“Happy Father’s Day!”

Nalalapit na ang araw ng mga tatay. Yung iba naghahanda na sa kung ano ang

Father  (Photo Credit:  Hindismsfree.org)

Father (Photo Credit: Hindismsfree.org)

ireregalo nila at kung ano ang ibibigay nila sa tatay nila. Ipapasiyal ba nila ito o kakain sila sa labas? Yung iba naman, gumagawa ng sulat o card na ipapadala dahil nasa ibang lugar yung ama nila. Nire-ready na din nila ang internet connection para sa video call na gagawin nila sa susunod na Linggo. Ako? Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

Paano mo ba sasabihin ang mga salitang “maligayang araw ng mga tatay!” sa isang taong hindi mo alam kung naiisip ka pa? Paano mo maipaparating ang mga mensaheng gusto mong sabihin sa kanya kung hindi mo alam kung paano siya kokontakin? Paano mo masasabi yung mga salitang “I love you, Papa!” kung wala naman siya para marinig ito? Paano mo siya babatiin kung hindi naman siya naging isang ama sa iyo? Paano nga ba iyon?

Nakapagtapos ako ng elementarya, high school, pati college nang hindi niya nakikitang umakyat ako sa stage para tanggapin ang Diploma ko. Ni isang picture na magkasama kaming dalawa wala ako. Ni isang sulat, wala siyang binigay. Hindi ko alam kung naiisip din ba niya kami. Hindi ko alam kung nahihirapan din ba siya minsan sa sitwasiyon. Wala akong alam sa kanya. Buong pangalan lang, kaunting ala-ala sa kanyang mukha, kapirasong tinig ng kanyang boses. Yun lang yung meron ako. Yun lang ang alam ko tungkol sa kanya.

Meron akong naaalala, isang dekada na ang nakalilipas. Hiniram niya kami nun kay mama at ipinasiyal sa isang amusement park. Doon, akala ko makikilala ko na siya ng lubos. Akala ko unti-unti na siyang magbabago at gagawa siya ng paraan para makasama-sama kami. Pero pagkatapos nun, hindi na siya nagparamdam. Parang dumaang hangin lang. Parang isang alikabok na nakakapuwing na biglang nawala sa pagpikit ko. Parang isang bula sa banyo na mabilis di’ng pumutok. Ganun kabilis… ganun kabilis naglaho yung pakiramdam na nakasama ko yung ama ko.

Sa totoo lang, galit ako sa kanya. Lahat naman yata ng anak kapag may nagawang kasalanan ang kanilang ama, eh magagalit sila dito. Pero sabi ni mama, hayaan ko na lang daw. Huwag daw akong magtanim ng galit. Kasi kahit anong gawin ko, baligtarin man ang mundo, siya pa din ang ama ko. Oo alam ko iyon. Alam na alam ko iyon, ang akin lang, naiinggit ako sa ibang kabataan na merong ama.

Minsan, naisip ko, ano kaya ang pakiramdam na may susundo sa iyo sa hating gabi sa may kanto kapag late ka nang umuwi? Ano kaya yung feeling na mayroong isang lalaking ipagtatanggol ka sa mga taong nananakit sa iyo? Ano kayang pakiramdam na mayakap ka ng ama mo? Ano kaya ang pakiramdam na iyon?

Nasaan ka na kaya? naiisip mo din kaya kami? Sa sobrang tagal na nating hindi nagkikita, mamumukhaan mo pa kaya ako halimbawa kapag nagkita tayo sa daan? Ano kaya ang magiging reaksiyon mo? Kakausapin mo kaya ako?…

…nangungulila ka din kaya sa amin?”

author:  rizzamaruja

p.e./mj