Pacman  (Photo Credit:  Facebook)

Pacman (Photo Credit: Facebook)

Dalawang katangian na nakita ko sa pambansang kamao Manny “Pacman” Pacquiao nang talunin siya ni Timothy Bradley sa kanilang laban kahapon, ika-10 ng Hunyo, taong kasalukuyan. Sino ba ang mag-aakalang sa dami ng nakalaban niyang mas malakas, mas may pangalan at mas may malaking pagkakataon na matalo siya ay kay Bradley pa siya magugupo?

Isa akong tagahanga ni Manny at sa tuwing siya’y may laban, iisa lang ang hangad at panalangin ko, ang siya’y manalo. Hindi lang sa kadahilanang ito ay isa na namang karangalan sa ating bansa ngunit sa tuwing siya ay nananalo, may naihahatid itong aral sa bawat mamamayang Pilipino.

Hindi na lingid sa karamihan ang naging buhay ni Manny bago siya sumikat. Galing sa mahirap na pamilya sa General Santos City, nakipagsapalaran sa Maynila upang mairaos ang sarili at pamilya. Naging tanyag sa napiling karera at ngayon at patuloy na tinatamasa ang tagumpay dahil sa angking sipag, tiyaga at pagsisikap. Kabi-kabila man ang pang-aalipusta at intriga, hindi siya natinag at patuloy na ipinakita ang kakayahan at lakas ng loob na harapin ang pagsubok ng buhay. Naging mukha si Manny ng pag-asa sa nga taong hangad rin ang matiwasay na pamumuhay. Anila, kahit hindi na marangya gaya ng sa kanya, basta maayos at mairaos din ang pamilya.

Ngunit sa pagkatalong ito ni Manny, kasama na rin bang naglaho ang pag-asa ng mga tagahanga niya? Maraming tanong sa aking isipan, bakit ngayon pa kung kailan marami na siyang napatunayan, kung kailan siya’y nasa rurok na ng tagumpay? Kailangan na ba niyang magretiro? Kailangan na ba niyang tumigil?

Isang bagay ang napansin ko kay Manny sa pagkakataong ito. Hindi man siya nanalo, naging positibo naman ang pananaw niya sa nangyari. Sa halip na manlumo, nandoon pa rin ang kumpiyansiya niya sa sarili. Nirespeto niya ang desisyon ng mga hurado. Hindi niya kinwestyon ang hatol ng mga ito. Sa halip na magalit, binigyang-puri niya si Bradley. Ilan lamang ito sa mga bagay na gusto niyang ibahagi sa ating mga tagahanga niya.

Sa ating buhay, darating ang pagkakataon na makakaranas tayo ng pagkabigo. Sa hamon ng buhay, maaari tayo’ng matalo. Sa ating pagtakbo, maaari tayo’ng madapa. Ngunit gaya ni Pacman, dapat hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Dapat manatili ang pagiging positibo at bukas ang puso’t kaisipan sa pagtanggap ng kabiguan. Hindi dapat tayo pinapangunahan ng emosyon bagkus ng katatagan at kapayapaan sa oras ng pagsubok. Patuloy lang ang buhay dahil bahagi ito ng dakilang plano Niya sa ating lahat. Manalig tayo sa Maykapal gaya ng pananalig ni Manny.

author:  ako si Riggs

p.e./mj

Enhanced by Zemanta