Dear “Haps,”

Kumusta ka na? Sana nasa maayos ka na kalagayan. Alam ko na abalang-abala ka pag-aaral mo, at hindi mo prayoridad ang mga bagay na ukol sa pag-ibig. Ayos lang, makakapasa ka sa board exam mo. Naniniwala ako na kakayanin mo ang lahat-lahat ng pinagdadaanan mo, at hihintayin ko ang panahon na iyun.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ko nasulat ito. Kakaiba lang, kasi hindi naman ako sumusulat ng mga istoryang may kinalaman sa pag-ibig. Ni literal ang pangit ng sulat-kamay ko nung nilalapat ito sa papel. At walang arte-arte di tulad ng ibang naka-stationary set, ito?Nasa gusgusing yellow paper at antigong Word document.

Nagkamalas-malas ang halos lahat sa akin nun. Mag-iisang taon mula nung nagtapos ako ng pag-aaral pero hanggang nung panahon na yun e wala pa rin akong trabaho. Nababalisa din ako kasi nag-iisa akong namumuhay sa probinsya nun. Hanggang sa minsan napauwi ako ng Maynila, tinawagan para sa isang interview, at inaantay ang panahon na uuwi ako ng Bulacan matapos nun.

Akalain mo, sa lahat-lahat ng possibleng lugar na makilala kita, sa Facebook pa. Ni hindi nga tayo nagpapansinan noon? (Sino nga ba ako, di ba, kundi isa lang sa mga online tropa ng dating boyfriend mo?) Hindi ko alam kung anong nakain ko at bigla akong tinamaan sa iyo, nung nagsimula tayo sa wall-to-wall na usapan isang Sabado ng umaga, Marso a-31 nun, ilang araw mula ng pagkagradwyet mo sa pag-aaral nun. Hanggang sa mga sumunod na araw at gabi, nauwi sa pagtetext, hanggang sa madamagang tawagan. Kulang na lang talaga, ang magkita ng tuluyan.

Hindi ko nga inaasahan na may magkakagusto at mahuhulog pala sa akin e, magmula nung minsan sinendan mo ko ng mensahe sa Facebook na tila kakaiba para sa isang na babae na magpahiwatig ng ganung nararamdaman (sabagay, kahit naman ako e hindi rin naniniwala sa online romantic relationship nun e). Nung una, hindi ko mawari yan, pasikot-sikot kasing yan. Hanggang sa dumating ang mga sumunod na araw at pag-uusap nating dalawa.

Aminado ako, ganun din ang nararamdaman ko sa iyo bagamat napapangunahan ako ng takot. Hindi na ako natahimik, pero mula nun, nakakangiti ulit ako ng tulad ng dati. Tulad nga ng pangalan mo, ikaw ang kasiyahan.  Kung banatan ang usapan, parang Coke, ikaw ang “happiness” ko.

Akalain mo oh, hindi ka nga nagkamali sa pag-assume mo, kasi aminado ako na nag-assume din ako.

Ang tagal kong inaantay ito bagamat hindi ko pinagtutuunan ng pansin ang buhay pag-ibig noon. Siguro dala nung mabasted ako limang taon na ang nakakalipas at nagiging busy na rin ako sa mga makamundong bagay mula noon. At kung may naramdaman nga sa iba, nawala rin ito bigla. Kaya ayun, mula pagkapanganak, namuhay na salat sa pag-ibig na inaasam.

Ikaw lang ang nagpatunay sa akin na mali ako. Hindi pala ako anti-romantic na tao. Siguro sadyang malalim lang talaga ang madalas nilalaman ng utak ko, at dun mo yata ako nakilala at hinangaan. May taong magmamahal pala sa akin na tulad ng ganito. Ang pagkakalaam ko lang kasi e mga kaibigan, kapamilya at kamag-anak lang ang magpaparamdam sa akin ng pagmamahal. Akala ko wala…. Hanggang sa dumating ka. At wala kang kasalanan dun ha? Wag mong sisihin sarili mo.

Marami sana akong gustong ipahiwatig sa iyo, maliban pa sa mga banatan at kwentuhan natin sa telepono at pagmention ko palagi sayo sa kada pagtitweet ko ng mga ganyang kataga sa Twitter. Ni hindi ko alintana ang distansya ng ating mga lugar na kinatitirikan at mga bagay sa ating dalawa, o ang mga bagay-bagay na nakakapagpa-busy sa ating dalawa.

Iniintindi at pinipilit kong intindihin ang lahat sa ating dalawa. At kung may nangyari na hindi tayo magkaunawaan, inaako ko yun.  At lubos na humihingi ako ng kapatawaran kung nasaktan kita at napaluha kita dahil dun. Aminado ako, kahit slick master pa ang tawag sa akin ng karamihan pati ng ikaw, may kahinaan ako. Tao lang, nagkakamali. Nauubos din ang pag-unawa bagamat hinihiling ko lang na sana parang unlimited rice na lang yan. Natatakot lang ako na mawala ka at mapagsisihan ko pag dumating ang panahon na nanala ako ng mga tao at isaka sa mga maglalaho. Gusto kong panindigan ang mga binitiwan ko na salitang iyun sa iyo kahit hindi ko siya itinuturing na sumpa o swero.

Tama ka, dapat matuto pa akong magtiwala sa sarili at sa iyo, bagamat hihingin ko ang tulong mo. Wagas lang siguro ako kung makapag-alala.

Umaasa ako na isang araw, makatagpo din kita at mapatunyan sa iyo ang lahat-lahat sa akin. Maghihintay ako kahit gaano pa katagal iyun. Hindi man ako katulad ng mga tipikal na tao kung magmahal, at hindi rin ako pala-pangakong tao. Pero isang bagay lang isinisiguro ko – IKAW LANG ANG MAMAHALIN KO. Ipagtatanggol sa mga umaapi sa yo’t pinagmumukha kang masama. OO, hindi nga ako nurse tulad mo, pero ikaw ang gusto kong alagaan. Hindi man ako guro sa eskwelahan, pero tama ka rin, na siguro marami akong bagay na maituturo sa iyo na hindi ko namamalayan. Hindi ka nga magulang ko, pero ikaw ang gusto ko matawag na nanay ko balang araw. Marami pang mga mangyayari, pero pinapanalangin ko na sana, andito ka pa rin.

Pero kung hindi man mangyari ang mga ito, kahit masakit man sa kalooban ko, tatanggapin ko pa rin, at magpapasalamat. Nang dahil sa iyo, natuto ulit ako magmahal. Nang dahil sa iyo parang nabuhay muli ang aking diwa.

Tawagin na akong baliw ng ibang tao o kahit ikaw mismo, pero nagpapakatotoo lang po ako bilang ako na may tunay na nararamdaman sa iyo. Tatandaan mo to, MAHAL NA MAHAL KITA. Mag-iingat ka po palagi.

Nagmamahal sa iyo,

p.s. tawagin mo na lang akong “slick master”

author: slick master | date: 06/10/2012, time: 1:34 p.m.

Ang akdang ito ay halaw sa isang liham na sinulat at inaalay kay “haps.”  pero paglilinaw lang, hindi po kami.

© 2012 september twenty-eight productions