“Wow. Canada! Ang ganda siguro doon!”

Iyan ang madalas kong marinig sa mga taong ‘di pa nakararating ng Canada. Marami ang nangangarap pumunta dito. Maliban sa ganda ng lugar, ang mga benipisyong matatanggap mula sa gobyerno ay hindi basta basta kapag ika’y naging permanent resident o naging citizen. Dahil dito, hindi ganoon kadali ang makapasok dito.

Filipino caregeiver        (Photo credit: caregiverjobs)

Filipino caregeiver (Photo credit: caregiverjobs)

Bago ko ilahad ang sitwasyon ko bilang isang caregiver dito, akin munang ikukuwento kung paano ako nakarating dito. Hindi katulad ng karamihan na dumaan sa agency, nakilala ko lamang sa internet ang taong tumulong sa akin upang makarating dito sa Canada. Dati akong miyembro ng POEA forum at dahil sa ka-adikan ko, isa ako sa naging bahagi ng organisasyon na tumutulong sa OFWs at kanilang pamilya. Lahat kami, sa internet lang nagkakilala. Officers kami ng organization (parehong adviser at ang mga officers ay based lahat sa Pilipinas). Nakapagparehistro kami sa SEC sa tulong ng aking anghel dahil nagpahiram siya ng isang milyon sa grupo (iyon kasi ang kinailangan namin upang legal kaming makahingi ng donasyon sa ilang OFWs noong panahon ng Ondoy at ilan pang kalamidad sa Pilipinas). Pangalanan na lang natin ang aking anghel na Ninang A. Sa kwela at kakulitan ko sa grupo namin tuwing may online meeting kami, natuwa si Ninang A at naging malapit kami sa isa’t isa. Marami siyang alam sa buhay ko at ganoon din ako sa kanya hanggang nagdesisyon sya na tulungan ako na makarating ng Canada.

Bago iyon, marami na siyang tulong na ibinigay sa aking pamilya noong napatunayan niyang totoo ang mga kwento ko tungkol sa buhay ko. Inalam muna niya ang aking totoong pagkatao dahil sa internet nga lang kami nagkakilala. Ang sinabi niya sa akin, she did a research about me. May inutusan siyang tao upang puntahan ang bahay namin at inalam ang kalagayan ng pamilya ko. Huli ko na nalaman nang tinanong ko siya kung bakit ganoon na lamang siya tumulong sa akin tulad halimbawa ng pagbigay ng tig limang libong piso sa nanay ko at bunsong kapatid ko noong birthday nila, isang taong supply ng gamot para sa diabetes ng nanay ko, pagpapaopera para sa pamangkin ko at pagpapadala ng pera sa akin noong nawalan ako ng trabaho sa ibang bansa. Bago ko pa nalaman na may mga koneksyon siya at may sinabing tao, close na kami kaya sana, ‘di isipin ng iba na ako ay nanggamit ng ibang tao para makarating dito. Nakarating ako ng Canada noong August 2010. Marami ang nagulat at nagtanong. Huh? Ako na 4’8 1/2″ lang ang height at 34kgs ay magiging caregiver? Kakayanin ko daw ba ang pag-aalaga ng matanda?  Marami kasi ang ‘di nakakaalam na dito sa Canada, nanny o katulong ay tinatawag na caregiver. Ang alam ng ilan, kapag caregiver ka ay sa matanda or sa mentally disabled kids lamang nag-aalaga.

Yaya at katulong din ako dito at under live-in caregiver program ako. Mula umaga, nag-aalaga ako ng dalawang makukulit ngunit super cute na mga bata. Ako ang naghahanda ng kanilang pagkain mula umaga hanggang gabi, naglilinis ng bahay, naglalaba, namamalantsa, nagkukuskos ng kubeta, nagluluto, naglvavacuum at iba pa (Sa pagkakaalam ko, ang mga kaibigan kong caregivers ay ‘di namamalantsa at nagluluto. Depende sa amo ang kanilang trabaho). Ang kaibahan lang namin dito kaysa sa ibang parte ng mundo, may oras ang aming pagtatrabaho. Kadalasan, walong oras sa isang araw ang trabaho ngunit sa aking kalagayan na parehong abala ang mga magulang ng mga alaga ko, nagtatrabaho ako ng labindalawang oras sa isang araw. Dito, karamihan sa caregivers ay pumapasok ng limang araw sa isang linggo at pahinga ang sabado at linggo. May ilan din namang pumapasok ng weekend depende sa schedule ng kanilang mga amo.Masasabi kong, swertehan ang pangingibang bansa kahit na maganda pa ang bansang iyong mapupuntahan. Halimbawa na lang, dito sa Canada, masuwerte ka kung ang mga amo mo ay itinuturing kang kapamilya. Katulad ng mga amo ko, isinasama ako sa mga lakad nila, sa family dinner at maging sa bakasyon sa loob at labas ng bansa. Pero marami rin naman ang ‘di sinuwerte. May ilan dito, naloko ng agency nila pagkatapos nilang magbayad ng placement fee. Ang sabi, may employer sila dito pero pagdating ay wala pala. Maswerte sila kung may kamag-anak silang madadatnan o matutuluyan habang naghahanap ng trabaho. May ilan naman na nakarating dito sa tulong ng kanilang mga kamag-anak. Ang kamag-anak ang nag-sponsor sa kanila at kinukuha silang caregiver. Mayron naman na pinalalabas na sila ang employer pero release upon arrival. Dito kasi, kahit na i-release ka ng amo, malaya kang makahanap ng trabaho hindi katulad sa HK na kapag ma-terminate ka ay pauuwiin ka ng Pilipinas.

‘Pag nakarating ka ng Canada, suwerte mo dahil protected ang mamamayan dito. Minsan nga lang, hindi maiwasan na may mga tao pa rin na kayang gumawa ng kalokohan katulad na lamang ng isang tinulungan kong makarating dito. Masakit bilang kaibigan niya ang magkalimutan kami dahil sa mga nangyari ngunit sobra akong nasaktan sa ginawa nya. Sabi nga, hindi ka dapat naghihintay ng kapalit kapag gumawa ka ng kabutihan sa kapwa pero ang masakit sa akin, nang makarating siya dito ay kinalimutan na ako at gumawa pa ng kuwento upang makuha ang loob ng mga taong malalapit sa akin kasama na doon ang tumulong sa akin na makarating dito (na bandang huli ay nalaman naman ang buong katotohanan kung sino sa amin ang totoo). Mabuti sana kung binayaran niya ako e (lol) para kahit kalimutan niya ako, masasabi kong quits lang kami. Kahit pala ang intensyon mo ay makatulong, may tao pa ring kayang manakit ng damdamin mo.

Dito, marami kang makikilalang propesyonal sa Pilipinas na piniling maging live-in caregiver. Hindi ka makapapasok dito bilang caregiver/katulong kung wala kang two years sa college o kaya ay wala kang 72units. Mali ang haka-hakang makapapasok ka dito kahit na high school graduate ka. Marahil, mali ang pagkaunawa ng iba. Dito kasi, hanggang Grade 12 ang high school at sa Pilipinas naman, kapag nakatapos ka ng 4th year, 10 years lang ang katumbas noon. Upang maging katumbas mo ang HS graduate dito sa Canada, dapat ay mayroon kang two years sa college. Pagkatapos ng dalawang taon bilang live-in-caregiver, puwede ka nang mag-apply ng tinatawag na open work permit na ang ibig sabihin ay puwede ka nang magtrabaho ng kahit ano at kahit kaninong employer. Kapag ikaw ay nasa program pa, hindi ka maaaring magtrabaho sa ibang amo maliban sa nakasulat sa iyong work permit. Kasabay ng pag-apply ng OWP, ikaw ay puwede na rin mag-apply bilang permanent resident ng Canada at kasama mo sa pagpasa ng papel mo ang iyong mga anak at asawa na nasa Pilipinas. Ang swerte nila, ‘no?

Ganoon pa man, may mga nabalitaan pa rin akong nagsisisi sa kanilang pagdating dito. Mas masarap daw kasi ang buhay nila sa ibang bansa. Minsan na akong nakabasa ng kuwento ng isang caregiver na dating nurse sa Saudi at hindi daw nya inisip na magtatrabaho siya bilang katulong dito. Inisip daw kasi niya na sa hospital o nursing home ang kanyang papasukan. Sabagay, hindi ko naman hawak ang isip iat maaaring mas masarap nga ang buhay niya doon sa pinanggalingan niya. Wala akong karapatan para husgahan siya ngunit ang masasabi ko lang, dito ay kailangan mong magsipag at magtyaga upang umasenso. Hindi pwedeng pa-easey easy ka lang dahil nasa Canada ka at maaaring matulungan ka ng gobyerno kapag nawalan ka ng trabaho. Tiis, sipag at tyaga ang puhunan dito maging sa ibang parte ng mundo upang magtagumpay ka. Walang madaling trabaho at hindi instant ang pagyaman o pag-unlad (nagiging madali lamang para sa iba dahil masaya sila sa kanilang ginagawa). Kailangan, paghirapan mo muna ang bawat bagay bago mo makamit ang pangarap at higit sa lahat, hindi ka dapat sumuko sa mga pagsubok dahil ang sumusuko ay natatalo.

Matatapos ko na ang dalawang taon at sa susunod na buwan ay aalis na naman kami ng mga amo ko papuntang ibang bansa. Marami rin akong pinagdaanan bago ko narating at naapakan ang snow ng Canada. Marami akong napatunayan sa pagpunta ko dito. Dati akong walang alam sa buhay pangangatulong ngunit nagawa ko dito. Nakaya kong ibaba ang pride ko kahit na dati, ako ay tinatawag na ‘Ma’am’ ng mga estudyante at mga propesyonal na magulang na nakakausap ko. Dati akala ko, ang mga tao na makikilala mo sa internet ay hindi totoo ngunit meron pa palang natitirang may busilak na kalooban at ang hangad lamang ay tumulong sa kapwa. Higit sa lahat, natutunan ko ang salitang “tiwala” dahil tinuruan ako ng taong nanakit sa akin kung ano ang tunay na kahulugan noon.

author: ardipee

p.e./kf

Enhanced by Zemanta