Minsan akong nagmasid sa mga bagay-bagay noon at sa unang pagkakataon, bigla akong na-culture shock. Mantakin mo, ha? Nagja-jogging ako sa bandang riverpark at ang madalas kong makita ay ang mga batang nag-aakbayan. ‘Yung iba, doon sa gilid ng puno, halos makipaglaplapan. Sa isang banda naman, nakikita ko ang mga babaeng may kargang bata pero halata naman na bata pa, at sumususo pa ang anak sa kanyang dibdib. At minsan namang gumala ako sa isang sikat na gimikan, at ‘wag ka, alam kong hindi pa 18 taong gulang ‘tong si totoy at neneng pero kung makapag-bump and grind sa dance floor, akala’y nakikipag-sex sa kanyang master’s bedroom. Ito pa ang siste, ilan sa mga batang napansin ko, kamag-anak at kaibigan ko pa. Daig pa ko, ‘no?

Public display of affection (Photo credit: youthkiawaaz)

Public display of affection (Photo credit: youthkiawaaz)

Well, dapat matuto na rin ako. Nagbabago na ang panahon ngayon. Kaya ‘wag ka nang magtataka kung bakit karamihan sa mga bata ngayon e daig ka pa sa usapan ng pakikisalamuha sa opposite sex at isama mo na dyan ang pag-ibig.  Kung bakit nagiging liberal na ang pananaw ng mga tao sa sex, makikita ito sa pananamit at kilos o asta nila.

Marami ba ang dapat sisihin dyan? Posible. As in, oo naman. Pinakamatindi dyan ay ang environment, ‘yung mga bagay na kinalakihan niya bilang tao. Pero mas makikita ito karamihan sa mga palabas at popular na kultura ngayon.

Ang lawak kasi ng sakop ng media kaya hindi kataka-taka na sa kung anuman ang napapanood natin, naiimpluwensyahan tayo little by little. Tipong mga telenobela na panay romantikong drama ang tema? Isang malaking TSEK. Mga music video ba ng sikat na mang-aawit? Isa din yan. In fact, kung mapapansin mo lang, karamihan sa mga tema ng pop music mula noong dekada ‘80 hanggang ngayon, sa dalawang bagay umiikot ang mga ito: kung hindi ROMANTIKONG PAG-IBIG, ang akto ng pagroromansa mismo… ang SEX.

Isama mo na dyan ang pornograpiya, kahit sa totoo lang ay may pagka-labag sa aking kalooban. Hindi dahil sa minsan ay nanonood ako sa mga ganitong bagay, ha? Pero the fact ngayon na napaka-accessible na ang internet sa lahat ng tao, aba ‘wag ka nang magtaka kung ‘yung isang totoy dyan sa computer shop e nag-you-Youjizz sa oras ng klase niya sa halip na nasa eskwelahan siya, at take note, may karatula pa na “bawal ang mag-browse” sa ganoong sites. ‘Ba, ayos ah.

At isa sa mga matinding binabatikos ngayon ay ang isang reality show na naglalarawan ng mga “kalandian” daw ng kabataan ngayon. Well, sa totoo lang, hindi ko kakastiguhin ang naturang palabas tutal hindi ko naman napapanood ‘yan. Bagamat ayon sa feedback ng karamihan sa mga social networking users e naglalarawan daw ito kung gaano lumandi ang kabataan ngayon. Gano’n? Kaya pala nauso ang mga patamang quotes na ang tema nito ay kalandian.

Sa kabilang banda, ang magulang din daw ang pssibleng pangunahing dahilan kung bakit lumalandi ang mga kabataan ngayon. Sabagay, anong klaseng magulang ka kung hindi mo madispilina ang anak mo? Kung mas malakas pa sa iyo ang mga porn, drama, at ibang mga material na bagay na may kinalaman doon. Pero ang hirap naman kasi kung magulang ka ngayon e umaabuso na ang mga bata. Porket may child abuse law ba? Kung dati ok na ok sa atin ang minsang mapalo ng dos por dos sa ating mga pwetan, ‘ba ngayon, good luck kung magagawa mo pa ‘yan sa anak mo. Ang hirap gawin ang anak ng ayon sa kagustuhan mo ngayon.

Hindi rin kaya masyado tayong nakikiuso sa mga bagay sa kanluran na kung saan ay nagiging liberal ang mga tao doon? Well, ok naman maging liberal, in fact, may pagkakataon na magiging open-minded ka e. ‘Yun nga lang, lahat ay may limitasyon pa rin kahit sa paglalantad.

May tamang lugar at panahon kasi kung saan ka puwedeng makipaglandian. Kung bahay man yan, siguraduhin mong wala kang kasama dyan, o ‘di naman kaya’y ‘wag sa bahay ni Kuya.

author: slickmaster | alternate version: http://nestor092890.blogspot.com/2012/06/kalandian-nga-ba.html

p.e./kf