Ikaw ba ay Seaman? Malamang ay makaka-relate ka dito. O baka may kakilala kang Seaman? Kapatid, kaibigan, kabiyak, kabarkada, kakosa na Seaman? Ngayon ang pagkakataon mo na malaman kung anong buhay meron sila! Basahin natin kung anong sakripisyo ang binubuwis nila!

Fighting the Waves  (Photo Credit:    Neosurrealismart)

Fighting the Waves (Photo Credit: Neosurrealismart)


ABaKaDang Sakripisyo ng Isang Pinoy Seaman [PART 1]

A – Alon

Naitanong mo na ba sa akin kung gaano kalaki ang alon sa labas ng bansa? Kung gaanong lakas ng alon ang humahampas sa barkong sinasakyan ko? Umaabot sa 10 meters, halos kasingtaas na ng Manila City Hall.

B – Bahay

Kailan ko kaya huling na-enjoy ang magandang kama, banyo o sala set sa bahay natin? There is no place like home, ‘ika nga nila. Pero heto ako, nag-iisa sa sariling kuwarto. Simple. Sarado. Nag-iisa. Nakapundar nga tayo ng bahay, halos buong taon naman akong sa barko naninirahan.

K – Klima

Siguro masasabi ko, isa kami sa mga espesyal na trabaho sa buong mundo. Biruin mo, kamakalawa lang, sobrang lamig ng klima sa puwertong pinanggalingan namin, ngayon tumawid ang barko namin sa Equator, grabe sobrang init  naman! Nakasisira kaya ng ulo ang pabagu-bagong klima! Mula sa malamig patungo sa maiinit. Mula sa maiinit patungo sa malamig. Haaaay buhay!

D – Dagat

Bali-baligtarin ko man ang aking mata, ang matatanaw ko ay puro dagat360 degrees. Parang preso nga, walang takas. Yung iba, takot na mag-seaman dahil daw sa pating. Hehe. Natuwa ako, basta may dagat, siyempre may pating talaga. Saka, may mas matindi pa diyan. Basta dagat, danger ang synonym niyan. Mahirap pagkatiwalaan ang dagat. Kapag ika’y Seaman, yung kalahati ng katawan mo nasa kabaong na. Totoo yan.

E – Emo

Narinig ko sa anak natin – EMO. Oo, nag-eemote din kami sa barko. Normal lang dahil tao din kami. Nag-eEMO din ako. Naaalala ko kasi ang masasayang bagay noong nasa lupa pa ako. Hindi kasi mawala sa isip ko yan.

G – Gamit

Medyo umaangat nga naman buhay natin. Nakabili ng mga bagong gamit. Lalo na yung bagong flat screen LCD TV natin. Kaya lang after two months, report na ako sa office sa Maynila. Marami na rin tayong bagong gamit na nabili, ano? Yung bagong motorsiklo ko pala, mukhang ‘di ko naman mai-enjoy. Pahiram mo na lang kay kuya kaysa matambak sa garahe at mabulok lang.

H – Hirap

Hirap ang kakambal ng pagbabarko. Siyempre, lahat ng trabaho may hirap nga naman. Pero subukan mong magbarko, ibang hirap and mararanasan at mahaharap mo. Bawat galaw mo, dapat sakto. Lakip pa doon, ang daming sakripisyo ang ibubuwis at iaalay mo. ‘Ika nga nila, abakadang sakripisyo ang titiisin mo.

I – Init

Sa ilalim ng barko, may tinatawag na Engine Room. “Makina” ang shortcut term ng mga Seaman dyan. Grabe ang init dun! Umaabot sa 50 degrees Celsius ang temperatura. Mga marinong makinista, 8-10 hours araw-araw nagtatrabaho sa masukal at mainit na lunggang iyon. Tipong masasabi mong – impiyerno na ba dito? Tinitiis namin yan.

L – Lungkot

Sino ba namang tao sa mundo ang hindi makakaranas ng lungkot? Tulog-kain-trabaho-pahinga-kain-trabaho ulit. Halos paikot-ikot lang ang buhay namin sa barko. Madalas, nakababagot, nakaiinis, nakalulungkot. Kaya kung may time na tumawag at nagtext kami na “Kamusta na dyan?” Wag n’yo naman sanang hintayin nang ilang oras bago kayo makareply. Nalulungkot lang kasi kami kaya nangangamusta kahit dis-oras na ng gabi.

M – Mura

Dito, parang normal na lang na minumura ako dito. Kahit alam ko na hindi naman kailangan yung ganoon. Uutusan ka, mumurahin ka pa. Ang bigat sa loob niyan pero habang hindi pa tapos kontrata ko, tinitiis ko na lang.

N – Ngatog

Alam n’yo, malaki ang barko! Kahalintulad na ng isang 5 floors na building na lumulutang sa dagat. Nangangatog din ang buo kong katawan kapag kinakatok ang mga kalawang at pinipinturahan namin ang “akomodasyon” – yun yung parang katawan na ng barko. Ang taas! Isama mo na rin yung hull, ito yung gilid ng barko. Tumatakbo pa minsan ang barko habang pinipinturahan namin yan. Kung mahulog; naku po, dagat ang bagsak!

O – Oras

Kailanman sa pagbabarko, hindi namin hawak ang oras dito. Isa ito sa mga ninakaw sa akin noong mag-seaman ako. Halos lahat ng oras dapat alinsunod sa operasyon at pagtatakbo ng barko. 24-hours on-call nga kami dito. Anytime, any day, any hour, tatawagin at gigisingin kung may kailangang gawin!

P – Pamilya

No. 1 sa mga pagsasakripisyo ng bawat Seaman ang mawalay sa pamilya. Matinding lumbay ang aming tinitiis. Halos mahirap i-describe. Grabe nga! Naalala ko yung unang linggo ko bilang isang Seaman. Parang gusto ko nang umuwi! Halos umiiyak din ako noon gabi-gabi until nakapag-adjust na ako sa trabaho at buhay sa barko. Ang hirap mawalay sa pamilya. Words are not enough to describe how sad it was :’(.

R – Risk

Working on ships is putting you always at risk. Gaya nga ng sabi ko, laging mapanganib ang magtrabaho sa barko. Very risky ang trabaho namin. Sa katunayan, nasa top 10 most dangerous job ang pagiging seaman! Mapa-fishing vessel man, cruises, tanker, container, at iba pa.

S – Sakit

Ang daming sakit ang iniinda naming mga Seaman. Mapapa-aray ka minsan sa klaseng trabaho na pinapasan araw-araw. Sabi ng ilan, ang trabaho ng Seaman ay parang pinagsamang construction worker, mekaniko, laborer, atbp. Sakit sa katawan, sakit sa mata, sakit sa kamay, at kung anu-ano pa. Huwag lang sakit sa pag-iisip! Pero alam mo, nangyayari ang ganoon. Maraming Seaman ang nakauwi sa Pinas na maluwag na ang turnilyo sa utak o nabaliw na. Yung iba, nag-su-suicide sa dagat; tumalon. Yung iba nga, kakalapag pa lang sa NAIA, tumalon pa dun sa building ng airport; nagpatiwakal. Kaawa-awang Seaman.

T – Tulog

Dahil sa pagsi-seaman, nanakaw na rin sa akin ang kalayaan ko sa pagtulog: na makatulog nang maayos; na makatulog nang mahaba. Gising ka ng 12:00am hanggang 4:00am dahil may shift ka sa duty. Gigising ka ng 10:00 pm hanggang 02:30am dahil dadaong na ang barko at simula na ng loading ng kargada. Masisira ang tulog at mapapagising dahil hinahampas ng malalaking alon ang barko ng 05:30am hanggang sa napuyat at hindi na makatulog pagsapit ng 08:00am. Ikaw, magbabarko ka pa kaya?

U – Utang

Ang daming nagsasabi: basta’t Seaman daw maraming pera! Pero hindi nila alam na patung-patong na utang ang kinukubli ng mga Seaman. Eh kung marami kaming pera, eh ‘di sana hindi na lang kami nagbabarko! Contractual workers din kami. Pagkatapos ng kontrata at nasa bakasyon, syempre wala nang income! Tanungin mo rin yung mga nagsisimula pa lang mag-seaman. Ang lalaki ng utang nila para may panggastos sa Maynila para maka-apply sa mga kompanya. Yung iba nga, ang tagal-tagal nang nagsi-seaman pero baon para  rin sa utang!

W – Waiting

Halos kasama na sa buhay ng seaman ang maghintay. Waiting… waiting… waiting… Waiting kung kailan kami sasakay. Waiting kung kailan matatapos ang kontrata. Waiting kung kailan makasampa para makabalik ulit ng barko. Hindi biro ang waiting na ginugugol ng mga Seaman. Lalung-lalo na yung mga nag-uumpisa pa lang. Yung iba halos 3-5 years ang pamamalagi sa Maynila mula sa probinsya dahil hindi pa alam kung kailan makaaalis ng Pilipinas. Ang masaklap pa, ni hindi nga nila alam kung tanggap na ba sila o hindi. Yung ilan, halos 1 year na pabalik-balik sa opisina at pinapayu-utility boy. Ibig sabihin, sa opisina sila nagrereport para maglinis, magtrabaho at mag-recruit ng ibang seaman sa Luneta.

Y – Yanig

Kung alam lang ng lahat kung gaano at paano niyayanig ang barko ng malalakas na hangin at naglalakihang alon dahil sa masamang panahon sa dagat, baka sasabihin nila ay ito: “Hinding-hindi na ako magsi-seaman pa!”. Mahigit pa sa intensity 8 kung yumanig ang barko. Tumatagilid pa 30° kaliwa’t kanan! Ang hirap bumangon, tumayo, kumain, gumalaw at magtrabaho! Ang hiiiirap!

Sana nag enjoy ka sa pagbasa ng artikel ko, share mo naman ito! Mabuhay ang mga Pinoy Seaman! =)

(This article is dedicated to all Filipino Seaman all over the world who almost offer their entire being for the sake of their families in the Philippines. These are true and came straight from the mouth of an author who is a Seaman himself. Watch out for the PART 2! c”,)

author:  JSL

p.e./mj