Isa ako sa mga OFW na napalayo sa mga magulang para matulungan at masuportahan ang pamilya.Lakas ng isang Ina  (Photo Credit:  Angela)

Habang ginagawa ko ang salaysay na ito, hindi ako pumasok sa aking trabaho sa kadahilanang natalisod ako at masakit ang aking paa at mukhang namaga, pero ayaw kong ipaalam sa mga mga magulang ko para hindi sila mag-alala at ok lang ako dito. Pumapatak na naman ang aking mga luha dahil naalala ko ang aking Nanay dahil maalalahanin siya at iniisip niya kami lagi,  ang aming kalagayan dito at ayaw kong madagdagan ang kanyang alalahanin lalo pa ngayong may sakit siya.

Nag-umpisa ito noong August 2008, sa edad na 59. Nalaman na mayron siyang bukol sa kanyang ovary, nagpacheck up siya kasi kahit menopause na mayroon pa rin siyang spotting at sumasakit ang kanyang baywang. Inumpisahan sa lalong madaling panahon at inoperahan sya sa Baguio General Hospital.

Nasa Pilipinas pa ako noon at habang hinihintay ang aking papel papuntang Aruba, nagtrabaho muna ako bilang isang office staff sa isang lending company. Kahit papaano makatulong pa ako sa aking mga magulang kahit hindi sapat ang sahod. Nagresign na ako sa aking trabaho, dahil sinabing malapit nang lumabas ang aking working permit.  Kaya ako at ang tatay ko ang nagbantay habang inooperahan ang aking Nanay.

Si Nanay ay hindi nakitaan ng pagkatakot sa kanyang mukha habang hinihintay ang kanyang schedule ng kanyang operasyon. Habang nasa OR siya, ok ang kanyang BP, ok naman ang result ng kanyang 2D echo, pero tumaas ang kanyang blood sugar kaya tinusukan siya ng insulin, ‘yon pala nakalimutan niyang uminom ng kanyang maintenance a night before ng kanyang operasyon.

Mga ilang oras din ang aming paghihintay at natapos ang kanyang matagumpay na operasyon.  Lumapit sa amin ang kanyang OBgyne Surgeon at ipinakita ang tinanggal na ovary.  Inutusan niya akong dalhin sa laboratory upang ipasuri o ipa-biopsy. Bumalik ako sa hospital at nakita kong nilipat na siya sa recovery room.  Nilapitan ko siya, at bigla akong napaiyak at nakita kong umiiyak din siya at hindi nakabubuti iyon sa bagong opera kaya minabuti kong umalis na lang at sinabi na pagaling siya.

After 8 hours, nilipat na rin sa private room niya. Naging mabilis ang paghilom ng kanyang sugat kahit sabihin natin na diabetic siya. Mga ilang araw din ang pamamalagi niya sa hospital at pinauwi na rin siya dahil kaya na niya. Ako at ang tatay ko ang nag-alaga sa kanya. Tatlo kaming mgkakapatid, ang ate ko nasa Aruba at siya ang kumuha sa akin dito at ang kuya ko na pumapasok sa isang government office, siya ang matiyagang tagahatid-sundo sa hospital at kinakailangan niyang umabsent sa kanyang trabaho.

Umakyat sila ng Baguio dahil tumawag ang kanyang Doctor makalipas ang ilang linggong paghihintay sa result ng kanyang laboratory. Kinausap sila ng Doctor at doon nalaman na cancerous at nasa stage 1-B. Hindi ko na matandaan ang unang reaksyon ng nanay ko sa oras na iyon, pero alam kong nalungkot siya. Kaya pin schedule agad ang unang session ng chemo niya at sinabi ng nanay ko na pagkatapos na lang  ng kanilang birthday ni Ara, ang aking pamangkin.

Naging positibo naman ang nanay ko at ok ang pagtanggap niya dahil alam niyang may pag-asa pang madugtungan ang kanyang buhay.  Ang inaalala lang niya ay ang gagastusin. Mabuti na lang at nasa ibang bansa ang ate ko at mabait din na tumulong ang Auntie ko na kapatid ni Nanay na nasa ibang bansa din.

Habang hinihintay ang unang session ng chemo ni Nanay, araw ng Sabado katatapos lang ng selebrasyon ng birthday ng aking pamangkin, sinugod namin sa malapit na family clinic ang aking Auntie sa kadahilanang hindi siya makahinga. Sinabi ng Doktor na dalhin na lang sa malaking hospital. Minabuting sa BGH na rin dalhin dahil doon din nakaschedule si Nanay para sa unang pagpapagamot niya para sa Cancer.

Lunes, dinala si Nanay sa Private Room at si Auntie naman ay nasa ward dahil doon ang gusto niya dahil iniisip ang gastusin.  Matandang dalaga siya kaya kami ang mag-aasikaso sa kanya. Si Nanay, iniisip ang kalagayan ng Auntie ko ganoon din si Auntie para sa Nanay ko. Nakauwi na si Nanay, pero naiwan pa si Auntie sa hospital sanhi ng may pulmonary problem.  Isa rin ang dahilan kaya hindi makahinga dahil malaki na ang goiter nya. Doon na rin nalaman na Thyroid Cancer na at nasa stage 4. Hindi nagtagal at pumanaw na rin ang Auntie ko habang patuloy pa rin ang pagpapagamot ni Nanay.

Ilang araw pa lang ang nakalilipas dinala ulit naming ang aking Nanay sa hospital dahil bumaba ang kanyang white blood cell.  Nagkaroon siya ng infection at kinakailangang bigyan ng gamot na mahal, pero mabisa naman iyon. ‘Yong tinatawag nilang wonder drug. Salamat sa Diyos dahil bumalik sa normal ang kanyang WBC dahil kung hindi naagapan ay maaring ikamatay ng pasyente. Pagkatapos noon, naging protective na kami sa aming Nanay. Dahil siya ang madaling mahawaan ng sakit.

Habang nakaburol pa ang Auntie, binantayan ng isang buwan.  Noon din, may nararamdaman din akong bukol sa aking suso. Pinakita ko at mayroon ngang cyst. January 2009 nagdecide akong ipaopera dahil nalalapit na rin ang aking pag-alis at nag-aalala ako dahil sa history naming na Cancer. 10 years old pa lang ako, namatay ang isa kong Auntie dahil sa Breast Cancer. Sumunod ay itong si Auntie ko na kamamatay lang sa Thyroid Cancer at si Nanay na ginagamot sa Cancer sa Ovary. Dalawang suso ang pinaopera ko dahil sa cyst. Pero hindi naman ako binigo ng Ating Panginoon.

March 7, 2009 ang nakatakdang alis ko papuntang Aruba.  Aalis akong hindi pa tapos ang chemo ni nanay at may dalawa pang natitira. Salamat at may Auntie ako na kapatid ni Nanay na mabait na nag-aalaga sa kanya at galing pa ng Mindanao. Pagdating ko dito sa Aruba, marami nang utang ang ate ko dahil sa malaking gastusin sa pgpapagamot. At least dalawa na kaming tutulong sa gastusin ni nanay.

Natapos ang anim na session ng chemo ni Nanay ng April 2009 at bumalik na rin ang kanyang buhok pero ang dati niyang sigla ng katawan ay hindi pa naibabalik, minsan mahina minsan malakas. Sa tuwing ok ang pakiramdam ginagawa niya ang dating nakasanayan.   Masipag ang nanay ko at ang hilig niya ay puro halaman.  Iyon ang nagpapasaya sa kanya. Na kahit umuulan nakapayong siya at naglilinis sa bakuran namin. Naging ok naman ang kanyang follow up check up.

Mahigit isang taon din na nakarecover siya sa sakit na Cancer .August 2010, masayang dumalo si Nanay sa kanilang reunion sa Malaybalay Bukidnon; nandoon kasi ang mga kapatid niya at ang aming lolo Kami naman ng ate ko ay nakahinga na rin  sa mga utang. Nag-uumpisa na kaming mag-ipon para sa aming pagbabakasyon.  Saktong dalawang taon ko dito sa Aruba (March 2011) at balak umuwi ng April 2012 nabalitaan naming na may manas ang isang paa ni Nanay at pinasuri nila sa BGH. Mayroon daw siyang mild problem sa kanyang kidney. Nagpa CT Scan ulit sila at ‘yon nga, may nakita silang bukol sa kanyang lungs. Ni-refer nila sa expert sa Lungs at sinabing baka mgchechemo ulit siya…

Doon bumagsak ang katapangan ng Nanay ko at umiyak nang umiyak dahil alam niya kung gaano kahirap ang mgpachemo. Pero naging kalmado rin sya noong sinabi ng Doctor na pagagalingin siya. May good news at bad news: may cancer patient  na stage 1 one year pa lang ay namatay na.  Mayroon naman daw stage 4 na patient 10 years na until now buhay pa. Kaya biglang nabuhayan naman ang nanay ko. Na alarma naman kami dito dahil sinabing stage 4 na ang cancer ni nanay kaya kailangan nilang umpisahan agad ang chemo para makuha pa ng gamot at wag nang patagalin pa.  Bumagsak na naman ang mundo namin, bumuhos ang napakaraming luha sa aking mga mata na pag naiisip mo; bigla na lang tutulo.

Sa tulong ng aming boss, minadali niya ang aming pag-uwi sa Pilipinas para makasama ang aming Nanay. Anim na Taon din na hindi nakauwi ang ate ko dahil na rin sa mahal ang pamasahe. Sinabi ng doctor na kailangan nang umpisahan sa madaling panahon ang pagpapachemo ni nanay kaya inumpisahan na ang gamutan habang hinihintay pa naming ang schedule ng flight naming.

Sa wakas, nakarating na rin kami sa Pilipinas habang si Nanay ay nasa kwarto niya at mahinang-mahina… hindi namin malapitan para hindi mainfection katulad noong una kaya nagtiyaga kami na pasilip-silip na lang. Unang araw pa lang namin noong kinahapunan dinala agad namin sa Hospital si nanay dahil nagkaroon sya ng infection at bumaba ang kanyang WBC. Ito ang kinakatakutan ko…. Pero salamat ulit sa ating Panginoon at naagapan at naging ok na si Nanay…

Sa isang buwan na pamamalagi namin sa Pinas lima o anim na beses kaming nagpabalik-balik sa hospital sa tuwing natatapos ang chemo ni Nanay.  Mga ilang araw pa lang nainfection na naman sya. Nakikita ko ang paghihirap ni nanay, ang kanyang pagdaing na parang nakadikit na sa aking tainga. Mahirap talaga ang mgpachemo na sa kahit ang kadulo-duluhan ng iyong buhok ay mararamdaman ang sakit. Naaawa ako kay Nanay dahil sa sobrang hirap ang kanyang nararanasan.

Nakabalik na kami ng Aruba, mahirap sa amin na iwanan si Nanay sa kanyang kalagayan. Pero nagpapasalamat kami sa Pastor namin at ang buong kongregasyon ng aming Church na patuloy na dumadalangin sa Nanay ko. At ang patuloy na pag-aalaga ng aking Tatay sa aming Nanay ay hindi namin iyon makalilimutan. Isang taon ulit ang nakalipas at ngayon patuloy pa rin si Nanay na laban ng kanyang buhay. Masaya dahil tumatakbo na  ulit ng normal ang kanyang buhay.

Paminsan minsan, nakararamdam pa rin siya ng panghihina sa katawan, pero sa pangalawang pagkakataon, nalampasan niya ang pangalawang hamon ng kanyang buhay. Salamat sa ating Panginoon dahil hindi sya nagkulang sa amin. Siya ang aming Panginoon na hindi nagbabago noon, ngayon at kailanman.

author:  sweetziemars

p.e./mj