Kamusta ka na? Ngayon lang ulit kita nakitang huminto ang mundo para lang mapagmasdan ang sira-sira at inaalikabok na ako. Ang laki na ng pinagbago mo, naalala ko tuloy nung mapunta ako sa malilikot mong kamay.

Halika, lapitan mo ako. May ikuwekuwento ako. Naalala mo ‘yung mga panahong matalik na magkaibigan tayo? Na kapag nagja-jamming tayo, ang buong araw mo ay nakukompleto? Bagung-bago pa ako noon. Sikat na sikat pa habang sabay tayong kumakanta. Ang saya natin noon, pinakilala mo pa nga ako at ipinagmayabang sa mga tropa mong walang pakialam. Sabi mo pa nga noon, hulog ako ng langit kasi binigyan ko ng tono ang awit ng buhay mo. Naalala mo pa ba? Ang dami pa nating kalokohan noon, ang saya saya pero ng pinagmasdan kita ngayon, parang naiwan na ang ngiti mo sa lumipas na panahon. Nasaan na nga ba tayo ngayon? Kung ako ang tatanungin mo, daanin na lang natin sa kantang binuo natin noon. Sige, yakapin mo ako, sabihin mo lang kung handa ka nang makilala ulit ako.

Pero bago ‘yan, itutuloy ko muna ang kadramahan ko. Unang tapak mo pa lang sa kolehiyo, masyado kang kabado. Nahihirapan kang i-adjust ang sarili mo sa mga taong ngayon mo pa lang nakita sa buong buhay mo. Ibang-iba sa mga batang nakalaro at nakilala mo dati. Ramdam mo na talaga na isa ka nang ganap na lalaki. Nagkaroon ka ng mga kaibigan, mga kaibigang ‘di mo akalaing kaya kang sabayan. Kumanta, yumugyog, at tumugtog ng gitara. At ito rin ang pagkakataong magiging bida na naman ako sa buhay mo. Ayos! Isa ka talagang malupit na kaibigan. Sa inuman, sa pagtambay lang, sa walang magawa sa oras kundi pinapatay lang. Sa babaeng nauto ka kaya kinantahan mo siya ng walang marka bahala. Sa guro mo sa musika na pinagalitan ka dahil nakatungaga. Sa kaaway ng tropa na nagkasalubong kayo at nagpang-abot sa plaza kaya ang naging sandata mo ay ang dala mong gitara. Ang saya kahit minsan ay masakit sa’kin ng sobra. Nagpapagamit naman ako kahit anong gawin mo, sabagay kaibigan mo naman kasi ako at doon pa lang wala na akong reklamo. Umiikot na pala ang orasan ng ‘di natin namamalayan.

Naalala mo ‘yung sakin ka humingi ng tulong para lang mapasagot mo ang asawa mo ngayon? Bilib na bilib ka sa’kin noon. Pero ang totoo, mas bilib ako sa’yo kasi kahit hirap na hirap akong itono ang awit na gusto mo ay hindi mo ako sinuko hanggang sa makuha mo. Naputulan pa nga ako ng isang kwerdas nung nanghaharana tayo. Pero sa dahil kaibigan kita kahit hirap akong itono ang naka-iinlab mong kanta, hindi tayo sumuko para lang mabighani mo siya.

Ilang minuto ka na bang nagbabasa? Lumipas ang maraming taon pero kahit pap’ano nagtagal ang ating pagkakaibigan at hindi mo kinalimutan ang paborito nating awitin na lagi nating pinagsasaluhan. Kapag may problema ka, sa akin ka lumalapit. Kasi alam mong ako lang ang makakapag-paginhawa sa iyong mabigat na pagdurusa. Wala akong ibang ginawa kundi ang awitan ka. Nakikinig lang ako habang dinadaan mo sa kanta ang galit mo sa mundo. Oo, ramdam kita kaya nga sumasabay na lang ako sa’yong kanta. ‘Wag kang mag-alala, andito pa naman ako pero baka malapit na ring mawala.

Ilang taon na nga ba ang lumipas? Siguro marahil ang tono ko na ay gasgas. Kumulubot na ang aking balat at kinalawang na ang matitigas kong kwerdas. Ang laki na ng pinagbago ng ngayon. Ibang-iba sa mundong pilit nating binuo sa kahapon. Nagsisilabasan ang mga katulad kong nagbibigay ng musika sa’yo. Pero mga banyaga at mas malulupet pa sa tonong kaya kong ibigay sa’yo. May halaga pa ba ako sayo? Pakiramdam ko ,hindi ko na yata kayang umawit. Matanda na ako. Pudpod na ang boses ko. Wala na akong lakas para sabayan ang mundo mo.

Sige, ituloy mo lang ang pag-awit mo. Isang bagay lang naman ang gusto ko, na kahit ipanggatong mo ako sa kaldero maalala mo pa rin na isa ako sa naging parte ng buhay mo. Sana nga kilala mo pa rin ako, kahit ‘yun lang kaya ko pang umawit ng isang minuto bago pa mapatid ang kwerdas ko. ‘Wag mo akong titigan na parang wala nang bukas. Nalulungkot at umiiyak din ako katulad mo. Hindi mo nga lang alam kasi instrumento lang ako na minsang dumamay sa’yo, siguro hanggang ngayon, ewan ko lang. ‘Wag kang mag-alala, tatakbo at tatakbo ang buhay mo kahit ‘di mo na ako kasamang kumanta. Andiyan naman sila, mga taong nakasama mo at nagtayo sa’yo nung mga panahong nasa gilid lang ako ng iyong kwarto. Malungkot doon, kung alam mo lang. Pero ‘di bale na nga at masaya ka naman na at ramdam ko ‘yun sa’yo. Gusto ko lang ipadama sa’yo na minsang nagbigay ako ng tono sa buhay mong noon ay ‘di ka sigurado.

Ikaw na nakatingin sa  akin? Ano nga ba ang kahalagahan ng tulad kong isang bagay lamang? Ano nga ba ang naitulong ko sayo noong ikaw ay binatilyo pa lang? Ang gara isipin ano? At hindi mo rin siguro akalain. Minsan, ang mga bagay na nasa paligid natin ay siya ring minsang naging dahilan kung bakit nasa kinatatayuan tayo ngayon… Lumilipas ang panahon kasabay ng pagluma ng tugtugin ng musika natin noon. Lahat ng bagay ay may katapusan, walang permanente at lahat napapalitan. Minsan nating pahalagahan ang mga bagay na minsan nating nahawakan, maging laruan man ito o kahit walang kwentang bagay para sa iyo. Ganito man ang buhay ng mga bagay na naitapon mo na. Sana malaman mo nalulungkot din sila katulad ng nararamdaman ko ngayon.

author: sketztrophonic

p.e.kf

Enhanced by Zemanta