Death      (Photo Credit:   Alsirat)

Death (Photo Credit: Alsirat)

Kaka-attend ko lang ng isang funeral Mass; namatay kasi ang tiyuhin ko.  Nagising ang anak  na hindi na makahinga ang  tatay n’ya dahil sapul pa ng kabataan niya ay mayroon na siyang asthma at mahilig din sa alak.  Sabi nga ng mga kapitabahay ko, suwerte pa rin tiyo ko kasi tumagal siya ng 67 years old kahit marami na siyang komplikasyon…

Habang nakikinig ako sa Homiliya ng Parist Priest, nakapag-isip ako. Handa na ba ako sa ganitong pangyayari???? Sabi nga ni father, sa bawat  iisilang, asahan natin na mamamatay din siya…

Sino ba ang makapagsasabi sa atin kung kailan babawiin ng Maykapal ang pahiram niyang buhay… Naiisip n’yo na ba rin kung isang araw paggising n’yo  ay iba na ang nakita n’yo sa inyong mga paligid???   Ito ba ang tinatawag nilang langit, purgatoryo o impiyerno????  Handa ka na ba???

Mahirap sa isang tao ang mawalan ng isang pamilya; lalo na’t hindi  handa sa pangyayari ng kanyang biglang pagkawala dahil sa aksidente, pagkamatay sa karamdaman o kahit natural death nating tinatawag. Pero wala tayong magagawa dahil hindi natin hawak ang ating buhay. Sabi nga, ano pa man eh, doon tayo lahat patungo.

Habang nasa atin pa ang buhay na pahiram, gawin na ang dapat ngayon at huwag nang ipabukas pa. Gumawa ng mabuti sa kapwa; ipakita mo sa iyong pamilya na mahal mo sila, humingi ng patawad sa mga taong nasaktan, magpasalamat sa bawat biyayang nakakamtan dahil hindi natin alam kung ang bukas ay muli nating masisilayan…

Nakatatakot kung iisipin, pero sabi ko nga ‘di ako takot mamatay, huwag lang ngayon, Diyos ko… handa na ako para sa aking sarili na humarap sa inyo, Ama, pero ‘di pa ako handa sa mga taong iiwan ko. Anong sarap na kapiling Ka na, makakamtan ko na ang wagas na ligaya, walang problema na haharapin sa iyong kaharian, pantay-pantay lahat kami sa iyong piling, at ang tunay na ginhawa sa aming kaluluwa ay lmalalasap na.. (para lang po ‘to sa mga taong pupunta sa langit …LOL..)

Ngunit paano ang iiwan ko??? Hindi ako tunay na sasaya sa piling mo o Diyos ko kung makikita kong nahihirapan ang mga taong mahal ko sa paglisan ko sa mundong ito.. ang anak ko sa murang edad niya, kailangan pa ang aking pag-aaruga, pagmamahal at gabay sa paglaki n’ya… Kawawang bata kung ang isang ina ay mawawala agad sa paningin n’ya; paano ang gabing giniginaw siya na bukod tanging init ng aking mga yakap ang nakapagpapatulog sa kanya. Ang aking asawa na ‘di lang ako katuwang kundi isa rin n’yang kaibigan, handa na ba siyang mag-isa at maging isang ina at ama??? Paano sila?? Paano???

Napakahirap pero kailangan nating tangapin, bawat segundo, minuto at araw ng ating buhay ay nakasalalay sa Poong maykapal.   Siya na pinakamakapangyarihan sa lahat…. Bakit niya babawiin ang buhay na pahiram sa atin kung nakikita naman n’yang nagiging mabuting kang anak  at minamahal mo ang iyong mga kapatid??? Ginagamit mo nang tama ang mga talentong binigay Niya sa ‘yo… Hanggang may silbi ka sa mundong ito at gumawa ka nang ayon sa kanyang mga utos, naniniwala ako na ipahihiram sa atin ng Panginoon ang mas mahabang buhay …

Kaya ‘di ako takot mamatay ,huwag lang po ngayon… salamat po!

author:  angela

p.e./mj