Ang pagbablog ay hindi lang pagbabasa at pagsusulat. Hindi lang pagbibigay ng payo, opinyon, o impormasyon. Nakatutulong din ito sa ating lahat lalo na sa mga mahilig magbasa, para maliwanagan sila lalo na kung may kaugnayan ang isinulat mo sa pinagdadaanan nila ngayon. Hindi masamang ilabas mo dito kung ano ang nararamdaman mo. Ibahagi kung ano ang mga pinagdadaanan mo o pinagdadaanan ng mga taong malalapit sa buhay mo. Maraming magaganda ang nagagawa nito sa buhay ng tao.  Isa na dito ang ikukuwento ko.

Tulips and Rose  (Photo Credit:  Floweradvisor)

Ako nga pala si John. Isa akong blogger. At dito ko ginugol ang panahon ko mula pa noong nagkahiwalay kami ng girlfriend ko. Dito sa Blog Site, may kanya-kanyang codename na ginagamit ang mga blogger tulad ko. At “flair”  ang codename na ginagamit ko. Karamihan sa mga article na ipinopost ko ay tungkol sa pag-ibig. Mga kathang isip ko lang ang mga yon. At yong mga iba naman, nangyayari sa mga kaibigan ko, kamag-anak o kakilala. O di kaya sa akin mismo, mga sariling karanasan ko. Mga pinagdaanan ko noon. Maging mapait man o matamis, dala-dala parin ng bolpen at papel ko ngayon.

Isang araw nagpost ako ng tungkol sa paghihiwalay ng magkasintahan. Dahil nagloko ‘yung lalaki. Nagawa niyang tumingin sa iba habang malayo sa kanya ang girlfriend niya. Nalaman iyon ng girlfriend niya kaya nauwi sa hiwalayan ng dalawa. Humingi ng tawad yong lalaki pero hindi siya pinatawad ni babae.

May nagcomment na isang babae. Nicole ang codename niya. At ito ang comment niya.

“Tumutulo ang luha ko, habang binabasa ang article mo. Ganyan na ganyan din kasi ang nangyari sa amin ng dating boyfriend ko. Feeling ko, siya yung nagsasalita. Mahal na mahal ko siya at ibinigay ko na sa kanya ang lahat pero hindi siya nakuntento. Nagawa pa rin niyang tumingin sa iba noong nasa malayo ako. Nasaktan ako sa ginawa niya. Magulo ang isipan ko noon dahil sa pagkakabigla. Hindi ko kasi akalain na magagawa niya sa ‘kin ang ganoon. Kaya nakipaghiwalay ako sa kanya. Lalo akong nasasaktan ngayon dahil hindi ko tinanggap ang pagsosorry at paghingi niya ng tawad noon. Nagmamakaawa siya na parang bata, humihingi siya ng second chance pero naging bingi at matigas ako. Ngayon ko lang narealize na deserving pala siyang mabigyan ng pangalawang pagkakataon. Kung may pagkakataon lang na makausap ko ulit siya ngayon, yayakapain ko siya at patatawarin. Handa akong tanggapin ulit siya kung magbabago na siya. Mahal na mahal ko pa rin siya sa kabila ng nagawa niya. Babae kasi ako, siyempre pinairal ko ang pride ko.

Nagresponse naman ako sa comment niya at ito ang sinabi ko.

“Hindi pa naman siguro huli ang lahat. Tao lang naman siya at hindi perpekto kaya hindi maiiwasang makagawa ng pagkakamali. May mga taong karapat-dapat mabigyan ng pangalawang pagkakataon, bakit hindi mo bigyan ang iyong ex-boyfriend ng second chance? Kung mahal mo talaga siya, patawarin mo. At kung mahal ka talaga niya, magbabago siya at pagsisisihan ang nagawa niyang kasalanan sa ’yo. Sabi mo nga, humingi na siya ng tawad sa ’yo at nagmakaawa pang bigyan mo ng second chance. Ang isang tao kahit hindi pa nagsasalita, sa mata pa lang makikita mo na, kung talagang totoo siya. Maraming paraan para makausap mo ulit siya, tawagan mo, makipagkita ka. Ramdam ko na mahal na mahal mo pa rin siya at siguro hinihintay ka pa rin niya hanggang ngayon.”

Kinaumagahan habang abala ako sa pagsusulat ng mga articles ko sa terrace ng aming bahay. Biglang may kumatok sa aming gate. Nagulat ako noog pagbuksan ko. Si Jenny, ang aking ex-girlfriend ang dumating. May dala dala siyang flower bouquets. White TULIPS at may nagiisang red ROSE sa gitna.

Pagkakita pa lang niya sa ’kin niyakap na niya ako nang napakahigpit. “Pwede pa ba akong pumasok sa bahay ninyo? Welcome pa rin ba ako gaya ng dati?” tanong niya. “Hindi kailanman sinara ang aming pintuan para sa ’yo. Laging bukas ‘yan at naghihintay sa pagbabalik mo.” sagot ko naman, napangiti siya.

“Eh sa puso mo, welcome pa ba ako?” seryosong tanong niya. “Gaya ng pintuan namin, ang puso ko ay laging bukas at naghihintay sa pagbabalik mo.” Binigay niya sa ’kin yong bulaklak. Ibig sabihin daw nung white tulips na pinapatawad na niya ako. At yong red rose naman daw at tanda ng pagmamahal niya sa ’kin. At nagsasabing nag-iisa lang daw ako sa buhay niya. Nagkabalikan kami at bumalik sa dati ang relationship namin.

… … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … … …

Kung talagang para sa iyo ang isang bagay, matatagpuan at matatagpuan mo ito sa isang lugar. Kung talagang para sa iyo ang isang tao, napaghandaan mo man o hindi, hiniling mo man o hindi. Darating at darating siya sa ’yo. Kahit na nawala mo na siya, kahit na pinaghiwalay na kayo ng panahon. Kung talagang kayo ang nakatakda, darating ang araw na pagtatagpuin ulit kayo. Dahil kahit gaano man kalawak ang mundo, maliit lang yan para sa dalawang taong itinakda para sa isa’t-isa.

author:  iceburn

p.e./mj