Noong bata pa lamang ako, nagtataka na ako kung bakit sa hirap ng ekonomiya at sa hirap ng buhay, ang pamilya namin ay laging may masasarap na pagkain

A Father's love  (Photo Credit:   Treathim)

A Father's love (Photo Credit: Treathim)

sa mesa. Hindi naman ganoon kayaman ang aking mga magulang; sa totoo nga, small-time mekaniko lang ang tatay ko at ang nanay ko naman ay taga-benta ng kung anu-ano tulad ng Maxx Candy, yosi, lighter, at mga chichirya.

Apat kaming magkakapatid at ako ang panganay sa lahat. Masaya ang aming pamilya; kahit gaano kahirap hindi nauubusan ng tawa at mga jokes lalo na si tatay. Ganoon na lamang ang paghanga ng mga tao sa tatay ko dahil siya ay kagalanggalang sa pananamit at sa kanyang pananalita.

Isang araw, noong El Nino, noong umuwi si tatay na wala sa sarili niya; binati ko itong si tatay, at parang hangin lang na dumapo sa kanya ang mga salita ko.

“Anak , naghain ka na ba?” Tanong ni tatay, binalewala ang aking pagbati.

“Opo tay”
“Saan na nanay mo?”
“Sa kuwarto po, tay, nagpapahinga po siya, tay.”

Mabagal na pumasok si tatay sa kwarto. Malumanay ito at parang walang buhay. At ako nama’y nag-aalala sa kanya. Narinig kong nag-uusap ang aking mga magulang sa kuwarto, at natukso akong makinig sa kanilang pribadong pag-uusap.

“Nina, wala na eh…” Mapangiyak-ngiyak na boses ni tatay ang aking narinig

Anong ibig mong sabihin ? Magsalita ka. Hindi kita maintindihan.”

“Nina, wala na akong trabaho, si Mr. Fuentes…”

“Ano…?” tanong ni inay.

“Na-bankrupt na ang kumpanya. Wala namang kumukuha sa aking maging mekaniko, wala naman akong mga gamit para magtrabaho.” Bakas sa mga salita ni itay ang kalungkutan.

Narinig ko ang mga yapak papalapit sa pintuan at nagmadali akong pumunta sa hapag-kainan at nagkunwaring naglalagay ng pagkain sa mesa. Mahigit isa’t kalahating oras din akong naghintay sa aking mga magulang at paulit-ulit kong pinaiinit ang aming pagkain sa kalan para hindi lumamig.

“Neneng, Totoy, Gabby, halina kayo dito!” Tawag ng nanay ko sa aking mga kapatid.

Bakas sa mga mata ng ama ko ang mga luha, ngunit pilit nitong tinatago, at pinapatatag ang sarili habang papunta sa aming hapag-kainan. Naawa ako sa kanya, pero ayaw kong malaman niya na ako’y isang tsismosa.

Si Neneng at Totoy ay nag-aaway na umupo sa kanilang mga silya.

“Sabi ko naman sayo masisira yun eh” pabalang na pagsabi ni Neneng kay Totoy.

“Ikaw naman may kasalanan.” Sagot ni Totoy kay Neneng at pasadyang tinulak itong si Neneng sa kanyang upuan.

“Neneng, Totoy! Tama na!” Pasigaw na pagsabi ni Nanay. Noong panahon ko lang unang narinig si nanay na sumigaw sa amin.

Natahimik ang buong pamilya, at pagkatapos ng panalangin sa pagkain, walang isa mang umimik sa amin.

Anim na buwan mula noong pangyayaring yun, nung bigla ko na lang nakita ang sarili ko sa Ninoy Aquino International Airport, dala-dala ko ang pulang bag ni mama. Si Neneng, Totoy at Gabby ay ‘di matigil ang pag-iiyak, sa kaliwa ko ay si nanay dala-dala ang kanyang maletang binili pa sa Divisoria.

Madali ang pangyayari noong mga oras na yun. Pilit ni tatay na pinipigilan ang aking umiiyak na mga kapatid, at si nanay naman, pilit na naglakad papunta sa loob ng airport ngunit alam kong mabigat ang damdamin nito. At ako naman, heto, malayo ang isip. ‘Di ko mawari-wari kung anong gagawin namin kung wala si nanay. Siya dapat yung nagsisilbing ilaw ng tahanan, pero ngayon, iiwan niya na ako- kami; si tatay at aking mga kapatid, lalo na si Gabby na limang taong gulang lamang.

Alam kong pinakamahirap ito kay tatay. Hindi ito umiiyak ngunit alam kong mamatay-matay siya sa lungkot. Matatag na nagyaya itong pumasyal sa Luneta. “Family picnic” daw sabi niya. Hinintay naming makaalis ang flight ni nanay papuntang Japan bago kami tumuloy sa Luneta. Napakaswerte nga naming nakapasok kaagad si nanay bilang maging katulong sa Japan sa tulong ng aking tiyahin na may asawang hapon.

Mahigit isang buwan din kaming tuluyang nasanay na wala si nanay sa aming bahay. Si Gabby, laging tinatawag si nanay tuwing gabi. Si Neneng at Totoy naman ay hindi na masyadong nag-aaway, sa totoo nga nyian simula noong lumisan si nanay, sila na ang nagtutulungan. At si tatay, siya ang nagluluto, naglilinis, naglalaba habang nasa paaralan kami. Palaging may sulat si nanay sa amin. At kami naman nag re-record sa cassette para marinig din niya ang aming mga boses. Regular na nagpapadala si nanay sa amin ngunit mahirap pa rin talaga ang buhay.

Tatlong taon na ang nakalipas simula noong lumisan si nanay. Ni minsan hindi pa siya umuuwi. Wala pa daw pera. Hindi daw pinapayagan ng amo. Na-iipon pa daw. Ayaw daw umuwi kasi masikip daw sa Pinas pag Disyembre. Maiinit daw sa Pinas tuwing bakasyon. Lahat na lang siguro ng dahilan sa libro naisaad na niya. Minsan naisip ko rin na baka hindi na niya kami mahal, pero si tatay lagi kaming sinasabihan kung gaano kami kamahal ni nanay kahit malayo siya, atni minsan hindi niya sinisi si nanay na wala si nanay para makita kaming  lumaki at mag-alaga sa amin. Araw-araw si tatay nagsusulat kay nanay.

Anim na taon ang lumipas at maraming nagbago sa aming pamamahay. Nagsisimula na ako ng ikatlong taon ko na highschool, nang biglang pumutok ang balita na may iba nang pamilya si nanay sa Japan. Madalang na lang siya sumulat sa amin. At anim na taon ko na ring hindi narinig ang boses ng nanay ko.

Si Aling Gloria na singer sa Japan at dating kapitbahay namin ay nakita daw si nanay sa Japan, noong kinamusta daw nito, ay biglang inisnab daw si Aling Gloria. Naging matatag si tatay sa tsismis. Hindi ito natinag. Araw-araw pa din siya sumusulat kay nanay, kahit pa yung mga kapitbahay lagi kaming pinatsitsismisan. Hindi pa uso ang cellphone noong mga panahong iyon, kaya gayun na lamang ang pagkamatapat ng aking tatay.

Isang araw, nakatangap si tatay ng sulat galing kay nanay. Mahigit anim na buwan na din itong hindi sumulat, masaya at maingat na binuksan ni tatay ang sulat. Ngunit bigla na lang nawala ang kanyang ngiti habang binabasa ang sulat, at sa unang pagkakataon ay nakita ko ang tatay ko na humagulhol na parang isang bata. Nahulog ang sulat ni nanay sa sahig, at agad ko naman itong dinampot.

“From: Nenita Rosalinda

Osaka Japan
To: Alberto Lopez, Pasay City Philippines”

Alberto,

Marami akong naririnig na masama diyan sa inyo. Mahal na mahal ko ang mga bata, pero hindi na kita puwedeng mahalin. Hindi ko maintindihan kung bakit sa pagkahirap hirap ko dito sa Japan nagawa mo pang mangbabae! Bwiset ka! Mamatay ka na sana. Walang nilalang na gusto ka pang mabuhay. Sana maging masaya kayo ng iyong kabit. Kukunin ko na ang mga bata, dito na kami maninirahan sa Japan. Walang kang kwentang asawa. Pinagkatiwalaan kita pero wala ka nang ginawa kundi ibisyo ang pera ko at ipang babae. Masunog ka sana sa impiyerno.”

Hindi kapani-paniwala ang aking nabasa. Hindi ko alam kung sino ang aking paniniwalaan. Ang taong nagdala sa aking ng siyam na buwan, o ang taong nag- aruga sa akin nang lubos pa kaysa sa sarili niya. Niyakap ko ang aking tatay na pilit itinago ang pag-iyak nya, ngunit ang lungkot ay nangingibabaw.

Pinunit ko ang sulat ni nanay.

“Tay, sa inyo lang kami. Ayaw po namin kay nanay. Tay, mahal ko po kayo.”

Lumingon sa akin si tatay.

“Anak, magpakabuti kayo sa Japan. Wag n’yo pahirapan nanay n’yo.”

“Tay, ayaw ko pong pumunta sa Japan!”

“Isabel, makinig ka sa akin. Mahal kayo ng nanay ninyo. At mahal na mahal ko din kayo. Pero gusto kong maganda ang inyong kinabukasan, anak.”

Gusto kong magmura, pero napaiyak na lamang ako sa tabi ni tatay.

Ang tadhana nga naman, napakamisteryoso dahil pagkatapos ng mabagsik na balita galing kay nanay, doon ko rin naman nakilala si Ivan. Bago siya sa school namin at galing siya sa Amerika. Tinanong niya kung bakit ako malungkot, isang araw sa aming school. Simula noon, naging matalik ko siyang kaibigan, nasasabihan ko siya ng lahat ng aking problema.

Nalaman ko din na diborsyado pala ang kanyang mga magulang at ang tatay niya ay isang abogado na nagtatrabaho sa aming lugar. Mayaman sila Ivan, de-kotse pag pumasok, at gourmet ang kanyang pagkain.

Lagi nga ako kinaiingitan; campus crush kasi siya at lagi kaming magkasama, pero friends lang talaga kami. Minsan hinatid niya ako sa bahay, at biglang nagalit si tatay. Nahiya na lang ako kay Ivan, pero sa susunod na araw close pa rin kami. Si tatay medyo sumusungit sa amin. Lalo na sa akin, hindi niya ako pinapalabas ng bahay at hindi rin ako puwedeng magsuot ng maiiksing shorts o palda.

Minsan nahuli  na naman niya kami ni Ivan.

“Isabel! Pumasok ka sa bahay ngayon din!” Bulyaw ni tatay

“Tay, kaibigan ko lang po si Ivan, tay”

“Ayaw kong makita kitang kasama ang lalaking iyan. Nagkakaintindihan ba tayo?”

Nabigla ako sa sinabi ni tatay, at siguro dahil sa pagkagulat ay napasigaw ako.

“Mabuti na lang sana kung nasa Japan kami! At least, si nanay hindi kami pinapakialaman!”

Natahimik si tatay sa aking mga nasabi. Sa buong buhay ko, walang ibang panahon na gusto kung mabago kundi iyong mga panahong iyon. Umalis na lamang si tatay at nagsarado ng kwarto.

Matagal kaming walang imikan ni tatay, pero may isang araw na nakapagbago ng lahat. Dumating ako sa bahay na pinapaligiran ng maraming tao. Nakita kong may mga kotse ng pulis. Nagusisa ako at nagtanong. Walang pumapansin sa akin. Nakita ko na lang na nakaposas ang tatay ko, dinadala ng pulis sa kotse. Nakaputing sando si tatay at nakashorts na itim. Tila may hinahanap si tatay at sa wakas nagtagpo kami ng tingin, tila’y nagmamakaawa siya. Pinasok siya sa likod ng sasakyan at sinaraduhan ang pinto.

“Tay!”

Tatlo pang mga boses ang aking narinig kasama ng sa akin; sila Gabby, Neneng at Totoy, na hawak hawak ng aming kapitbahay na si Aling Maring.

Dali-dali ko silang nilapitan at niyakap.

Ate, si tatay may pinatay daw.”  Sabi sa akin ni Gabby.

Biglang tinakpan ni Neneng ang bunganga ni Gabby.

Wala kayang pinatay si tatay! Sinungaling yang si Gabby!” ulat ni Neneng.

Unti-unting nawala ang mga tao sa bahay namin. Sino ba namang gustong tumulong sa pamilya ng mamamatay tao? Nagsindi ako ng kandila at pinatulog ang aking mga kapatid. Unti-unting nakatulog ako sa pagod, pero pinatay muna ang kandila, nawala na nga si tatay, masunog pa bahay namin. OA na yan ha.

Hindi ko alam kong totoo bang pinatay ni tatay si Mr. Fuentes, na nakita na lang na duguan at walang buhay. Meron kasing testimonya laban kay tatay, wala namang maituro ang korte, kundi si tatay, kaya nakakuha siya ng “10 years to life.”

 Naging ritwal na naming bisitahin si tatay sa kulungan.

“Anak, ‘wag mo na paniwalaan lahat ng sinabi ko noon, pero, anak maniwala ka, hindi ko pinatay si Mr. Fuentes. Pumunta ako sa bahay niya para humingi ulit ng trabaho, kinuha niya ulit ako, pero makalipas lang ang ilang oras dinampot na ako ng mga pulis, pinatay ko daw si Mr. Fuentes.”

Hindi ko na alam ang gagawin ko nung nasa kulungan si tatay.

Nag-offer sa akin si Ivan ng pera pero hindi ko magawang kunin iyon.

Nag-offer siyang maging boyfriend ko, at aba’y ‘di ko yata matatangihan yun. Pero hindi ko masasabi-sabi kay tatay. Pero nalaman niya ito.
“Anak, alam ko kayo na ni Ivan” , sabi niya sa akin.

“Tay, naman….”

Oh ano? Hindi naman kita mapapalo.” Sabi ni tatay sabay tawa.
“Tay… Paano n’yo pa nalaman?”
“Ako pa! Tatay mo ako… kapag gabi… lumilipad ako sa aking kulungan…” pabiro at pabulong na sabi ni tatay.
“Tay, talaga… ‘di pa rin kumukupas mga corny mong jokes.”
Lumipas ang limang taon at nagpakasal na kami ni Ivan. Kinupkop ko ang aking mga kapatid sa bahay namin ni Ivan hanggang nagsipagtapos na sila ng highschool.
Meron namang naipon si tatay kahit papaano sa banko, at nagtayo ako ng maliit na sari-sari store para mairaos ang aking mga kapatid.
Limang taon na naman ang lumipas at puwede na ulit maipunta sa korte ang kaso ni tatay.
Sa tulong ni Attorney Delacruz, ang father in-law ko, napatunayan na inosente ang tatay. Dahil na rin sa naging admissible evidence sa Pilipinas ang DNA na galing sa crime scene.
Sa sampung taong pagkakulong, hindi pa rin nagbago si tatay. Maalaga pa rin, palatawa, at maalalahanin; una niyang hinanap ang bunso naming kapatid na si Gabby, dahil nasa school pa ito.
Ayon sa Republic Act No. 7309, may karapatan ang tatay sa compensation for the victims of unjust imprisonment or detention and victims of violent crimes.

Hindi nag-aksaya ng panahon si tatay at nagpatayo ng kanyang sariling auto-shop gamit ang kompensasyon. Lopez Enterprises Ltd.

Hindi nagtagal at lumago ang kanyang business, dahil sa husay na rin niya sa mga sasakyan at sa kanyang kagalanggalang na pagsasalita. Nagpatayo siya ng mga apartment buildings, at mga motels. Napagtapos din niya si Totoy bilang ganap na dentista, si Neneng naman ay isa nang nurse, at si Gabby naman, patapos na sa highschool.

Lumalago na ang business ni tatay, pero hindi pa rin siya muling nag-aasawa. Kaya naman noong bumalik si nanay noong December 24, 2001, sa pintuan ng kanyang mansyon, ay kinupkop niya si nanay. Nag-iwalay na daw sila ng ka-live-in sa Japan. May anak pa nga sila. Pero tinanggap pa rin siya ni tatay.

Nina, mahal na mahal kita. Hinding-hindi kukupas yun, magiging matapat ako sa ‘yo kailanman, at sa tingin ng Diyos, ikaw pa rin ang aking asawa magpakailanman. Walang iba pang pwedeng sirain ang gawa sa Langit.”

Yan ang mga salita ni tatay sa kanilang renewal of vows noong March 8, 2002.
Ngayon, ten years na ang nakalipas at parang bagong kasal palang sila nanay at tatay. Laging magkasama kahit saan. Sila ay nagretire na sa Canada kasama namin ni Ivan na nagtatrabaho bilang engineer.

At ako naman? Heto full-time mom sa tatlong makukulit na chikiting. Hinding hindi ko sila iiwan, at mamahalin ko sila tulad ng pagmamahal na binigay sa akin ni itay.

Naging role model ko si tatay dahil sa kanyang abilidad na magpatawad, magmahal nang sobra, at mahigit sa lahat sa kanyang pagiging  “tatay” sa amin, kahit anong mangyari.

Bilib ako sa tatay ko. Saludo ako sayo Tay! Happy Father’s Day po!

author:  ellegal

p.e./mj

Enhanced by Zemanta