Hindi sa lahat ng pagkakataon ay masasabi natin na tayo ay mapalad. Hindi lahat ng mga bagay sa mundo ay patas. Hindi maaaring magpantay ang mayaman at mahirap.

I love my nanay shirt (Photo credit: zazzle)

I love my nanay shirt (Photo credit: zazzle)

Nagsimula akong tahakin ang buhay bilang isang pangkaraniwang paslit na nakatira sa squatter’s area. Noong panahong iyon ay tatlo na kaming magkakapatid: ang Kuya Erwin ko, Ako at si Val. Sa aming tatlo ay masasabi kong ako ang pinakamasipag mag-aral. Nag-aral ako sa isang pampublikong paaralan sa Navotas at dito ko napansin ang kaibahan ng buhay ko sa mga naging kaklase ko. Grade 1, pasukan na, inihatid ako ng nanay ko sa pinapasukan kong paaralan. Tulad din ng mga batang ayaw mahiwalay sa kanilang mga magulang sa unang pagkakataon, pinilit ko ang nanay ko na bantayan ako sa labas ng classroom namin. Kailangan ay nakikita ko siya sa bintana para maramdaman kong hindi ako nag-iisa. Tumagal ang ganitong sitwasyon ng isang lingo hanggang ipinagbawal na ni titser ang mga magulang na magbantay sa aming silid. Medyo nahirapan ako sa una dahil sa unang pagkakataon, naramdaman kong nawalan ako kakampi. Kahalubilo ko na ang ibang mga bata na abala sa kani-kanilang ginagawa. Napansin ko ang mga magagarang gamit pang-eskwela ng mga kaklase ko, may mga mababangong pambura, mga lapis na makukulay, pencil case na kapag binuksan ay may mga iba-bang compartments, gunting na natitiklop at mga bagong bag na binili pa sa Mall. Hay naku, ang gagara ng mga gamit nila samantalang ako ay mayroon lamang ilang pirasong mumurahing notebooks, isang pirasong itim at matabang lapis, at isang bag na may kalumaan at hiningi lamang ni nanay sa kapitbahay namin.

Mabilis na nagdaan ang mga araw at lingo, napansin kong lumalaki na ang sira ng bag ko. Sa sobrang bigat ba naman ng dala nito e talagang bibigay sa bigat. Unang napatid ay ang strap nito, nilagyan ko na lamang ng pardible para hindi ako mahirapan sa pagbubuhat ng mga gamit ko. Sumunod na nasira ang mga bulsa nito, napunit na. Hinayaan ko na lamang ang mga diprensya ng bag ko, iniisip ko na lamang na maige pa rin ito dahil nadadala ko pa rin ang mga gamit ko kahit papaano.

Isang araw, pauwi na ako ng bahay. Habang naglalakad ako ay napansin ko na lamang na gumaan ang aking dala-dalang bag, sa aking paglingon ay isa-isa nang nahuhulog ang mga notebook at libro ko. Umuwi akong umiiyak at dali-daling yumakap sa nanay kong nag-aantay sa may pinto. Sinabi ko sa kanya na ibili nya ako ng bagong bag dahil wala na akong magagamit. “Hindi kita mabibilan ng bag ngayon, marami tayong babayaran at kulang pa itong pera ko para sumapat sa ating pagkain” tugon ni nanay sa akin. Hindi ko na siya pinilit pa. Sinubukan kong kumpinihin ang bag ko ngunit hindi na ito kasing tibay noong ito ay maayos pa. “Hayaan mo na iyan!“, sigaw sa akin ni nanay. “Ako na ang mag-aayos niyan mamaya“, pakli ni nanay habang patuloy ko pa ring pinipilit na ayusin ang aking bag. Binitiwan ko na ang pagkakalikot sa bag ko nang marinig ko na sa kapitbahay naming na nagsisimula na ang paborito kong palabas sa telebisyon, Shaider: Pulis Pangkalawakan. “Nay punta muna ako kina Aling Marilou, manonood lang ako ng Shaider!“, sigaw ko habang tumatakbo palabas ng bahay upang makinuod ng TV. Dagli kong nalimutan ang sira kong bag. Pagkatapos kong manood ay umuwi muli ako para makakain. Nagligpit ako ng pinagkainan namin at natulog na ako.

Kinabukasan, naalala ko na sira pa rin ang bag ko kaya sinabi ko na lang sa nanay ko na hindi ako papasok dahil wala pa akong bag. Pero laking gulat ko ng inabot sa akin ng nanay ko ang isang bag na kulay itim at puti (stripe). Sa aking pagkagulat, tinanong ko ang nanay ko kung saan siya nakakuha ng pambili. “Espesyal ‘yang bag na iyan“. sabi nya. “Huh?” tugon ko sa kanya. “Naalala mo ba ang paborito kong pantalon na Kulduroy? Ginupit ko at ginawa kong bag para may magamit ka” tugon ni nanay sabay ngiti sa akin.

Noong araw na iyon, masasabi ko na ako na yata ang pinakamasayang bata dahil mayroon na akong magandang bag na ginawa ni nanay mula sa kanyang pantalon, pinagpuyatan niya itong tahiin para may may magamit ako. Mula noon, hinding hindi ko malilimutan ang tagpong iyon. Kahit isa na akong guro ngayon, ikinikwento ko ito sa mga mag-aaral ko, lalo na yung mga batang alam ko na katulad ko ang sitwasyon ko dati. Hindi hadlang ang kahirapan upang tayo ay maging matagumpay sa buhay. Sa wakas, napantayan ko na din ang mga kaklase kong may maganda at magarang bag, s’yempre espesyal ang sa akin.

author: jayorongan

p.e./kf