Gaano nga ba kahalaga ang edukasyon? Ano nga ba ang pakiramdam ng mga magulang kapag nakatapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak?

Halina’t ating tuklasin…

Mother and child (Photo credit: clipartguide)

Mother and child (Photo credit: clipartguide)

Sa aming bahay, sa pagkain sa hapag, kami ay sabay-sabay habang nag-didiskusyon  sa mga bagay-bagay. Gastusin, bayarin; ‘yan ang mga sumambulat sa akin.

Dalawa kaming magkapatid, nakatapos na ako at ang isa naman, sa darating na pasukan ay 4th year sa kolehiyo. Ang tatay ko ay walang trabaho, kaya si Ina ang tagataguyod naming tatlo.

Kung titignan mo sa aming estado, matatanong mo paano ko nga ba natapos ang kurso ko?  Nursing ang course ko, gastos dito at gastos doon. Mga libro, mga proyekto; saan nga ba kumuha ng pera ang nanay ko?

Hindi biro ang magpaaral at lalong hindi biro ang magbigay ng baon at pamasahe araw-araw, pero si Ina kinaya! Bilib ako sa kanya, kasi ang tatag niya. Salubungin man siya ng problema, makikita mo pa rin siyang masaya.

Pero ako?  Hindi ako perpektong anak. Hindi rin ako sobrang talinong mag-aaral. Lagi ko nga napapainit ang ulo ng nanay ko eh. Kasi nung kolehiyo, nakilala ko ang barkada at ang alak. Tambay, good-time ultimo piyestahan aking pinupuntahan. Kaya pag wala ako sa bahay asahan mo tunog ng tunog ang aking telepono. Pero kahit ganyan ako, sa loob ng klase o sa duty man asahan mo, aktibo at tiwala sa’kin ang mga instraktor ko.

Pagkatapos ng apat na taon, ako ay nakaraos at nakatapos. Si Ina, ako ay mahigpit na niyapos; kaya mga luha ko ay unti-unting umagos.

Review sa eskwelahan para sa board exam, ako pa rin ang dating ako. Lumiliban ako sa klase, madalas hindi ako nagsasagot sa mga takdang-aralin. Nagbabasa lang ako ng nagbabasa sa bahay. Self-study ba. Mas epektibo at mas gumagana ang utak ko.

Bago dumating ang araw ng exam, hindi na ko nagbukas ng kahit ano mang libro. Mga reviewers at hand-outs ko, lahat nakatago. Hindi ako nagreview ng ayos? OO, aminado ko; dahil sa paniniwala ko ang review ay para ma-refresh ka. Kaya kung hindi ka nakinig sa mga leksyon nung estudyante ka, pasensya.

Dalawang araw ang board exam, nagdasal lang ako na h’wag sumakit ang tiyan ko dahil madalas, ito ang nararamdaman ko. Tsokolate, ‘yan ang laman ng bulsa ko. Wala akong ibang baon kundi ang karunungan at ang aking mga natutunan sa apat na taon ko sa loob ng eskwelahan. Sabi ko sa sarili ko “stock-knowledge”.

Natapos ang exam. Mahigit isang buwan para sa resulta. Maraming haka-haka na lalabas na. Nagdasal ako sa Kanya, “ Alam ko po ang aking ginawa kaya kung sa tingin N’yo na ako ay nararapat na maging isang ganap na nars, tatanggapin ko po“.

Isang araw bago ang kaarawan ni Ina, isang napakagandang regalo ang natanggap niya.

Oo! Sa libo-libong nagtangka, isa ako sa pumasa.

Natahimik ako, dahil sa kabila ng lahat ng nagawa ko, mga pagkakamali ko, mga kakulangan ko, si Ina ay hindi nagsawa sa halip ay umunawa. Hindi niya ko iniwan at sinukuan.

Ina, ginawa mo ang lahat para makatapos ako, ginapang mo ang pag-aaral ko. Kaya eto ang para sa’yo ‘ DIPLOMA at LISENSYA’ , tanggapin mo.

Bilang isang anak, yapusin ang kung ano man ang nasa harapan natin. Hindi kailanman magiging balakid ang kahirapan para sa ating mga pangarap tungo sa kaunlaran. Edukasyon lang tangi nating maipagmamalaki. Taas-noo, sabay ngiti. :)

author: mariaregina

p.e./kf