Habang papunta ako kanina sa aking pinag o-ojt-han, tahimik lang akong nakatingin sa labas ng jeep. Malapit na ako sa akong bumaba sa unang jeep na sinakyan ko nang biglang naging ‘stop’ ang traffic. Kumunot ang noo ko nang makarinig ako ng malakas ng iyak ng isang bata. Biglang nagkaroon ng focus ang mga mata kong nakatingin lang sa kawalan at napansin ko na nasa harap na kami ng South Bus terminal. Hinanap ko ang pinagmulan ng iyak at lalong nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang isang bata na sa tingin ko ay may isa o dalawang taong gulang na napakadumi, walang pang-ibabang saplot at itinali ng isang tela ang suot nitong maruming damit sa poste ng shed na nasa labas ng terminal.

Street children (Photo credit: my.opera)

Street children (Photo credit: my.opera)

Bawat taong napapadaan sa tapat ng bata ay tumitingin dito at talagang lilingunin ito. Patuloy itong nagpupumiglas habang umiiyak ng malakas at naroong halos mahampas na ang ulo nito sa marumi at sementadong daan. Mayroong batang lalaki na maya’t mayang lalapit sa bata at aaluin at makikita mo na talagang gusto na niyang tulungan iyong bata na tingin ko ay kapatid niya. Napatingin ako sa mga taong nakaupo sa shed na iyon at tila sila mga walang narinig at nakikita.

Hindi ko na alam na napapangiwi na pala talaga ako habang nakatingin sa bata. Nang may marining akong sumigaw na babae habang nilapitan ulit ng lalaki iyong batang babae na iyak pa rin ng iyak, halo na ang luha at sipon at ang maitim na dumi na dumikit na sa mukha at katawan niya.

“Pabayaan mo siya diyan. Mabuti nang maging ganyan iyan kesa masagasaan.”

Iyan ang narining kong sigaw ng isang babae. Nang tingnan ko ang babae, nahinuha ko na siya ang nanay nung bata. Nanlilisik sa galit ang mga mata niya na animo wala talagang pakialam sa itsura ng kanyang anak habang nagbabasag ng malaking tipak ng yelo sa isang container. I shook my head subconsciously. Hindi talaga ako makapaniwala.

Unti-unti nang kumilos ang sinakyan kong jeep nang matanawan ko kung ano ang nasa may kanang gilid ng batang itinali. Napahumindig talaga ako. ISANG DUYAN na may isang batang napakaliit!

I looked around the place. Everyone was in a hurry dahil oras nga naman ng pagpasok ng ilan sa kani-kanilang mga trabaho. Ang daming tao sa lugar na iyon. Tiningnan ko ulit iyong kinaroroonan ng bata na tila na mapapatid ang suot na damit dahil sa kagustuhang makawala sa pagkakatali at sa batang nasa duyan. Mahabanging langit!

Nang tuluyan nang makalayo ang sinasakyan kong jeep, napansin ko na may mga pasahero akong nakasakay na mga dayuhan kasama ang dalawang Pilipino. Base sa narining ko, ideya ng dalawang Pilipino kung bakit nakasakay doon ang mga dayuhan na tila mag-asawa. “But the baby there,” Iyan ang narining kong sinabi ng dayuhang babae.

Napailing na naman ako. Ang dami nang naglipanang mga batang lansangan na maya’t mayang sasakay sa mga jeepney at manga-ngaroling kahit hindi naman pasko. At malamang sa hindi, iyon ang magiging future nga mga batang iyon na nakita ko. Hindi ko maiwasang makaramdam ng ngitngit sa mga magulang ng mga batang iyon. Taun-taon yata kung mag-buntis ngunit wala kahit matinong damit. Pihadong wala ding matinong pagkain at tirahan iyong mga iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit kung sino pa ang mahirap at walang matinong pinagkukunan ng pera, iyon pa ang nagpapadami ng populasyon ng Pilipinas. Mas mahalaga pa ba sa kanila ang tawag ng kanilang mga laman kaysa sa kagustuhang magkaroon ng maganda at maginhawang buhay para sa kanilang mga anak? Bakit gumawa pa sila ng pagkadami-daming bata kung hindi naman pala nila mapapanindigan at mabigyan nga magandang buhay ang mga ito? Kung pababayaan at babalewalaen lamang nila ang kalagayan ng mga ito?

Hindi ko magawang isipin ko ano ang kahihinatnan ng bukas ng mga batang iyon. Nakakaawang isipin na masasayang lamang ang buhay nila sa kalyeng iyon. Wala na nga yatang solusyon ang problemang ganito.

author: Gladys-shia

p.e./kf