Naalala ko pa, mahigit labing siyam na taon na ang nakaraan noong una kong makita ang aking inay na may dalang dalawang malaking karton ng balik-bayan box at isang belt bag na wari’y isang OFW na kakarating pa lamang sa ibayong bansa na may dalang pasalubong sa amin. Ngunit, hindi siya isang OFW na may dalang dolyar, euro, dinar o yen. Ang dala niya ay mga paninda tulad ng sibuyas, bawang, paminta, kahel, chlorox, tawas at iba pa. Ito ang kanyang hanap buhay, ang hanapbuhay na hinanap ang aming buhay.

Garlic (Photo credit: christopherranch.wordpress)

Garlic (Photo credit: christopherranch.wordpress)

Mapusok nga ang magmahal. Hindi na ito bago sa henerasyon natin ngayon. Kahit ang aking ina sa kanyang pagkadalaga ay naranasan ito. Ga-graduweyt na sana ang aking ina sa kursong Civil Engineering sa isang pribadong paaralan. Subalit, hindi nga mapipigilan ang apoy ng nagsisimbuyong damdamin ng pagmamahal sa dalawang taong nagmamahalan (o ano man ang tawag mo doon). Dahil dito, nabuntis siya ng aking ama. Pasalamat na rin ako na kahit isang aksidente ang pagka-buo sa akin sa hindi tamang panahon at hindi tamang pagkakataon, hindi naisipan ng aking ina na ako’y ipalaglag. Nag-desisyon ang aking ina na tumigil ng pag-aaral upang pangalagaan ang kanyang pagbubuntis.

Makalipas ng isang taon, natapos rin ang aking ama sa kanyang kurso rin na tulad ng aking ina. Ang aking ina nama’y nasa bahay sa kanyang malapit na panganganak. Matamis nga ang salita ngunit nakakapaso rin kung umaalab. “Maghahanap ako ng trabaho sa Maynila para sa ating pamilya”, wika ng aking ama sa aking ina. Maganda ang hinaharap namin sa unang limang taon na ang aking ama ay nasa Maynila. Sa bawat katapusan ng buwan ay may bago akong laruan, damit at masarap na pagkain.

Ngunit, tulad ng bagyo, hindi inaasahan ang sinabi sa akin ng nanay pakatapos ng dalawang taon. “Ma, bakit parang wala na po akong natatanggap na laruan kay Papa? Hindi ba’t katapusan na? Hindi na rin po siya umuuwi tuwing pasko”, sabi ko, na may halong kamusmusan sa aking ina. “Anak, minsan kailangan mo malaman ang masasakit na bagay upang matanggap mo na ito at sa kinalauna’y mahawi ang galit sa puso mo pagdating ng panahon” paluha-luhang wika sa akin ni inay. “Ano po ang ibig ninyong sabihin?”, marahan kong tinanong si inay. Pakatapos ng mahabang titig ng mistulang humihiwatig ng sakit at kirot, “Matatagalan pa siguro bago bumalik ang iyong ama. Mayroon na rin kasi siya doong pamilya. Mayroon na kayong kapatid sa ibang nanay kaya hindi na siya masyadong nakapagpapadala.” Iyon na lamang ang naalala ko dati. At dahil doon, si inay na lamang ang natira upang alagaan kami ng aking kapatid.

Sa gabi, sumsayaw ang alingawngaw ng anino ng gasera namin. Ang kamay ni inay ay umiindak pa kasama ang apoy upang i-repack ang mga paninda naming tulad ng bawang. Ang tilaok ng manok ang hudyat ng kanyang pag-usbong sa kama at bitbitin ang malalaking karton at humanap ng pwesto sa palengke upang ibenta nya ang kanyang mga paninda. Ang mga panindang ito ay ang bumuhay sa amin sa taong wala ang haligi ng tahanan. Marahil ito’y marupok na at nawasak na ng sindak ng panahon o ‘di kaya’y lumipat na ng bahay upang panindigan niya ang kanyang pagiging haligi.

Tulad ng bawang, umusli ang dahon nito na galing sa ilalim ng lupa. Pinilit na lumaki sa pangangasiwa ng ugat sa ilalim at ang araw na sinisipsip ng dahon sa itaas. Hindi naging hadlang ang lupa na bumabalot sa aming pagkatao. Sa sipag ng aking ina pati na rin sa tulong Niya, mas lumakas ang uhaw ko upang magpursige. Oo, kulang man kung iisipin dahil wala akong ama na sana’y nagpapalaki sa akin ngayon.

Ngunit salamat na rin sa inspirasyon upang ako ay mag-pursige sa laban ng buhay. Salamat na rin sa mali na tinuruan ako kung ano ang tama. At ngayon na ako’y magtatapos, nakikita ko na ang ngiti sa aking ina sa bawat bawang na nabibili sa kanya, pawis na tumutulo at sakit na nararamdaman. Ang bawang na dati’y waring isang bagay na binibenta ay nag-bunga na ng isang medalya: ginto ,kumikinang, matibay. Isang pangitain na ang bawang ni nanay ay nag-bunga na. Salamat, inay! Ang lahat ng ito ay para saiyo.

author: joemzky

p.e./kf