Sa pag-ibig, gaano kahaba ang iyong pagpapasensiya? Hanggang kailan mo kakayanin ang pag-uugaling hindi maganda  ng mahal mo ? Napagod ka na din ba?

Lonely Man  (Photo Credit:   Itsanewgay.wordpress)

Lonely Man (Photo Credit: Itsanewgay.wordpress)

Taong 2007 noong makilala ko si Jenny. Nagkagusto ako sa kanya. Niligawan ko at hindi nagtagal, naging kami. Habang nananatili kami bilang magkasintahan, maraming pagsubok ang dumaan sa amin. Pero lahat ‘yun ay nalampasan namin. Palaging away-bati kami. Parang aso at pusa na hindi magkasundo sa halos lahat ng bagay. Pero lumilipas din ‘yun sa amin. Ilang ulit na tampuhan na nauuwi sa hiwalayan. Pero hindi yun tumatagal. Napagtatanto din namin ang mga pagkakamali ng bawat isa. Nagkakapatawaran at nagkakabalikan.

Tumagal kami ng tatlong taon at anim na buwan. At sa tatlong taon at anim na buwan na ‘yan, ganyan ang naging ikot at daloy ng aming relasyon.

Habang kami, masasabi kong ako yung laging nagpapasensiya. Dahil siguro mahal na mahal ko siya noon. Lagi kong iniintindi ang pag-uugali niya, kahit na minsan ay ang hirap nang intindihin. Laging ako ang nagmamakaawa kahit na siya naman talaga ang may kasalanan. Ewan ko ba kung bakit ako naging ganyan sa kanya noon.

Sa tagal ng aming relasyon, hindi ko na matandaan kung ilang beses niya akong minura, pinagsalitaan ng masasakit at masasama. “Letse! Bwisit! Animal! Tang ‘na! Shit!” at marami pang iba. Mga salitang kailan man ay hindi ko narinig na sinabi sa ’kin ng aking mga magulang kahit pa napakasama kong anak.  Pero natiis ko yan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan.

Marami ang nagsasabi na magkamukha daw kami. Halos lahat ng makakita kapag magkasama kami, iisa ang sinasabi. Magkamukha daw kami. Pati sa mga pictures na magkasama kaming dalawa. Nakikita ko nga na magkamukha nga kami. Iyon siguro ang nagpapatatag sa ’kin para maging matibay at mapagpasensiya sa pag-uugali niya. Bukod sa mahal na mahal ko siya.

Naalala ko tuloy noong sinamahan ko siyang magpapirma ng papel niya sa Valenzuela City General Hospital. Isa kasi siyang Nursing Student noon at nag-OJT siya doon. Noong pumasok siya at kausap yung Doctor na pipirma sa papel niya, siyempre, naiwan ako sa labas. Napapaihi na ako noon, naghanap ako ng Comfort Room pero wala akong makita sa Hospital na ‘yun. Bawal kasi akong pumasok sa loob. Lumabas ako para maghanap ng Public Toilet; wala din ako nakita.  Hanggang sa nakita ko yung SM Valenzuela.  Siyempre, siguradong may toilet ‘yun kaya doon ako pumunta. Medyo may kalayuan ‘yun mula sa hospital. Tumakbo pa ako dahil paihing-paihi na talaga.

Noong nakaihi na ako at pabalik na sana sa hospital, biglang tumawag sa ’kin si Jenny.

Jenny: Nasaan ka?!

Iceburn: Andito sa SM, umihi lang ako pero pabalik na ako d’yan.

Jenny: Hay! Bahala ka sa buhay mo! Uuwi na ako!

Tumakbo na naman kahit na basang-basa na ng pawis ang damit ko. Pagkadating ko ng Hospital. Wala na siya. Tinatawagan ko, hindi niya ako sinasagot. Akala ko naman, hihintayin niya ako at hindi tototohanin yung sinabi niya. Nauna na pala talaga siyang umuwi. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ang inaasta niya. Wala naman akong ginagawang masama.

Siyempre nagmamadali akong pumara ng sasakyan at baka maabutan ko pa siya sa Monumento Station ng LRT. Pagkahinto ng sasakyan bago sa may Munumento Circle, bumaba na ako. Malayo pa pala dun ang LRT Monumento Station. Di ’ko alam kasi noon lang ako napagawi roon.

Tumakbo na naman ako; pagod na pagod na ako na parang aso noong makarating ako ng LRT Station. At naabutan ko nga siya doon. ‘Hindi ’ko alam kung hinintay ba niya ako o ano. Basta nakasimangot siya sa ’kin pagdating ko doon. Hindi ko siya maintindihan. Pero lahat nang yun ay tiniis ko. Pinahaba ko nang pinahaba ang pasensiya ko.

Akala ko, ako yung taong may mahabang pasensiya at pang-unawa. Akala ko, kayang-kaya kong tiisin ang hirap at sakit na dinadanas ko habang kami pa ni Jenny. Akala ko hindi ko kayang mawala siya sa buhay ko. Puro lang pala akala ang mga yun. Dahil ang taong katulad ko ay mag KAPAGURAN din pala.

Taong 2008 noong pumunta ako dito sa ibang bansa. Bago ako umalis, kami pa. Maraming pangako ang iniwan ko sa kanya. At nangako din siya na maghhintay siya hanggang sa araw na babalik na ako ng Pinas.

Habang naririto ako sa malayo at nagtitiis sa lungkot at pag-iisa, napapagod at nagtatrabaho para sa pamilya, siyempre, kailangan ko din sana ng taong papawi sa pagod at lungkot ko. Simpleng text lang sana niya na  nagpaparamdam ng pagpapahalaga at pag-aalala niya sa ’kin. Pero hindi eh. Kasi lagi niya akong pinagdududahan at pinag-iisipan ng masama kapag hindi ko siya mareplyan, kasi hindi naman araw-araw ay may load ako. At kailangan ding magtipid. Sasabihin niya may kinakasama na daw ako dito. May iba na daw ako. Marami siyang sinasabi na hindi maganda. Nasa malayo na ako pero hindi pa rin nagbabago ang pag-uugali niya.

Imbes na papawiin niya yung pagod at lungkot ko, hindi. Dahil dinadagdagan pa niya. Tiniis ko na naman yun nang matagal. Umabot pa ng taon. Pero walang pagbabago. Lalo lang lumalala. Ang hirap para sakin na nasa malayo at pag-iisipan niya ng masama. Pagdududahan at ano pa, kahit wala naman akong ginagawa. Lagi niya akong hinahamon na maghiwalay na kami. Pero ipinaglalaban at inililigtas ko ang relasyon namin kahit na siya naman talaga ang mali at nag-uumpisa ng away. Alam ko kasi na kayang-kaya ko.

Akala ko naman habang buhay kong kakayanin ang pag-uugali niya. Akala ko hindi ako susuko. Akala ko naman, sapat nang mahal ko siya para palaging magpakatanga at magpaka-kawawa sa kanya. Hindi pala.

Dahil sa pag-uugali niya na yun, unti-unti kong inipon ang pagmamahal ko sa kanya. Unti-unti kong inipon ang aking pasensiya para sa kanya. Unti-unti kong inipon ang aking pagtitiis at paghihirap sa pag-uugali niya. At noong pagsama-samahin ko ang lahat ng iyon, isa lang ang nabuong salita.

KAPAGURAN.

author:  iceburn

p.e./mj