Kay bilis ng mga pangyayari. ‘Di ko na matandaan kung paano nag-umpisa at kung paano nagtapos. Basta ko na lang natagpuan ang sarili ko na nag-iisa. Hindi ko alam kung bakit nagkaganon. Hindi ko din alam kung saan ako nagkulang. Basta nagising na lang ako sa katotothanang wala kana. Na hindi na kita mararamdaman pa. Gusto ko nang ihakbang ang aking mga paa, pero pinipigilan ako ng ating alaala. Sabi ng isipan ko “tama na, alam ko ang totoo, wala na siya”. Pero sabi naman ng puso ko “sandali, wala na siya pero nararamdaman ko pa”.

Love road (Photo credit: 2pi.deviantart.com)

Mahirap talaga mawala sa puso mo ang minsa’y pinapasok mo dito. Lalo na kung nag-iwan ito ng bakas at palatandaan na minsan ay tumira siya dito. May mga bagay kasi na kahit hawak mo na, maaagaw pa ng iba lalo na kung hindi mahigpit ang pagkakahawak mo. Mayroon din namang pilit na kumakapit sa ’yo pero pilit mong binibitawan at tinutulak papalayo kasi hindi siya ang iyong gusto.

Talagang ganyan siguro ang pag-ibig. Mayroong dumarating, mayroong umaalis. Sa bawat “hello” katumbas nito’y “paalam”. Siguro kaya natin nawawala ang isang bagay kasi mayroon tayong matatagpuan na mas maganda. Iyon bang mas kakailanganin natin. Iyong hindi naman natin hinihiling pero mabibigla ka na lang na hawak-hawak mo na pala.

Sa lakbay ng pag-ibig hindi maiiwasan ang makaapak ng tinik, kaya dapat bago mo ihakbang ang mga paa mo, siguraduhin mong may suot itong bota. Hindi maiiwasang madulas ka, lalo na kung aabutan ka ng ulan sa daan. Kaya dapat marunong kang magbalanse ng katawan mo para hindi tatama ang ulo mo sa matigas na bagay.

Habang patuloy ka sa paglalakbay, lingunin mo ang iyong pinanggalingan. Para matantiya mo kung gaano na ba kalayo ang naabot mo. Huwag kang matakot na tahakin ang kadiliman, dahil ito ay mayroon ding hangganan. Sa dulo ng iyong kapalaran, may naghihintay na liwanag, tagumpay at kaligayahan.

author:  iceburn

p.e./mj