Isang artikulo ko ukol sa isang batas na tila nagiging parte ng mga ugat ng problema sa lipunan ngayon.

Isang madaling araw sa may bandang Quezon City,  nasaksihan ko  ang mga batang sumasampa sa likuran ng isang truck at magnanakaw ng mga bagay roon. Nakunan ko ng litrato bagamat mabilis ang mga pangyayari. At nakababahala na rin ang mga ganitong klaseng sitwasyon kahit wala na ito sa sirkulasyon ng media.

Pustahan, marami pa ang mga batang hamog sa mga lugar tulad ng EDSA Guadalupe, mga nanggagahasa’t pumapatay, at nagnanakaw sa bandang Pasay, Kalookan at ibang lugar sa Kamaynilaan (ayon na rin sa mga police beat reports). Unang isinulat ng inyong lingkod ito noong nakaraang taon. At teka lang, hindi naman sila nasasakdal e.

RA 9344. Juvenile Justice and Welfare Act. Isang batas na minamata ng mga tao sa nakalipas na taon.  Sabagay, nakababahala na ang mga pangyayari ngayon, lalo na pag nanonood ka ng mga police beat reports sa mga balita. Ayon sa batas na ‘yan, ang mga taong nagkasala na edad kinse anyos pababa ay hindi makukulong at bagkus ay mapupunta sa kustodiya ng DSWD o ang Department of Social Welfare and Development.

Pero dahil sa kakulangan ng budget na nakalaan dito, napapauwi lang ang mga batang ito, at mula roon nakagagawa sila ulit ng krimen. At ang masklap pa dyan? Mas marahas at karumal-dumal na krimen pa ang nagaganap.

Mula pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw at kahit ultimong pagtutulak ng droga; ng dami nang buhay ang nawawala at nagiging isang malaking palaisipan ang batas na ito dahil sa sinasamantala ito ng mga sindikato, at kahit ang mga pulis na humuhuli sa mga ito ay walang magagawa dahil sa kailangang palayain din ang mga kabataang ito at ang nagagawa lang ng DSWD ay ang pangaralan lang ang mga batang kriminal. Kaya ang lumalabas dito ay pabor na pabor sa mga batang ito ang gumawa ng krimen sa lipunan hangga’t una, laya nila at pangalawa, wala pa sila sa legal na edad.

Naging mainit na debate ito. Dahil maraming nagsasabi na dapat repasuhin na ang nasabing batas. Pero merong ding nagsasabi na mali daw ang pagpapatupad nito at hindi pa dapat isaayos muli. Ayos sa ilang ahensya ng gobyerno, dapat na may nakalaang pondo dito. Hmm… meron naman yan siguro, pero alam naman nating lahat ang kasaysayan ng korapsyon sa lipunan.

Sana ay isaalang-alang natin; imposibleng sa mga edad na onse pataas (o kahit mas bata pa sa nabanggit ko) ay hindi pa batid kung ano ang pinagkaiba ng tama sa mali. Kung tutuusin, pabor pa nga ito sa kanila dahil ang matibay na alintuntunin sa ganyang kaso ay ilalagay sila sa isang espesyal na kulungan na hindi kasama ang mga nakatatandang kriminal (o “hardened criminals”); pag-aaralin, at iba pang benepisyo upang sa pagkumpleto ng sentensya nito ay isa siyang maging ganap na produktibong mamamayan. Pero ito ba ay nasusunod?

Hindi. Bakit? Dahil sa tinatawag nilang “budget.” Mahirap nga naman magpatakbo ng bansa, samahan mo pa ng mga kawatan sa kalye at sa opisinana ,tila walang katapusan sa mga kalokohan nila sa kapwa.

Ngayon, opinyon ko po? Dapat nga repasuhin ang batas na ito. Kung ako nga lang ang may imumungkahi, dapat:

  • Magkaroon talaga yan ng sapat na pondo para sa nasabing batas. (Kaso…. pasaway ang mga andoon e. Yun lang)
  • Magkaroon ng isang gusali na magiging haligi sa pagsasaayos sa mga batang ito.
  • At ito nga lang mahirap diyan, ang panagutin din ang mga magulang o sinumang responsible sa kanya.

Bakit kanyo?

Dahil ang mga magulang ay humuhubog sa anak. Posibleng ang kapaligirang kinalakihan niya o ang istilo ng disiplina sa bata ang may pagkakamali diyan. Pero ito lang ang katotohanan diyan. Kung ano ang puno, siya ang bunga. Ibig sabihin? Ang mga ginagawa natin sa ating mga nakatatanda, kahit balang araw ay magiging iba na naman ang takbo ng mga susunod na henerasyon, yan din ang gagawin sa atin ng mga taong nakababata sa atin.

Palibhasa, mahirap din kasi ang malagay sa ganyang sitwasyon. Kung magulang ka at nagnakaw ang anak mo sa isa sa mga kalye sa Quiapo, at nahuli doon, mahirap kalabanin kung ano ang tama sa mata ng batas. Kahit labag sa kalooban mo, hindi mo pa rin maiiwasan ang katotohanan na “ayaw makita ng magulang ang kanyang anak na nasasaktan o napapahamak.”

Pero, ano naman kaya ang pakiramdam kung ikaw yung nabiktima? Ano yan? Ipamumukha sa iyo na “tatanga-tanga ka kasi dahil alam mo na takaw-krimen ang lugar na dinaanan mo e ilalabas mo pa yang dala-dala mo na alahas, cellphone, gadget o anuman pa.” Sa madaling salita, ikaw din pala ang gumagawa ng ikapapahamak mo?

Kung tutuusin, hindi rin tamang dahilan yan e. E paano kung emergency call pala yan? At kailangan mong sagutin habang nagmamadali ka sa paglalakad mo? Ano ‘to? Lokohan? Nahuli nga siya, nabawi ang gamit. Gusto mo magsampa ng reklamo para magtanda sa panloloko, pero hindi mo magawa dahil sa edad niya? Parang tinuturuan naman natin na, “Sige boy, gumawa ka lang ng kalokohan diyan, hindi ka naman mananagot sa batas.” At tila ang ganitong galaw sa ating sistema ay nagpapatunay kung gaano kabulok ito at ang mga taong nagpapatupad nito. Saklap ba?

Author: slick master
Date and time: (first published for nestor092890.blogspot.com) 10.13.2011, 01:39 p.m.;
(for DF blog) 05.14.2012, 09:16 a.m.
© 2011, 2012 september twenty-eight productions
p.e./mj