PAALALA: Ang artikulo na ito ay isang PAALALA lang para sa ating lahat. Lalo na sa mga “may Pamilya na”at mga nasa ibang bansa na tulad ko. Lalo na kung may pinangako kayo sa mga iniwanan ninyong asawa at mga anak ninyo. Sana po tuparin natin ito. Lagi po natin tatandaan na umalis tayo ng Pinas at iniwan sila para mabigyan sila ng mas magandang buhay at kinabukasan.

(Photo credit: ninasworld.hubpages.com)

Dito sa ibang bansa, maraming tukso na mahirap iwasan. Mga kasalanan na habang buhay mong pagsisisihan at pagdurusahan. Kahit na alam mong mali, ginagawa mo pa rin. Kahit na alam mong bawal, sinusubukan mo pa rin. “Masarap daw ang bawal” ika nga.

Tinanong ako minsan ng kasama ko. Binata daw ako pero walang girlfriend dito. Samantalang yung iba, may asawa na pero dala-dalawa ang kabet dito. Hindi daw ba ako naiingit sa kanila? “Dapat bang kainggitan ang bagay na iyon?” Sabi ko naman.“Hindi laro ang bagay na yan. Hindi iyan dapat kinaiinggitan dahil hindi magandang gawain yan”

Saka naririto tayo sa ibang bansa para maghanap-buhay. Hindi maghahanap ng sisira sa ating buhay. Lalo na kung may pamilya ka na? Kung wala kang awa sa sarili mo o sa babae/lalaki mo, sana naman maawa ka sa asawa at mga anak mo. Iniwan mo sila sa Pinas para mabigyan sila ng magandang buhay at kinabukasan hindi para kalimutan sila at pabayaan. Sila ang dahilan kaya pumunta ka dito. Hindi para sa iyong kalaguyo! Hindi mo ba alam na habang abala ka diyan sa babae/lalaki mo, nawawalan ka na ng oras sa asawa at mga anak mo?

Nakakapagpadala pa ba kaya kayo sa iyong pamilya buwan-buwan? Kasi kung may kinakasama ka sa ibang bansa siguradong mas lalaki ang gagastusin mo. Lalo na kung hindi naman kataasan ang sinasahod mo. Natatawagan mo pa kaya ang Pamilya mo? Kumustahin man lang kung okay ba sila. Baka nagpapakasaya ka dito, hindi mo na alam ang nangyayari sa kanila doon.

Saka yang babae/lalaki mo, dalaga/binata ba kaya? Kung dalaga/binata yan, kawawa siya. Kung may pamilya na, mas lalong kawawa siya. Damay pati ang asawa at mga anak niya (kung mayroon man) na walang kamalay-malay. Hindi ba kayo natatakot sa ginagawa niyo? Kung hindi kayo natatakot sa inyong ginagawa, sana matakot kayo kung ano ang magiging bunga ng inyong ginagawa.

Sabi mo siguro masiyado ako pakialamero. Nagkakamali ka, tinutulungan lang kita. Tinutulungan kitang hindi hahantong sa oras na may pagsisisihan ka. Naaawa ako sa pamilya mo kaya pinapamukha ko sa iyong mali ang ginagawa mo. Kaya habang matino-tino pa ang pag-iisip mo, magbago ka na. Huwag mo nang hintayin na makuha lahat ng babae/lalaki mo hindi lang ang pera at atensiyon mo baka pati na utak mo.

“Sa mga tinamaan sa artikulo kong ito, pagpasensyahan niyo po ako. Ito ay opinyon ko lamang hinggil sa napili kong paksa.”

author:  iceburn

p.e./mj