustong sabihin sa ’yo. Ang dami ko ring gustong maitanong sa ’yo. Subalit, tila pininipigilan ako ng aking mga luha para kausapin ka. Ang sakit isiping hindi ka kapiling ngayon. Ang sakit isiping nand’yan ka lang, ngunit malayo ka pa rin.

Kung bibigyan ako ng chance para humiling ng kahit ano, hihilingin ko na sana kumpleto ang pamilya natin. Hihilingin ko na sana normal ang aming pamilya. Isang umaga na habang kaming dalawa ng kapatid ko ay naghihintay ng almusal na iniluto ni Mama. Ikaw na papasok sa trabaho para buhayin kami nila Mama. Ikaw na tutugon sa pangangailangan ng pamilya. Ikaw na magtatanggol sa amin ng kapatid ko sa tuwing may umaaway sa amin. Ikaw na aakyat sa stage at magsasabit ng medal ko sa akin. Ikaw na tatanggap ng una kong sahod kasama ni Mama na nagpaaral sa amin. Hindi sa nangsusumbat ako, subalit gusto ko lang isipin kung ano kaya ang pakiramdam ng may isang ama?

Masarap kayang lumaki sa isang ama? Isang ama at isang ina lang naman ang kailangan ko. Sa madaling salita, isang pamilyang kukumpleto sa buhay ko at ng aking kapatid. Nalulungkot ako sa tuwing may nakikita akong mga batang may kumpletong pamilya. Hindi ko maiwasang mainggit sa kanila. Naisip ko na sana ako din mayroong isang pamilyang gagabay at poprotekta sa amin. Isang pamilya na kasama ko sa hirap at ginhawang ibibigay ng buhay. Pamilyang buo at matatag.

Subalit, tila iba ata ang iginuhit ng tadhana para sa aming magkapatid. Bagamat wala kaming ama, mayroon naman kaming isang napakabuting lola na sa amin ay nag-aruga. Mayroon din kaming napakamapagmahal na ina na sa amin au umakay. Mayroon din  pala kaming isang tiyahing napakabuti. Masuwerte pa rin naman ako na kahit wala akong itinuring na ama, ipinagmamalaki ko kung anong klase pamilya ako kabilang. Isang pamilyang walang ibang inaasahan kundi ang nasa itaas.

Sa darating na Araw ng mga Ama, gusto ko lang pong ipaalam sa inyo na kahit malayo po kayo sa amin, nandirito pa rin kayo sa aming puso. Ang munting mga alaala na iniwan niyo sa amin nang bata pa kami ay lubos po naming inaalagaan sa kaibuturan ng aming puso. Mahal po namin kayo.

Kahit hindi n’yo sabihin, naniniwala po kaming kami’y mahal n’yo din. Naniniwala din po kaming kami ay kasama ninyo sa inyong puso. Okay lang naman sa akin na hindi niyo mabasa ang sulatin kong ito. Masaya na akong mabati kayo ng isang masigabong Happy Father’s Day! Hindi ko man maintindihan ang paghihiwalay n’yo ni Mama, alam kong sa isang punto ay minahal pa din po ninyo kami.

author:  imtheweirdapple

p.e./mj